May pag-asa
ENERO 30, 2026 8:00 PM PHT
Grace Ann Delos Reyes
ENERO 30, 2026 8:00 PM PHT
Grace Ann Delos Reyes
Nakadidismaya man ang sitwasyon ng bansa ngayon, ngunit hindi dapat tayo mawawalan ng pag-asa, sapagkat sa panahon na ito'y mawawala, tunay na tayo ang kawawa.
Bilang isang miyembro ng pamilyang puno ng mga overseas worker, marami akong mga naririnig na kuwento kung gaano kaayos ang ibang bansa—sa paligid, disiplina, at gobyerno. Sa lahat ng kaso ng katiwalian sa Pilipinas, ang hirap umasang hahantong pa tayo sa lebel ng kaunlaran ng ibang bansa at tila ang hirap nang magtiwala sa mga politiko. Maraming umaakit na mag-abroad na lamang dahil sa gulo ng bansa. Ngunit kung hahayaan nating lamunin tayo ng poot at dismaya, mawawala sa ating paningin ang katotohanan—may pag-asa pa ang Pilipinas.
Totoo, hindi nga madaling isipin ito. Sa ilang taon ko bilang campus journalist at columnist, parati lamang ako nakapokus sa lahat ng pagkukulang ng ating bansa—inflation, kahirapan, katiwalian; talagang mawawalan ka ng pag-asa. Subalit, kung titingnan mong mabuti, marami pa ring mga indibidwal at mga lider na lumalaban dito. Hindi man malawakan ang epekto, may kakayahan itong gisingin ang mamamayan, at ito ang napulot ko mula rito:
Sa unang linggo ko sa opisina ng bise alkalde ng Calamba, mas kapansin-pansin ang dami ng mga humihingi ng tulong kaysa sa anumang karatulang may pangalan ng politiko. Bilang isang taong sanay magduda sa gobyerno, doon ko unang tinanong sa sarili ko: kung walang saysay ang mga serbisyong ito, bakit patuloy na bumabalik ang mga tao? Sa mga libreng legal, medical, at assistance na programa, hindi ang mga lider ang sentro ng atensyon, kundi ang mga karaniwang Calambeño—at marahil iyon ang dahilan kung bakit hindi nauubos ang pumipila sa munisipyo.
Kaugnay nito, sa tuwing umuusisa ako sa mga regular session ng bise alkalde, kitang-kita na nabibigyang pansin ang bawat sektor ng Calamba—hindi pa man dama lahat ng epekto nito, dapat nating malaman na may nasisimulan na ang ating lokal na pamahalaan, sa mga problema gaya ng trapiko, polusyon, city planning, kalusugan, at iba pa. Kung dati ay parati akong nagtataka kung bakit natatagalan magkaroon ng aktuwal na mga pagbabago, naintindihan ko na na ang pagkilos ng konseho ay hindi laging biglaan—madalas itong nagsisimula sa masusing diskusyon upang matiyak na tunay na makabuluhan ito.
Gayunpaman, hindi ko sinasabing ganito ang lahat ng antas ng pamahalaan—ni hindi rin perpekto ang Calamba. May mga programang kulang sa pondo o pansin, may mga prosesong mabagal, at may mga sektor na nananatiling naghihintay ng mas maiging suporta sa pamahalaan, Halimbawa na lamang ng mga pagkukulang na ito ay ang luwag ng bantay sa ating kalikasan, nakapeperwisyong trapiko at maluwag na batas trapiko, matinding basura sa ilang barangay, at mga nananatiling informal settlers sa mga bahaing lugar at ilang pabahay sa lungsod.
May mga araw pa ring uuwi kang may tanong kung sapat ba ang ginagawa ng gobyerno. Ngunit sa gitna ng mga limitasyong ito, mahalagang kilalanin na may mga espasyong gumagalaw—at dito nagsisimula ang pag-asa.
Oo, may mga pagkukulang—at hindi lahat ng lokal at antas ng pamahalaan ay gaya ng aking nasasaksihan—ngunit ni kailanman ay hindi dapat itong maging dahilan ng ating kawalan ng pag-asa. Sapagkat kung patuloy nating hahayaan ang galit at dismaya na lamunin ang ating pananaw, mawawala rin ang kakayahan nating kumilos. Ang pag-asa ay hindi ibinibigay ng iisang opisyal, programa, o tanggapan—ito ay binubuo ng mga mamamayang patuloy na nakikialam, nagtatanong, at nakikilahok kahit hindi perpekto ang sistemang kanilang ginagalawan. At kung may magbibigay man ng pag-asa sa bansang ito, hindi ito magmumula sa iilan sa kapangyarihan—kundi sa mga Pilipinong tumatangging mawalan ng pakialam.