Sisi sa screen
Marso 29, 2026 6:00 PM PHT
Grace De Los Reyes
Sisi sa screen
Marso 29, 2026 6:00 PM PHT
Grace De Los Reyes
Hindi malulutas ang krisis sa OSAEC ng Pilipinas sa pamamagitan ng pagbabawal sa Roblox—ang tunay na proteksyon ay nasa mahigpit na batas, pananagutan at sama-samang aksyon.
Kinokonsidera ang Pilipinas bilang sentro ng Online Sexual Abuse or Exploitation of Children (OSAEC), at hindi ito pagkukulang ng mga online na aplikasyon gaya ng Roblox—pagkukulang ito ng sambayanan na higit na pinaiiral ng kapalpakan ng batas at kawalan ng sapat na gabay mula sa mga magulang. Kahit na naantala ng gobyerno ang pag-ban sa larong Roblox, walang mapapala ito kung dito lamang tututok ang gobyerno. Gayundin, pinapatunayan lamang ng pamahalaan na humihina na ang obhetibong imbestigasyon dahil sa biglaang pagnanais na i-ban ang laro. Sa huli, kung ipagpapatuloy man ang ban sa creative at educational space gaya ng Roblox, hindi pa rin mapipigilan ang kabataang Pilipinong maglaro online, hahanap at lilipat lamang sila sa alternatibong larong maaaring mas mapanganib sa kanila.
Gayunpaman, hindi maitatanggi na posibleng magsimula ang OSAEC sa loob ng Roblox, at nagmumukang hindi sapat ang mga polisiya nila para protektahan ang mga kabataang Pinoy. Bukod dito, maaari ring maging adiksyon ang paglalaro ng Roblox sa ibang mga bata. Ngunit, sa totoo lang, ang Roblox ay mayroong isa sa mga pinakamahigpit na in-game policies na napipigilan ang karahasan sa bata, gaya ng AI-chat filters—na sine-censor ang personal na impormasyon at ‘di-wastong lengguwahe—age and face verification, at age-based restrictions. Kabilang din dito ang iba’t ibang safety features para maprotektahan ng mga magulang ang kanilang mga anak sa mga malisyosong content at tao at makontrol ang kanilang screen time.
Dagdag pa rito, marami nang research journals na nailimbag sa National Library of Medicine na nagsasabing ang mga online games gaya ng Roblox ay nakagagawa ng mga komportableng espasyo para sa mga batang may social anxiety. Pati na rin sa dami ng mga laro sa Roblox, madali nang matututuhan ng mga bata ang social skills, teamwork, problem solving, at empathy. Kung kaya, hindi lamang basta-bastang nanlilibang ang Roblox—kaya nitong paunlarin ang kakayahan ng isang bata kung binibigyan ito ng mga tamang polisiya. Ngunit, sa kabila ng mas napabuting seguridad sa nasabing aplikasyon, mababalewala pa rin ito kung walang kolaborasyon sa pagitan ng gobyerno, magulang, at ng aplikasyon.
Kahit na gusto ng Roblox na makipagtulungan sa Philippine Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) at Department of Information and Communications Technology (DICT) sa paggawa ng mas ligtas na aplikasyon para sa mga Pilipino, nananatili pa ring kumbinsido ang gobyerno sa pagbabawal nito at in-extend lamang nila ang 15-day period ng Roblox para sagutin ang OSAEC concerns sa kanilang plataporma hanggang Abril 10, 2026. Malinaw na nakagawa na ang Roblox ng mga konkreto at gumaganang polisiya para protektahan ang kabataan. Sa katunayan, hindi uusbong ang OSAEC dahil lamang sa kanilang mga feature, kundi higit na dahil sa kakarampot na pagbabantay ng mga magulang at pakikilahok ng gobyerno.
Bukod dito, sa patuloy na panguguna ng Pilipinas sa buong mundo sa screen time, hindi nagiging target ang kabataan dahil sa mga platapormang ginagalawan nila; bagkus, nagiging target sila dahil sa mahinang kapit ng batas sa malisyosong tao online. Ayon sa International Justice Mission (IJM) at sa United Nations Children’s Fund (UNICEF), 83% ng online sex traffickers ay kapamilya mismo ng mga bata, at ang median age ng mga biktimang ito ay 11 na taong gulang, kung saan 9% nito ay edad tatlo o pababa. Maliwanag na ang OSAEC ay hindi na saklaw ng Roblox, kaya’t ang pagpaparusa sa kanila nang walang kongkretong reporma sa mga batas na nagpoprotekta sa kabataan ay nagpapakita lamang ng pag-iwas ng pamahalaan sa tunay nitong pananagutan.
Malinaw na kulang ang matibay na ugnayan sa pagitan ng mga magulang, pamahalaan, mga batas, at online platforms—at ang kakulangan ng sama-samang pananagutan ang siyang nagiging dahilan kung bakit nagiging mapanganib ang bawat online platform. Hindi dapat patuloy na gawing kontrabida ng pamahalaan ang mga platapormang ito kung sila mismo ay kulang sa hakbang upang maprotektahan ang kabataang Pilipino.
Sa huli, ang tamang hakbang ay hindi ang tuluyang pagbabawal sa Roblox, kundi ang pagpapatibay ng ugnayan sa pagitan nito at ng pamahalaan, kasabay ng paghikayat sa mga magulang na makilahok din. Maaaring maisakatuparan ito sa pamamagitan ng pagpapahusay ng detection at reporting systems sa loob ng mga plataporma, gayundin ng mas mahigpit na pagpapatupad ng batas at pag-uusig sa mga potensyal na salarin. Sa ganitong paraan, lubos na mababawasan ang underreporting ng mga kasong tulad ng OSAEC.
Higit pa rito, dapat ipagpatuloy ng pamahalaan ang masusing imbestigasyon sa Roblox at iba pang online games na may malaking bilang ng kabataang Pilipinong gumagamit, at palakasin o bumuo ng mga bagong polisiya at batas kung kinakailangan. Sapagkat sa huli, ang pagprotekta sa kabataan online ay hindi lamang sa paghihigpit sa kanilang mundo, kundi sa paggawa ng tunay na ligtas na mundo sa pamamagitan ng sama-samang pananagutan ng mga nakatatanda, maagap na pagkilos, at mga sistemang tunay na gumagana.
Dahil sa krisis sa Middle East, lalong lumitaw ang pasakit ng mataas na buwis sa petrolyo na pumipiga sa bulsa ng mga Pilipino.