FAITH. TESTIMONY. MIRACLE. HEALING. ENCOURAGEMENT. INSPIRED. EMPOWERED
Share your LIFE changing testimony on how God is working in to your life. Your stories and testimonies will be aired in LIFE CAMP Radio segment every Thursdays all around the world: 6:00pm Manila (GMT+8); 8:00pm Guam (GMT+10); 11:00am Ireland (GMT+1); Canada (GMT-5).
First of all, I want to praise God for giving me this opportunity to share how great and awesome
our God is. And with a humble heart, this is my life testimony.
Pangatlo po ako sa aming apat na magkakapatid, at sa aming pamilya ako po ang unang naging
mananampalataya. Taong 2012 noong ako ay nag-aaral pa lamang sa sekondarya ay nagkaroon ng
gawain sa aming paaralan at tinawag itong Campus Ministry. At ikinagagalak ko pong sabihin sa
inyo na produkto po ako ng Campus Ministry. Nagpapasalamat ako sa Diyos dahil sa gawaing
iyon at sa mga taong ginamit Niya ay doon ko nalaman na dakila ang pag-ibig ng Diyos; Siya ay
buhay at mabuti. Taong 2012 ay personal kong tinaggap ang Panginoong Hesus bilang
Tagapagligtas at Panginoon ng aking buhay. Naaalala ko pa noong una kong pagpunta sa Sunday
Worship ay napaiyak ako sa tuwa dahil tunay na nakadama ako ng kagalakan. Nagpatuloy ako sa
pagpunta at dahil sa patuloy kong pagsunod sa Kanya ay unti-unting nawala ang mga gawaing
hindi maganda. Hindi na ako yung dating sumasamba sa mga imahe, hindi na ako yung dating
nagsasalita ng masama at hindi na ako yung dating sinungaling na dalaga. Kilala ko na kung Sino
ang dapat sambahin walang iba kundi ang Diyos na Mahabagin.
Taong 2013 Ika-16 ng Nobyembre ako ay nabautismo at patuloy na tinuruan ng aral mula sa
kasulatan. At katulad ng maraming kristiyano ay inusig din ako, ngunit nagpatuloy pa rin sa
pagtitiwala sa Diyos. Hindi nagtagal ay kasama na ako sa gawain ng Panginoon sa Saturday class
ng mga bata, at doon naging taga hatid at sundo ako. Pagkatapos kong mag-aral sa sekondarya ay
hindi agad ako nakapasok sa kolehiyo dahil kulang sa pinansyal. Nagpatuloy po ako sa
paglilingkod sa Diyos at naging tagapagturo ako ng mga bata, naging bahagi na rin po ako ng
Praise and Worship Team at ngayon ay isa na rin pong lider ng aming church. Sa isang taon kong
paghinto sa pag-aaral ay masasabi kong hindi sayang ang isang taong iyon dahil naging bahagi
ako ng gawain ng pagmimisyon na kung tawagin ay ESEC o Elementary School Evangelism
Campaign. Nakasama po ako sa pagbabahagi ng Salita ng Diyos sa mga bata sa ibat-ibang lugar.
Nang papalapit na ang School Year 2014-2015 nandoon pa rin ang kagustuhan kong makapag-aral
sa kolehiyo. Isang araw ay mag-isa lamang ako sa aming bahay at doon ako taos pusong
nanalangin sa Diyos at sinabing "Lord, gusto ko pong mag-aral, gusto ko pong makapagtapos at
maging isang guro." At lumipas ang mga araw, biglang may magandang balitang sinabi sa akin na
pwede akong maging scholar dahil pasado ang General Average ko noong High School ako.
Naging scholar ako at nakapasok sa kolehiyo. Ngunit hindi ganoon kadali sa buhay kolehiyo,
kailangan mong magsumikap, magpursige at magsakripisyo. Unang taon ko pa lamang noon ay
ramdam ko na ang pagod. Marami rin po ako napagdaanan noong ako'y nag-aaral. Nasubukan ko
pong umuwi na pamasahe na lamang ang pera ko.
Kasabay ng pag-aaral ko ay ang patuloy na paglilingkod ko sa Diyos at patuloy na pagkakaroon
ng personal devotion. Nakita ko ang kahalagahan ng pagbabasa at pagbubulay-bulay sa Salita ng
Diyos at ang pananalangin. Nagpatuloy ako sa pag-aaral sa kolehiyo at mas dumami pa ang
kailangang gawin sa unibersidad. At kasagsagan noon ng examinations at napakaraming
requirements ay nagkaroon ng pagsubok sa aming pamilya. Na mild stroke ang aming ina. Hindi
siya makalakad at makakilos mag-isa at naging malaking adjustment namin iyon sa aming
pamilya. Ngunit sa kabila ng mga pagsubok sa buhay ay salamat sa Diyos na nagbibigay ng
katatagan para magpatuloy.
At doon ko din po napatunayan na ang Diyos ay Dakilang Manggagamot. Dahil sa walang patid
na pananalangin, at sa kabutihan ng Diyos, unti-unting nakabangon ang aming ina, hanggang sa
nakalakad na ulit siya. Laking pasasalamat ko sa Diyos dahil tinugon Niya ang aming panalangin.
At Kung dati ay ako lang ang mananampalataya sa aming pamilya, purihin ang Diyos dahil
sumunod ang aking kapatid na bunso at hindi nagtagal ay pati na rin ang aming ina. At patuloy
pang nananalangin na makakasama ko ang aking buong pamilya sa pagsamba sa Diyos na dakila.
Nagpatuloy po ako sa pag-aaral sa kolehiyo at sa wakas ay nagbunga na ang lahat ng
pananalangin, pagsusumikap at pagsasakripisyo. Salamat sa Diyos dahil nakapagtapos ako. Isa pa
pong ipinagpapasalamat ko sa Diyos ay noong nakapasa po ako sa Licensure Examination for
Teachers taong 2019. At ngayon, sa kabutihan ng Diyos ay isa na po akong guro.
With God, all things are possible.
My dear brothers and sisters in Christ, we should bow down and let His will be done sa bawat
buhay po natin. Pray without ceasing. Read and meditate His Words day and night. Trust the Lord
wholeheartedly, obey and serve Him faithfully. Always be grateful and humble. Love God above
all.
Thank you for reading my life testimony.
The Lord bless you and keep you. Shalom.
Kimberly Surop Del Rosario, 23 years old.
Once lost, now found.
TO GOD BE ALL THE GLORY!