Salat sa Nutrisyon
Abril 26, 2026 6:00 PM PHT
Jenelle De Torres
Salat sa Nutrisyon
Abril 26, 2026 6:00 PM PHT
Jenelle De Torres
Lumalala ang malnutrisyon ng mga batang Pilipino dahil sa kakulangan ng konkretong programang dapat na ipinatutupad ng magkakaugnay na ahensya, na nagdudulot ng gutom at panganib sa kanilang kinabukasan.
Patuloy na naghihingalo ang kalagayan ng nutrisyon ng kabataan. Gayunpaman, mas nakaaalarma ang tuyot na pamahalaang salat sa mga konkretong programang sana’y bubusog sa mga Pilipino. Pinatunayan ito ng mga kalunos-lunos na datos na ibinahagi ni Karol Yee, ang Executive Director ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM II), kung saan ipinakita ang malubhang malnutrisyon sa mga batang may edad na dalawa hanggang apat at ang malalim na sugat na idinudulot nito sa sistema ng edukasyon.
Ayon kay Karol Yee, 23.6% ng mga batang edad 2–4 ay stunted, at 42% ng mga batang mula sa lower class ay dumaranas ng chronic malnutrition. Kung tutuusin, hindi na natin kailangan ang mga numerong ito upang maunawaan ang bigat ng sitwasyon. Kaya’t nakapagtataka kung bakit ang pamahalaan, sa kabila ng yamang agrikultural ng bansa, ay hindi pa rin aktibong natutugunan ang isa sa mga pinakamatagal nang suliranin ng bansa.
Kung susuriing mabuti ang dahilan ng ganitong sitwasyon, kailangang munang silipin ang sistema at ang mga butas nito. Sa kasalukuyan, halos imposibleng makapagpatupad ng maayos na feeding programs ang pamahalaan sapagkat maging ang ahensyang dapat nangunguna rito—ang Department of Education (DepEd)—ay nagugutom sa mga lokal na datos ng mga batang kailangang mapasama sa mga programang ito. Hangga’t nananatiling salat sa mga pag-aaral, tiyak na marami pang bata ang mapag-iiwanan.
Sa mas malawak na pananaw, ang ugat nito ay ang katotohanang ang ibang mga Local Government Units (LGUs), na siyang inaasahang mangalap ng ganitong mga datos, ay kapos sa mga materyales para sa data gathering at, higit sa lahat, sa mga ekspertong gagabay sa proseso. Dagdag pa rito, ang mga taong dapat nangunguna sa pag-aaral ay hindi nababayaran nang sapat—isang indikasyon ng kakulangan sa pondo. Dahil sa hilaw na suporta sa mga LGU, nangangamba akong magpapatuloy lamang ang pagkalam ng sikmura ng mga batang Pilipino bago pa man magkaroon ng makabuluhang reporma mula sa pamahalaan.
Bagaman maraming nag-aakalang kayang gawin ng national government o ng mga ahensya ang pangangalap ng datos, hindi ito ganoong kasimple. Isa sa mga hinaing ni Karol Yee ay ang kakulangan ng koordinasyon sa pagitan ng National Nutrition Council (NNC), Department of Health (DOH), at DepEd sa pagtukoy ng bilang ng mga batang nangangailangan ng tulong. Dahil dito, muling nauuwi sa wala ang implementasyon ng feeding programs.
Gayunpaman, hindi lamang sa DepEd nakatuon ang responsibilidad sa mga programang ito; pangunahing tungkulin din ito ng Department of Social Welfare and Development (DSWD). Hindi naman maikakailang may mga feeding program na umiiral sa bansa, subalit hindi dapat makuntento ang pamahalaan sa buto’t balat na resulta, lalo pa’t hindi lahat ng batang malnourished ay natutulungan. Ayon kay Karol Yee, 43% lamang ng mga batang malnourished na may edad 0–4 ang naaabot ng mga programang ito—katumbas ng 213,702 na bata. Higit pa rito, hindi rin regular ang mga naturang programa kung ihahambing sa mga proyektong nagbibigay ng libreng almusal o tanghalian sa loob mismo ng mga paaralan.
Sa madaling salita, ang praktikal na pagpapatupad ng mga ganitong programa sa mga paaralan ay magbubusog sa dalawang uri ng gutom: ang gutom sa sikmura at ang gutom sa kaalaman. Hindi lamang nito mabibigyan ng sustansiya ang mga mag-aaral, kundi mahihikayat din silang pumasok at mag-aral. Sa isang bansang mahigit kalahati ng populasyon ay kabilang sa low-income sector, ang ganitong hakbang ay magsisilbing tulay tungo sa mas masustansya at matamis na kinabukasan. Higit itong magiging matatag sa pamamagitan ng panukala ni Senator Kiko Pangilinan na nakatuon sa agrikultura, kung saan ang mga lokal na sakahan ang magiging pangunahing katuwang upang matiyak ang sapat at sariwang suplay ng pagkain.
Sa kabuuan, hindi na makapaghihintay ang sitwasyon kung kaya’t dapat itigil ng pamahalaan ang pagpapaliban ng mga reporma. Nagugutom ang mga batang Pilipino, at lalo silang nahuhuli sa kanilang pag-aaral. Kung hindi ito agad matutugunan, mas maraming batang lalaki at haharap sa kinabukasan na may mahinang pangangatawan at isipan.
Sa konteksto ng ating bansa, kung saan mabagal at matamlay ang koordinasyon ng mga ahensya, marapat lamang na lapatan ito ng bottom-top approach. Panahon na upang mas suportahan at subaybayan ng pamahalaan ang mga LGUs at tiyaking gumagana ang kanilang mga health offices. Sapagkat kung pumalya ang national government, tungkulin ng LGUs na siguraduhin ang kapakanan ng kanilang mamamayan. Higit pa rito, kinakailangan ng mas malikhaing solusyon mula sa pamahalaan at simulang ituring ang krisis sa nutrisyon nang may kaparehong bigat at priyoridad gaya ng mga malalaking proyekto ng bansa.
Dahil sa krisis sa Middle East, lalong lumitaw ang pasakit ng mataas na buwis sa petrolyo na pumipiga sa bulsa ng mga Pilipino.