TUNAY NA BUHAYani: Kuwento ng mga underrated tsuper-duper characters
ABRIL 24, 2026 6:00 PM PHT
Jadegero Roque
TUNAY NA BUHAYani: Kuwento ng mga underrated tsuper-duper characters
ABRIL 24, 2026 6:00 PM PHT
Jadegero Roque
Sa tuwing maririnig ang salitang “superhero,” mga karakter na may kakaibang kapangyarihan ang pumapasok sa ating isip—lumilipad, kayang bumuhat ng gusali, o kaya naman ay mayroong laser sa mata.
Ngunit sa reyalidad, ang mga bayaning ito’y nagmamaneho ng mahabang sasakyan, at matalas ang paningin sa mga pasaherong nangangailangan ng serbisyong-transportasyon. Bagamat ang kanilang pagkakakilanlan ay hindi maskara kundi lisensya, ay gumagawa pa rin sila ng hindi pangkaraniwan, para magsilbing “tsuperheroes” ng ating lipunan.
Nahumaling ako sa pagsakay sa dyip mula pagkabata. Marahil ramdam ko ang hangin, rinig ang usapan at tawanan ng aking kapuwa-pasahero, at nakikita ang bayanihan ng mga Pilipino sa pagsigaw ng “may bababa”, at pag-aabot ng barya.
Paborito ko rin panoorin ang napakahuhusay na diskarte ng mga tsuper sa pagmamaneho. Hanga ako sa kung paano nila nagagawang magbilang ng barya, magtuos ng panukli, at makipag-usap sa kanilang pamilya habang hawak ang manibela, kambyo pa-segunda, at sabay preno sa papalapit na kurbada.
Makakapunta kaya kami ng ospital kung wala sila? Makakapasok kaya sa eskuwela ng libo-libong estudyante kung wala ang mga bayaning ito? Makakatipid kaya sa pamasahe ang mga Pilipino kung walang transportasyong gaya nito?
Pero hindi rito umiikot ang kuwento, kundi sa kanilang mga sakripisyo. Sa kabila ng pagod at takot, pinili nilang maglingkod.
Kasabay ng pagbuhay sa kani-kanilang pamilya, pagpapaaral ng anak, pagsustento sa kamag-anak, nananatiling solido ang kanilang motibasyon na kanilang nagiging pundasyon para magpatuloy.
Change oil, palit belt, glow plugs, tumatagas na coolant, bugbog na radiator, flat na gulong—ilan lang iyan sa mga problemang umuubos sa kanilang kita—at siyempre ang numero unong gastos ng mga tsuper, ang gasolina.
Sa panahon ng krisis sa langis, mga drayber ang nagpapawis. Sa mamisong kita bawat araw, mababawasan pa maski kanilang galaw. Ngunit, kahit halos dumoble ang presyo ng gasolina, ramdam pa rin ang kanilang kalinga.