Eyecare Program, sinimulan na
PEBRERO 05, 2026 5:00 PM PHT
Venice Jolipas
PEBRERO 05, 2026 5:00 PM PHT
Venice Jolipas
Alamin ang mga dapat malaman tungkol sa ‘Eyecare Mata Mo, Alaga Ko Program’
Inilunsad at patuloy na isinasagawa ang ‘Eyecare Mata Mo, Alaga Ko Program’, isang programang pangkalusugan na naglalayong matulungan ang mga mamamayang may problema sa paningin, partikular ang may katarata, sa pamamagitan ng libreng check-up at posibleng operasyon.
Nilinaw ng mga tagapagpatupad ng programa na walang libreng salamin na ibinibigay sa mga pasyente—ang naturang programa ay para lamang sa mga may sakit sa mata at posibleng kinakailangan ang operasyon tulad ng katarata.
Ipinaaalala rin ng Vice Mayor’s Office (VMO) na ang serbisyo para sa mata ay libre, ngunit hindi na umano sagot ng programa ang ₱200 hanggang ₱600 na bayarin para sa pamatak ng mata na kakailanganin pagkatapos ng operasyon.
Gayunpaman, ang goggles na ginagamit pagkatapos ng operasyon ay libre.
Isasagawa ang check-up sa Biyernes, habang ang mga super severe na kaso naman, ay maaaring ma-check up sa Lunes. Sa ilang pagkakataon, posible ang agarang operasyon o on-the-spot surgery, batay sa desisyon ng doktor.
Binigyang-diin na doktor lamang ang may kapangyarihang magpasya kung kailan isasagawa ang operasyon.
Sa ospital lamang ginaganap ang medical assessment, at hindi pinapayagan ang may kasamang chaperone, maliban sa mga pasyenteng na-stroke, matatanda, o may malubhang problema sa paningin.
Ang transportasyon ay point-to-point, kung saan susunduin ng van ang mga pasyente sa meeting place sa flagpole. Matapos ang check-up, ibinabalik ang mga pasyente sa flagpole o City Hall.
Para naman sa mga sasailalim sa operasyon, isa-isang ihahatid ang mga pasyente pauwi.
Kahit may pack lunch na inihanda para sa mga pasyente, pinapayuhan ang mga beneficiaries na magdala ng sariling baon o bumili sa kantina kung sakaling magutom muli.
Kabilang sa mga kinakailangang requirements ang PhilHealth. Mahalaga rin ang pagkakaroon ng aktibong cellphone number ng pasyente, dahil dito ipinaaalam ang iskedyul at kung saang ospital sila maa-assign, tulad ng Medsurge Parañaque.
Tanging ang unang 50 na kwalipikadong pasyente ang tatanggapin sa unang batch, na susundan ng ikalawa at ikatlong batch.
Ayon sa mga organizer, ang Sagip-Mata Program ay hindi lamang pang-isang beses kundi isang tuloy-tuloy na programa.
“Hindi lang po ito ngayon. Hangga’t mayroong may problema sa mata, tuloy-tuloy po nating bibigyan ng solusyon,” pahayag ng mga tagapagpatupad ng programa.