Gitna ang bagong laylayan
Mayo 4, 2026 7:00 PM PHT
Jenelle De Torres
Gitna ang bagong laylayan
Mayo 4, 2026 7:00 PM PHT
Jenelle De Torres
Middle class ang pilit na naiipit sa pagitan ng mataas na buwis at lumulobong bilihin. Walang magagawa ang sipag at katatagan kung pati ang paghinga ay presyong ginto na rin.
“Mahirap maging mahirap” ang katagang gasgas na sa pandinig, subalit sa gitna ng matinding implasyon at ilusyon ng bumubuting ekonomiya, nananatiling nakatago ang kalbaryo ng middle class. Isang sektor na ginawang ‘shock absorber’ ng sistema—kumakayod nang walang tigil upang hindi bumagsak, ngunit bihirang tunay na makaabante.
Sa unang tingin, tila may pag-asa: ayon sa Philippine Institute for Development Studies (PIDS), ang populasyon ng middle class ay lumago mula 28.5% noong 1991 patungong 39.8% noong 2021. Ito’y datos na tila nagpapatunay na kaya pa ring takasan ang tanikala ng kahirapan. Gayunpaman, sa likod ng mga numerong ito ay ang mapait na realidad na ang pagiging middle class ay hindi na isang tagumpay, kundi isang bagong lebel ng pakikipagsapalaran na uubos at iipit sa mga nagkukumahog na Pilipino. Kailanma’y hindi magiging sapat ang pagiging “may kaya” o “mayaman” sa papel kung ang paghihikahos ay tumatagos sa sikmura.
Kung palalalimin, upang maituring na kabilang sa middle class, kinakailangang kumita ang isang pamilyang may limang miyembro ng humigit-kumulang ₱24,060 hanggang ₱144,360 kada buwan, ayon sa income brackets ng PIDS. Ngunit sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin, tila lumiliit ang tunay na halaga ng kita habang lumolobo ang mga obligasyon—sa bawat hakbang, laging may kaakibat na pangambang muling mahulog sa kumunoy ng kahirapan.
Una sa lahat, bukod sa tindi ng init ng panahon, mas nakapapaso ang implasyon na nagpapalinaw sa ‘invisible poverty.’ Mula sa 2.4% noong Pebrero 2026, tila dumoble ito patungong 4.1% pagsapit ng Marso, ayon sa PSA. Sa pagtaas ng presyo ng gasolina at kuryente, ang dating pinag-iipunan para sa downpayment ng bahay ay napupunta na lang sa pambayad ng utang sa credit card. Ang kakarampot na savings na dapat ay safety net para sa mga emergency, unti-unting kinakain ng groceries, transportasyon at edukasyon.
Bukod dito, bumaba man ang unemployment rate nitong Pebrero 2026, sampal sa huwad na pag-unlad ang 11.8% underemployment rate—patunay na ang trabaho ay hindi na garantiya ng disenteng buhay. Nakapanlulumo na ang mga skilled at edukado ay kailangan pang mag-sideline pagkatapos ng walong oras na kayod para lang hindi malunod sa gastusin. Isang malaking kahihiyan na habang humaharurot ang presyo ng bilihin, nananatiling pagong ang pag-akyat ng sahod at oportunidad para sa mga manggagawa.
Dagdag pa, sa ilalim ng TRAIN Law, ang pinagsama-samang kontribusyon ng lower, middle, at upper middle class ay tinatayang bumubuo ng 63.62% ng kabuuang income tax collections ng bansa. Sa katunayan, mahigit 80% ng personal income tax ay awtomatikong kinakaltas sa mga manggagawa. Hindi tulad ng mga tunay na mayayamang may assets, investments, at legal loopholes upang mabawasan ang binabayarang buwis, ang middle class ay walang laban sa obligasyong ito. Walang takas. Walang diskuwento.
Kaugnay nito, madalas ding nababalewala ang kanilang kalagayan kahit tunay silang nangangailangan ng suporta. Hindi mayaman upang guminhawa, ngunit hindi rin mahirap upang maging priyoridad sa ayuda. Mula sa subsidies, financial assistance, hanggang sa scholarship programs, tila kailangan munang dumaan sa butas ng karayom upang mapatunayang kailangan ng tulong.
Wala nang ibang makapagpapabago sa kinabukasan ng mga Pilipino kundi ang mas tapat na pamamahala, progresibong tax reform, wage indexing, at ang mas seryosong pamumuhunan sa healthcare, social safety nets, at public services. Sa huli, hindi mabubuhay ang mga Pilipino sa papuring “resilient” at kaliwa’t kanang palakpak lamang. Sa puntong ito, hindi na ito simpleng katatagan, kundi pagtitiis sa pagpapatakbo ng sistemang nabubuhay lamang sa pamamagitan ng panggagatas sa mga Pilipinong nasa laylayan—at maging sa mga nasa kalagitnaan.
Hindi man masid sa kaalaman ng karamihan, isa ang pamamahayag sa mga haliging bumubuo at nagpapalakas sa demokrasya at ito ang tanging naghahatid ng linaw at hustisya sa gitna ng laganap na korapsyon.