Birtuwal na Palihan sa Kalusugang Mental, dinaluhan ng mga PCCian
ni Vincent Renz Tabuzo (12C – STEM) | Agosto 26, 2021
ni Vincent Renz Tabuzo (12C – STEM) | Agosto 26, 2021
Dumalo ang mga mag-aaral ng Senior High School (SHS), mga guro, at mga administrador ng PCC-Maynila sa isang birtuwal na palihan na pinangunahan ni Dr. Jerome Go na may paksang “The Impact of COVID-19 on Mental Health” noong Agosto 22, sa ganap na ika-2:45nh.
Si Dr. Go ay isang kilalang Tsino-Pilipinong Psychiatrist na nagtapos sa PCC noong 2001. Nagtapos siya bilang doktor sa Universidad ng Santos Tomas kung saan siya ay pinarangalan ng Benavides Outstanding Achievement Award.
Matapos ang kanyang unang webinar sa PCC noong Oktubre 2020, muling nagbalik si Dr. Go upang magdaos muli ng kanyang panayam tungkol sa kalusugang mental na pinangasiwaan ng Philippine Cultural College Alumni Association (PCCAA). Ito ay dinaluhan ng humigit-kumulang 850 na naglalayong tugunan ang mga problemang pangkaisipan na kinakaharap ng buong komunidad na maaari o tiyak na apektado ng pandemya.
Sinimulan ni Dr. Go ang talakayan sa pamamagitan ng pagbibigay-pansin sa importansya ng kalusugang pangkaisipan. Ang depresyon, isang sakit sa kaisipan, ay nakakaapekto na sa halos 264 milyong tao sa buong mundo, at ito rin ang pangunahing sanhi ng kapansanan sa buong mundo. Ayon sa kanya, maaaring maapektuhan ng problema sa pag-iisip ang mga tao ng bawat edad. Ipinaliwanag rin nya ang iba’t ibang epekto ng pandemya sa pamamagitan ng pagkukwento tungkol sa mga karanasan niya sa walong pasyenteng galing sa iba’t ibang sektor na kumonsulta sa kanya.
Dagdag pa rito, ibinahagi ni Dr. Go na siya ay lumahok sa iba’t ibang programa para magbigay impormasyon tungkol sa kalusugang pangkaisipan tulad ng TV Patrol, DZBB ng GMA 7, sa Teleradyo DZMM, at sa Chinatown News TV. Ang pangunahing rason kung bakit nag-aadbokasiya siya ng ganito ay upang maipabatid niya sa marami ang kamalayan tungkol sa halaga ng kalusugang pangkaisipan. Isa sa binigyang diin niya ay ang stigma at takot sa pagpunta sa sikiyatriko.
Ayon sa kanya, “Marami ang natatakot na makita na nagpapatingin sa isang psychiatrist, kaya lumalala ang kanilang kalagayan”. Bilang isang dalubhasa sa sikiyatrika, sinabi niyang gusto niyang maging boses para sa mga nakakaranas ng problema sa pag-iisip sa loob ng pamayanang Tsino-Pilipino.
Sa panahon ngayon kung saan marami ang nahihirapan, magkasinghalaga lang ang pagpunta sa doktor dahil sa sakit sa katawan at pagpunta sa doktor dahil sa sakit sa isip. Kaya pinunto niyang “Whenever you see anyone with similar cases and symptoms to the first eight patients, kapag po ang obligasyon at responsibilidad ay hindi na nila ginagampanan, act and refer them to a psychiatrist.” Ani ni Dr. Go. “Prevention is always better than curing.” Dagdag pa ni Dr. Go.