Bigyang pagkakataon
Hunyo 11, 2026 8:00 PM PHT
Jenelle De Torres
Bigyang pagkakataon
Hunyo 11, 2026 8:00 PM PHT
Jenelle De Torres
Matagal nang sugatan ang edukasyon sa bansa, ngunit sa gitna ng mga reporma at mas malinaw na pag-unawa sa krisis, may dahilan pa ring maniwalang posible ang pagbabago.
Madaling maniwalang malalim na ang pagkakalubog ng edukasyon sa bansa. Paano nga ba magkakaroon ng pag-asa kung ang mga mag-aaral ay hirap pa ring umunawa ng binabasa, habang nananatiling talamak ang kakulangan sa mga silid-aralan at de-kalidad na pagtuturo? Gayunpaman, kasabay ng mga nakakabahalang sitwasyong ito ang sunod-sunod na repormang naglalayong ayusin ang mga ugat ng problema. Marahil, sa unang pagkakataon matapos ang maraming taon, may dahilan upang maniwalang hindi pa huli ang lahat para sa edukasyon sa bansa.
Kung tutuusin, isang siglo na ang krisis sa edukasyon. Noong 1925 Monroe Survey, ang Grade 4 natin ay katumbas lang ng American Grade 2, at ang High School ay pang-Grade 5. Pagkalipas ng 100 taon, ganoon pa rin. Sa ulat ng EDCOM II ngayong 2026, idineklara ang “systemic proficiency collapse” dahil ang mga 15-anyos na Pilipino ay huli ng 5.5 taon sa pagkatuto kumpara sa ibang bansa. Nagpalit-palit man ang kurikulum, tila nakakulong pa rin tayo sa nakaraan.
Gayunpaman, hindi kailangang maulit ang mga pagkakamali ng nakaraan sapagkat mas malinaw na ngayon ang ugat ng problema. Kaakibat nito, ang ₱1.015 trilyong badyet—ang pinakamalaki sa buong kasaysayan ng bansa—ay ilalaan upang pag-igihin ang sektor ng edukasyon, habang mas mulat na rin ang publiko sa lawak ng krisis. Bagaman walang garantiya na agad nitong mababago ang kalagayan ng edukasyon sa bansa, wala ring dahilan upang ipagkait ang pagkakataon sa mga pagbabagong maaaring maglatag ng pundasyon para sa mas maayos na kinabukasan ng mga mag-aaral.
Isa sa mga pinakamatingkad na mukha ng krisis ay ang adhikain ng Department of Education (DepEd) na “No Child Left Behind” na matagal nang binabali ng reyalidad na mas madaling maabot ang de-kalidad na edukasyon kung may sapat na yaman at oportunidad. Marahil, ito na ang panahon upang unti-unting ituwid ang nakasanayan. Sa pamamagitan ng Educational Service Contracting at Senior High School Voucher Program, mahigit 2.4 milyong mag-aaral ang inaasahang makatatanggap ng tulong pinansyal ngayong School Year 2026–2027. Sa kaparaanang ito, mas napapalapit ang layuning gawing karapatan ang de-kalidad na edukasyon, at hindi pribilehiyo—sapagkat para sa isang batang naiiwan dahil sa kahirapan, ito ay hindi lamang tulong pinansyal kundi pagkakataong makahabol.
Higit pa rito, tunay namang nakaaalarma na 87% ng mga Grade 11 students ay nananatili sa frustration at instructional level sa pagbasa ng Ingles, gayundin ang patuloy na krisis sa literacy ng bansa. Gayunpaman, hindi rin dapat ipagkibit-balikat ang mahigit 4.5 milyong mag-aaral mula sa iba't ibang baitang na nakitaan ng pag-unlad matapos maituring na “struggling readers” noong taong-panuruang 2025–2026. Kaakibat nito ang pagpapatuloy ng Academic Recovery and Accessible Learning (ARAL) Program upang higit na maalalayan ang mga mag-aaral na nahihirapang makasabay sa kanilang mga aralin.
Bukod dito, bagaman nananatiling lehitimo ang panawagan ng kaguruan para sa ₱15,000 na dagdag-sahod, hindi rin maikakaila ang mga hakbang na unti-unti nang nagpapabuti sa kanilang kalagayan. Mula Agosto 2025 hanggang sa kasalukuyan, nasa 79,230 guro at school heads na ang na-promote sa ilalim ng Expanded Career Progression System. Dagdag pa rito, sa pagpapatupad ng trimester system at Strengthened Senior High School curriculum, nagsimula ring gumaan ang mga non-teaching tasks at umaapaw na bilang ng asignaturang matagal nang dinadala ng mga guro. Bagaman malayo pa ang tatahakin, ipinapakita nitong posible pa ring mabuo ang isang sistemang higit na sumusuporta sa mga natututo at sa mga nagsisilbing tulay tungo sa pagkatuto.
Kaya naman, kasabay ng muling paghawak ng lapis at papel ng mga mag-aaral, nasa kamay pa rin ng DepEd at Dept of Public Work and Highways ang plantsadong implementasyon ng Basic Education Facilities Program nang matugunan ang kulang-kulang na pasilidad, gayundin ang paggamit nang tama sa 25.6 bilyong nakalaan sa nutrisyon ng mga Pilipinong mag-aaral sa ilalim ng School-Based Feeding Program. Malaking hakbang na ang pagtukoy sa mga ugat ng krisis sa edukasyon, ngunit higit na mahalaga ang tuloy-tuloy at maayos na pagsasakatuparan ng mga solusyong inilalatag ngayon.
Sa huli, ang pag-asa ay hindi paniniwalang walang problema, kundi paniniwalang may dahilan upang magpatuloy sa kabila nito. Ang edukasyon ay isang pananagutang hindi kayang pasanin ng pamahalaan o ng mamamayan lamang. At kung magtatagpo ang tunay na reporma at pakikiisa ng publiko, marahil ang pagbubukas ng taong-panuruan na ito ay hindi lamang hudyat ng panibagong klase, kundi ng panibagong yugto para sa edukasyong maka-Pilipino.