Kontra krisis sa langis: Paano titipirin ang 50-60 araw na oil supply ng bansa?
MARSO 9, 2026 6:00 PM PHT
Jadegero Jestoni Roque
Kontra krisis sa langis: Paano titipirin ang 50-60 araw na oil supply ng bansa?
MARSO 9, 2026 6:00 PM PHT
Jadegero Jestoni Roque
Nais mo bang makiisa sa pagtitipid ng langis ngayong panahon ng krisis? 'Wag nang magpatumpik-tumpik at maging isang mamamayang maalam!
Sa mundong nakabase sa langis—siyang puso ng transportasyon at produksyon—hindi maiiwasang umalingawngaw ang iba’t ibang reaksyon mula sa bawat nasyon, dahil ang pagtaas at pagbaba nito’y nakakaapekto sa kabuhayan ng mga mamamayan, takbo ng merkado, at sa katatagan ng ekonomiya.
Dulot ng pagsasara ng Iran sa Strait of Hormuz—na dinaraanan ng halos 20 porsiyentong oil shipment sa buong mundo—dahil sa tunggalian nito laban sa US at Israel, apektado ang presyo ng langis sa pandaigdigang merkado. Sa pag-aanunsyo ni Presidente Bongbong Marcos sa natitirang 50-60 araw ng oil supply sa bansa, paano nga ba makatutulong sa pagtitipid nito?
1. Suportahan ang pampublikong transportasyon
Nakatutulong ang transportasyong pampubliko sa kabuuang konsumo ng gasolina o diesel sa isang komunidad. Ang isang bus na may dalang 40 pasahero, ay katumbas na ng halos 20–30 pribadong sasakyan kung ang bawat isa ay may isa o dalawang sakay lamang.
Dahil dito, mas kaunting gasolina ang nagagamit kumpara sa dami ng mga sasakyang pribado. Makatutulong din ang pagsuporta sa pampublikong transportasyon sa pagpapababa ng antas ng trapiko, at pagbawas sa polusyon sa hangin.
2. Obserbahan ang tamang hangin sa gulong ng sasakyan
Alam mo ba na nababago ang milyahe, o lakas sa konsumo ng gasolina ng iyong sasakyan kung kulang ito sa hangin? Mas malaki ang surface area ng gulong na nakalapat sa kalsada kung mababa ang pounds per square inch (psi) ng hangin nito, na nagpapalaki sa friction na nabubuo sa tuwing umiikot ito sa kalsada, na siyang nagpapahihirap sa makinang bumuo ng sapat na lakas nang hindi nagdadagdag ng konsumo. Hindi lang ito para sa mga sasakyang diesel, o gasoline, dahil angkop din ito sa mga Electric Vehicles (EV).
3. Ipa-maintenance ang sasakyan
Sari-saring parte ng sasakyan ang nakakaapekto sa konsumo nito sa gasolina. Kung hindi mapapanatili ang kondisyon nito, maaaring lumakas ang fuel consumption, at magsimula ng mas malaki, at magastos na problema sa sasakyan. Ang ilan ay kabilang sa mga ‘basic maintenance’ na marapat gawin sa sasakyan, diesel-type man, o gasoline:
Maruming air filter
Kapag barado ang air filter, kulang o mahina ang pasok ng hangin sa makina. Dahil dito, hindi tama ang “air-to-fuel mix ratio” ng makina na kailangan para sa sa tamang kombustyon, kaya mas maraming gasolina ang nagagamit, at nagkakaroon ng kulay ang hanging lumalabas sa tambutso.
Lumang spark plugs o glow plugs
Ang spark plug, para sa mga sasakyang de-gasolina, at glow plugs, para sa mga sasakyang diesel, ang nagsisindi sa pinaghalong hangin at fuel sa loob ng “cylinders” ng makina. Kapag luma o marumi ito, hindi kumpleto ang “combustion” na nagreresulta sa inefficiency. Nagdudulot din ng tinatawag na “engine misfire” ang sirang spark plugs na siyang nagdudulot ng malakas na vibration lalo sa acceleration. Kung hindi maaagapan, sari-saring problema ang maidudulot pa nito sa sasakyan tulad ng pinsala sa valves o piston heads.
Lumang engine oil
Ang engine oil ang nagpapadulas sa mga gumagalaw na bahagi ng makina, para maiwasan ang ‘friction’ na nagdudulot ng movement resistance at heat production. Kapag luma o marumi na ito, bumababa ang milyahe at tumataas ang konsumo sa gasolina. Kung hindi pagtutuunang-pansin, maaari rin itong magdulot ng engine overheating.
4. Alamin ang daan sa mga lugar na pupuntahan
Upang hindi magpalipat-lipat ng sasakyan sa tuwing gagala, o magpasikot-sikot sa tuwing luluwas sa ibang siyudad, marapat na alamin ang pinakamadaling ruta nang makatipid sa pamasahe o gasolina. Maaari ring gumamit ng apps tulad ng “Waze” o “Google Maps” upang malaman ang daan sa paroroonan.
5. Magtipid ng kuryente sa loob ng tahanan
Bagamat hindi direktang nakatutulong ang pagtitipid ng kuryente sa mga tahanan para sa oil supply crisis, makababawas pa rin ito sa demand ng fossil fuels na siyang ginagamit sa paglikha ng enerhiya mula sa mga malalaking power plants.
Sa pamamagitan ng pagiging responsable at pagsuporta sa mga hakbang na nagtataguyod ng pagtitipid ng langis, kaakibat ng paggawa ng maliliit ngunit makabuluhang aksyon, magiging bahagi tayo ng isang kolektibong solusyon. Disiplina, kaalaman, at pakikiisa ng bawat mamamayan ang magiging susi upang mapanatili ang katatagan ng ating komunidad at ng buong bansa, kontra krisis sa langis.