December 22, 2024
Liwanag sa Dilim
"Ang gabi ay ating paliliwanagin!" Ito ang mga katagang binitawan ni SK Chairperson Prince DJ Q. Lara sa miting de avance noong kasagsagan ng halalan. Musika sa tainga para sa mga residente ng barangay II-D ang mga salitang ito.
Kung kaya't sa pangunguna ni SK DJ at sa donasyon ng mag-asawang Demet at Jhona Lara ay sinumulan na ang pagpapakabit ng 5 na solar-powered street lights sa basketball court at daanan sa Bulante.
Malaking pasasalamat ng mga residente dahil isang buwan pa lamang sa pagkakaluklok ay nakagawa na agad ang bagong halal na SK ng proyektong makatutulong, hindi lamang sa mga kabataan, kung maging sa bawat mamamayan ng barangay II-D.
Kung tutuusin hindi sakop ng Sangguniang Kabataan ang mga proyektong imprastraktura, subalit, dahil may isang salita ang bagong SK, isinawalangbahala ang patakarang ito upang masiguro na ang bawat batang naglalaro sa gabi ay ligtas at masaya.
Idagdag pa rito, na sobrang liit ng badyet ng SK sa barangay II-D. Ang badyet sa buong taon ay pampaliga lang ng ibang malalaking barangay. Bukod doon, hindi pa naproproseso ang badyet ng SK, kung kaya't wala ni pisong nagmula sa kaban ng bayan ang ginastos sa pagpapakabit nito. Bagkus, ito ay nagmula lamang sa kabutihang puso ng pamilyang nagdonate.
Sadyang magtatagal ang mga solar streetlights na ito, sapagkat hindi tinipid at sinigurong dekalidad ang mabibili para sa barangay.
Bagama't may mga inabutang spotlight sa court na proyekto ng dating SK, hindi maipagkakaila na mas pangmatagalan at mas makatitipid sa bagong kabit na mga ilaw dahil gumagamit lamang ito ng sinag ng araw.
Maliwanag pa sa sikat ng araw, ang labis na pagmamahal ng bagong SK Chairperson. Simula pa lamang ito, subalit patunay ito na hindi nagkamali ang mga kabataan sa pagpili ng kinatawan.
Para sa mas maliwanag na bukas!