PADAYON
Ang Ating Kalusugang Pangkaisipan
by Kaleah Dominique Sy (12A - ABM) | Published May 2023
Kamusta ka?
Isang tanong na maraming posibleng kasagutan gaya ng, “ayos lang,” “kinakaya pa naman,” o di kaya’y “ayoko na.” Ito’y tila isang tanong lamang sa mata ng nakararami, ngunit ito ay isang tanong na may kahulugan at mahalaga.
Ito ang isa sa mga usapin ng nakararami sa kasalukuyan. Ano nga ba ang kalusugang pangkaisipan? Ayon sa World Health Organization (WHO), "ang kalusugang pangkaisipan ay isang estado ng kagalingan na nagbibigay-daan sa mga tao na makayanan ang mga kaigtingan ng buhay, mapagtanto ang kanilang mga kakayahan, matuto at magtrabaho nang maayos, at mag-ambag sa kanilang komunidad."
Maraming bagay ang higit na naapektuhan ng ating kalusugang pangkaisipan gaya ng ating mga kaisipan, emosyon, at pag-uugali ng bawat tao. Ito ay lubos na mahalaga sa bawat yugto ng ating mga buhay, mula sa pagkabata hanggang sa pagtanda.
Bilang isang mag-aaral, marami tayong mga ninanais na makamit sa ating pag-aaral tulad ng mga matataas na marka, mas mapabuti ang pag-aaral, at ang matapos ang isang buong taon ng pag–aaral. Dahil sa mga bagay na ito, maaari tayong makaramdam ng paghihirap at pagod sa kalagitnaan ng ating buhay bilang isang mag-aaral na siyang nakaaapekto sa ating kalusugang pangkaisipan.
Ating itatak sa isipan na walang masama kung tayo ay magpapahinga sapagkat ito ay mahalaga para sa ating kalusugang pangkaisipan. Sa pamamagitan nito, maaari tayong mas makapagpokus sa ating mga gawain. Bukod pa rito, maaari rin nating makamtan ang isang mas malakas at malusog na resistensya ng ating pangangatawan.
Bukod pa rito, marapat din nating kamustahin ang ating mga mahal sa buhay paminsan-minsan upang makita kung ano ang kalagayan nila. Sa pamamagitan nito ay maaari nating maiparamdam sa kanila ang ating presensya at suporta, na maaari nila tayong lapitan sa oras ng pangangailangan.
Ito ay higit na mas mahalaga sa oras na ito dahil ang problema sa COVID-19 ay maaaring nagpalala sa mga negatibong emosyon na maaaring maramdaman ng isang tao, at maraming mga indibidwal ang nakadarama ng labis na pagkabalisa bilang resulta ng paggawa ng mga bagong gawain sa panahon ng pandemya.
Samakatuwid, ang tanong na nabanggit sa unang talata ay higit na mahalaga sapagkat hindi lamang nito natitiyak ang kasalukuyang kalagayan ng isang mahal sa buhay, maaari rin itong makapagligtas ng mga taong tila unti-unti nang nawawalan ng pag-asa.
Ang isang malusog na pag-iisip ay ang pinakamahalagang kayamanan na maaaring taglayin ng isang tao. Alagaan natin ang kalusugang pangkaisipan ng bawat isa at sabay-sabay na tahakin ang landas ng ating mga buhay.