PARALUMAN: AN ANTHOLOGY CRYSTALLIZING WOMEN
Ako Bilang Isang Babae
by Dezza Lim | Published March 2021
PARALUMAN: AN ANTHOLOGY CRYSTALLIZING WOMEN
by Dezza Lim | Published March 2021
TUNGKOL SA MAY-AKDA: Si Bb. Dezza B. Lim ay nagtapos ng Senior High School sa Philippine Cultural College noong 2019. Siya ay produkto ng strand na Humanities and Social Sciences (HUMSS) at kasalukuyang nag-aaral ng AB Political Science sa Unibersidad ng Santo Tomas.
Ako ay lumaki sa maliit na probinsya ng Coron kung saa’y namulat sa mga bagay na dapat at hindi dapat gawin ng mga babaeng gaya ko. Noong ako’y bata pa, hilig ko ang mga laro at gawaing panlalaki katulad ng pag-akyat ng puno, pakikipagbaril-barilan, at paglalaro ng Beyblade, pogs, at teks. Dahil dito, mga lalaki rin ang aking nagiging kasundo at nakakalaro. Naalala ko noon, sa tuwing nakikita ako ng aking ina na naglalaro kasama ang mga lalaki ay pinapauwi niya ako at pinapalo ng nakatiklop na pambalot ng mga regalo, na isa sa mga binebenta namin sa maliit naming tindahan. Inisip ko rin na ang pagiging babae ko ay isang kamalasan dahil taliwas ito sa mga bagay na gusto kong gawin.
Noong ako ay labindalawang taon na, lumipat ako sa Maynila upang mag-aral ng wikang Tsino. Mas naging mahirap lalo sa akin ang pagiging isang babae nang ako ay tumira kasama ang aking lolo at lola dahil sa dami ng mga bagay na hindi ko maaaring gawin. Una sa lahat, hindi maaaring makipag-usap sa telepono nang matagal. Kapag ako ay may kausap sa telepono’y tinitingnan nila ako nang masama, kahit na babae rin ang aking kausap. Hindi rin maaaring magpapunta ng lalaki sa bahay o pumunta sa bahay ng lalaki kahit na marami naman kaming kasama. Hindi rin ako pinapayagang mamasyal sa labas kasama ang aking mga kaibigan dahil maaaring may masama raw na mangyari sa akin, ngunit nang tumira sa amin ang aking pinsan na lalaki ay pinapayagan naman siyang lumabas kahit gabi na siya umuwi. Dahil dito, naging tahimik at mahiyain na ako hanggang sa pagtuntong ko sa edad na labing-anim.
Dahil sa aking mga naranasan, nagkaroon ako ng paniniwala at pamantayan sa mga dapat at hindi dapat gawin ng isang babae. Ang mga babae ay dapat hindi nagsusuot ng mga maiikli at masisikip na kasuotan. Ang mga babae ay dapat na marunong sa gawaing bahay. Ang mga babae ay hindi dapat malapit sa mga lalaki. Ang lahat ng mga paniniwalang ito at marami pang iba ay naging normal at tama na sa aking paningin, subalit nagbago ito nang makakilala ako ng isang babae na aking naging kaibigan. Lahat ng kanyang ginagawa ay taliwas sa aking mga paniniwala pero napakabuti niyang tao. Hindi siya masamang babae katulad ng sinasabi ng iba kapag siya ay nakikita.
Naging sobrang malapit kami sa isa’t isa. Sobrang gaan at saya niyang kasama dahil wala siyang sinusunod na kahit sino pagdating sa mga dapat at hindi dapat niyang gawin bilang isang babae na pati ako ay nahahawa na rin sa kanya. Kinausap ko siya tungkol dito at pinangaralan niya ako na mali ang aking mga paniniwala, na hindi tama na limitahan ang aming kakayahan at idikta ang mga dapat at hindi naming dapat gawin. Pagkatapos ng araw na iyon, naging iba na ang tingin ko sa mga babae maging sa aking sarili. Pinalaya ko na ang aking sarili at ginawa ko na ang mga bagay na gusto ko na hindi ko nagagawa noon. Nagkaroon din ako ng lakas na loob na magsalita tungkol sa mga bagay-bagay. Pakiramdam ko, nagkaroon ako bigla ng kapangyarihan. Ang kapangyarihang gagamitin ko tama’t tinitiyak na walang natatapakang iba.
Hanggang ngayon, marami pa ring isyu ang pinagtatalunan pagdating sa mga usaping pangkababaihan. Marami pa rin ang patuloy na kumukutya sa mga gawaing salungat sa konserbatibong paniniwala. Nakalulungkot minsan, sapagkat babae rin ang mismong humihila sa kanilang kapwa babae. Magkagayunpaman, hindi pa rin sila dapat kamuhian. Tulad ko, maaaring sila ay nabubulag lamang gawa ng mga paniniwalang kinamulatan simula pagkabata na mahirap nang baguhin. Ang mahalaga ay pilit nating ipaglaban ang tunay na dapat sa atin. Marami pa tayong dapat pangaralan upang tuluyan nang matapos ang mga paniniwalang patuloy na umiipit sa ating pagkatao at kakayahan.