We deserve sunshine too
Hunyo 12, 2026 8:00 PM PHT
Bahaghari
We deserve sunshine too
Hunyo 12, 2026 8:00 PM PHT
Bahaghari
Ang reputasyon ng Pilipinas bilang isang LGBTQIA+ friendly na bansa ay matagal nang binubuo ng kumbinasyon ng tolerance at hipokrasIiya. Halos dalawang dekada na ang lumipas mula nang unang ihain ang Sexual Orientation, Gender Identity and Expression, and Sex Characteristics Equality Bill (SOGIESC), ngunit hanggang ngayon, ang naibibigay pa lamang sa mga queer ay toleransiya at kakarampot na representasyon sa Filipino entertainment.
Doon ko napagtanto: bagama’t iisa ang langit na ating tinitingala at iisa ang araw na nagbibigay-liwanag sa ating lahat, hindi pare-pareho ang pribilehiyong nararanasan sa ilalim nito. Maraming queer ang hindi pa rin malayang mamuhay—takot, nahihiya, pinipiling manatili sa anino ng kanilang mga aparador upang protektahan ang kanilang mga sarili sa rahas at 'di-pagkakapantay-pantay ng lipunan sa mga naiiba.
Isa ang aking lungsod, ang Calamba, sa mga kaunaunahang mga siyudad na nagpatupad ng Anti-Discrimination Ordinance para sa LGBTQIA+ community. Nabawasan man ng Calamba ang tinik ng diskriminasyon para sa mga Calambeñong queer, malinaw pa rin na malayo pa ang ating lalakbayin tungo sa ganap na pagkakapantay-pantay sa buong bansa, sapagkat halos 2% pa lang ng mga siyudad sa Pilipinas ang mayroong mga ordinansang prumoprotekta sa mga kapwang LGBTQI+.
Para sa ilan, ang panunukso sa mga LGBTQI+ ay mga simpleng biro lamang, ngunit ito ay isang direktang atake at pagmamaliit sa kapwa, kaya hindi ko pa rin maaaring balewalain ang takot ko sa pagtataguyod ng ordinansang ito. Mayroon pa ring pa ring mga taong makikitid ang pag-iisip na ginagamit ang pagbibiro bilang palusot sa pag-iinsulto at pag-atake sa mga naiiba sa kanila.
Oo, kung ikukumpara sa nakaraang mga dekada, mas tinatanggap na ang mga queer. Ngunit hindi nangangahulugang malaya na silang namumuhay. Ang “tolerance” ay hindi proteksyon—ito ay tahimik na pagpayag sa patuloy na diskriminasyon. Sa bawat pagkaantala ng SOGIESC Bill, mas maraming karapatan ang patuloy na ipinagkakait—sa healthcare, edukasyon, pabahay, at trabaho.
Mahirap na ngang maging mahirap sa Pilipinas, mahirap pa ring makakuha ng trabahong magpapatatag sayo—may diploma man o wala. Kung tutuusin 4.7% pa rin ang unemployment rate sa bansa ngunit para sa mga queers, hindi lang ang pagkawala ng trabaho ang kinahihirap ng mga nila kundi pati na rin ang kaligtasan nila sa trabaho. Sapagkat, ayon sa isang landmark study ng United Nations, mahigit 30% ng mga Pilipinong miyembro ng LGBTQIA+ ay nakararanas ng diskriminasyon sa trabaho. Gayundin, ayon sa isang pag-aaral na isinagawa ng faculty ng University of the Philippines, doble ang posibilidad na maging unemployed o mawalan ng trabaho ang mga LGBTQI+ na miyembro. Dahil dito, nawawalan ng mahigit P93 billion ang Pilipinas sa gross domestic product.
Bukod dito, hindi rin ligtas ang espasyo ng healthcare para sa mga queer. Kung palalalimin, walang legal na kapangyarihan sa ang mga same-sex couples na gumawa ng mga mahahalagang desisyon para sa kalusugan ng kanilang partner sapagkat hindi kinikilalaang kanilang relasyon sa batas—maging sa kasal man o civil union. Kaugnay nito, ayon sa United Nations Population Fund (UNPA) maraming LGBTQI+ na indibidwal sa Pilipinas ay nakararanas ng matinding diskriminasyon sa mga ospital na siyang nagdudulot pag-antala o ang sadyang pagtataboy sa karapatang pangkalusugan.
Hanggang ngayon, nananatiling matindi ang stigma laban sa mga queer—lalo na sa mga hindi umaayon sa tinatawag na “norm.” At hindi ko lubusang maunawa ang mga dahilang kung bakit natatawag ang mga LGBTQI+ na abnormal, kadiri, o imoral kung ang tanging ginawa lamang namin ay magmahal nang totoo, maglagay ng makukulay na kolorete, at magsuot ng mga damit na komportable’t nagpapasaya sa amin. Naiiba man kami sa mga itinakdang “normal” ng iba ngunit hindi ito nagpapababa sa amin, tao rin kami na nararapat mamuhay bilang ang kanyang sarili—tao rin kami karapatdapat sa respeto, dignidad, at kalayaang mamuhay bilang aming tunay na sarili.
Pagod na akong magkunwari na maayos ang lahat. Alam kong marami sa aming queer community ay hindi naglalantad ang tunay nilang nararamdaman, pero hindi nito ibig sabihin na maaari na lamang balewalain ang nagaganap na pang-aabuso. Ikinalulungkot ko na sa bansang itinuturing na malaya, maraming nakakulong sa hiya ng pagiging tunay sa sarili at higit sa lahat, maraming natatakot sa pag-ibig.
Iisa ang ating langit, iisa ang ating araw—ngunit hindi ito lubusang nararamdaman ng lahat. Hangga’t may mga taong ipinagkakait ang karapatan at proteksyon, mananatiling may mga buhay na nababalot ng anino ng takot at hiya.
Upang makamit ang tunay na pagkakapantay-pantay, kinakailangan ang kongkretong aksyon: ang agarang pagpasa ng SOGIESC Bill, mas mahigpit na pagpapatupad ng mga anti-discrimination policies, at edukasyon na nagtataguyod ng inklusibidad sa paaralan, trabaho, at komunidad. Higit sa lahat, kailangan ang kolektibong paninindigan at pakikiramay—mula sa pamahalaan hanggang sa bawat mamamayan—upang wakasan ang sistemikong diskriminasyon.
Sapagkat sa huli, ang hinihingi lamang namin ay hindi espesyal na pagtrato, kundi ang simpleng karapatang maranasan ang init at liwanag ng araw nang walang takot o hiya sa pagiging totoo sa sarili—dahil we deserve sunshine too.
Hindi titigil ang LGBTQIA+ community na ipaglaban ito dahil ito ang nararapat sa bansang malaya, at patuloy kong iaasam ang panahon ng pagkakapantay-pantay at ang panahong hindi ko na kailangang magtago't gumamit ng palayaw sa pagiging totoo.