Mitsa sa Milenyo
Abril 10, 2026 6:00 PM PHT
Jenelle De Torres
Mitsa sa Milenyo
Abril 10, 2026 6:00 PM PHT
Jenelle De Torres
Sa gitna ng rekord na pag-init ng mundo, ang pabago-bagong klima sa Pilipinas ay hindi na simpleng anomalya kundi malinaw na krisis. Kung magpapatuloy ang kapabayaan, lalo lamang lalala ang epekto nito sa pagkain, kabuhayan, at kaligtasan sa araw-araw na pamumuhay ng bawat Pilipino.
Sa gitna ng deklarasyon ng United Nations (UN) na nasa 'state of emergency' na ang mundo dahil sa tindi ng init na na-trap sa planeta noong 2025, isang malaking kabalintunaan ang sumalubong sa mga Pilipino nitong Marso. Sa halip na payong at salbabida, jacket at mainit na kape ang naging sandata ng marami sa pagsisimula ng dapat ay 'tag-init.' Ngunit huwag magpalinlang sa biglaang malamig na simoy ng hangin; ito’y hindi lang bunga ng ilang dekadang pagpapabaya; bagkus, ito ang magiging puno’t dulo ng pasakit para sa susunod na mga milenyo.
Kung palalalimin, ang huling 11 taon (2015–2025) ang naitalang pinakamaiinit sa kasaysayan ng mundo. Ayon sa World Meteorological Organization (WMO), nitong 2025 ay umabot sa sukdulan ang energy imbalance—o ang dami ng init na nakulong sa loob ng ating planeta, kung saan ang 2025 ay itinuturing na 'second or third warmest year'—may temperaturang 1.43°C na mas mataas sa pre-industrial average. Ang rekord na ito ay hindi lang numero sa ulat; ito ang mitsa ng isang krisis na gagambala, hindi lamang sa tuwing summer, subalit sa araw-araw na pamumuhay ng mga Pilipino na tatagal ng libo-libong taon.
Bagaman sa WMO na mismo nanggaling na 'irreversible' na ang kinahinatnan kahit abutin pa ng libo-libong taon, hindi pa rin makatarungang hayaan na lamang malusaw ang ating planeta. Tunay ngang kahit magkandakuba-kuba pa ay hindi na mababaliktad ang pinsala, subalit ang tindi ng magiging epekto nito sa mga susunod na araw, buwan at taon ay nasa kamay pa rin ng mga tao. Ang tahasang pagdadausdos nito sa limot ay katumbas ng paghatol sa kamatayan sa mga susunod na henerasyon.
Kung susuriin, higit 91% ng sobrang init ng mundo ang nakaimbak na sa ating mga karagatan—siyang dumoble pa nitong huling dalawang dekada, ayon sa WMO. Ang init na ito ay hindi lang basta datos; ito ay ang dahan-dahang paglaho ng mga isda sa ating mga baybayin. Sa bawat digri ng pag-init ng dagat, mas lumalayo ang huli, mas nagmamahal ang bilihin, at mas nagugutom ang pamilyang Pilipino. Sa bawat araw na lumilipas, hindi lamang ang kabuhayan ng ating mga mangingisda ang unti-unting pinapatay, kundi pati na rin ang pag-asang malagyan ng sapat na pagkain ang hapag ng bawat karaniwang mamamayan.
Kaugnay nito, Ayon sa Clausius-Clapeyron equation, isang batas sa physics, sa bawat 1°C na pagtaas ng temperatura, ang atmospera ay nakakapag-imbak ng 7% na mas maraming water vapor. Kaya naman kung patuloy ang pag-init ng atmospera, ang simpleng ulan ay nagiging “water bombs.” Kasabay ng tumataas na lebel ng dagat, mas lalala ang lagay ng bansa kung saan ang simple at saglit na ulan ay kaya nang palubugin ang isang barangay—bagay na mahirap nang maresolba lalo na kung hindi maibabalik ng pamahalaan ang ninakaw na flood control projects.
Dagdag pa, dahil sa Urban Heat Island Effect, nagiging gawi na ang pagbubukas ng electric fan at aircon. Ngunit ang panandaliang ginhawang ito ay may kapalit: ang pagbuga ng carbon dioxide at hydrofluorocarbons na lalong nagkukulong ng init sa mundo. Ayon sa Department of Energy (DOE), halos 80% ng ating kuryente ay galing pa rin sa uling at gas—mga maruming enerhiyang sumisira sa ating planeta. Kaya habang nabubutas ang bulsa ng mga Pilipino sa taas ng singil, unti-unti ring nawawasak ang ating kapaligiran dahil sa kakulangan ng suporta at pag-aaral sa mga renewable resources.
Kaya naman, nasa ating mga kamay kung paano tutugunan ang sadsad na kalagayan ng kapaligiran. Kung may natitira pang awa para sa susunod na henerasyon, dapat nang manaig ang mas epektibong urbanization sa pamamagitan ng pagtatanim ng mga urban forests at rooftop gardens sa gitna ng ating mga sementadong lungsod. Oras na rin para talikuran ang uling at seryosong pagtuunan ang mas malilinis na renewable resources na sadyang mayaman ang ating bansa. Hindi sapat ang panandaliang ginhawa; ang kailangan natin ay permanenteng solusyon bago pa tayo tuluyang lamunin ng init.
Samakatuwid, ang sunod-sunod na 11 pinakamaiinit na taon sa kasaysayan ay hindi nagkataon lamang; ito ay isa nang matinding panawagan. Sa pagmimistulang tag-ulan ng dapat ay tag-init, marapat na tayong kabahan—dahil ang hanging ito ay hindi regalo. Ito ay buntong-hininga ng isang mundong unti-unti nang bumibigay. Ang pabago-bagong panahon ay hindi lamang isang abnormal na kaganapan, ito ay ang pasilip sa isang tanikalang hihila sa pang-araw-araw na buhay ng mga Pilipino tungo sa isang krisis na hindi na natin kaya pang takasan.
Dahil sa krisis sa Middle East, lalong lumitaw ang pasakit ng mataas na buwis sa petrolyo na pumipiga sa bulsa ng mga Pilipino.