Talibukas:
Marahil, ang isa sa pinakamahirap na gawain ng isang tunay na mananampalataya ay ang paghiwalay sa mga maling gawain at maling pananampalataya. Ngunit ang mga bagay na ito ay isa sa mga pinakamahalagang bagay sa buhay ng isang Kristiano. Ito ang isa sa mga tandang hindi mapapasubalian ng sinuman na siya nga ay tunay na anak ng Dios (Mateo 7:20). Pansinin natin ang ilang mga bagay na may kaugnayan sa katotohanang ito.
Mga Alituntunin Patungkol sa Paghihiwalay
Ang salitang "separation o separate" na isinalin natin sa salitang "paghiwalay" ay nangangahulugan ng paglayo, paglabas o di-pakikihati. Samakatuwid, ito ay nagdadala ng kahulugang ang mga mananampalataya ay dapat na hiwalay sa sanlibutan at hiwalay para sa Dios "separate from the world and separate unto God". Tingnan natin ang mga katambal na katotohanan:
A. Ang isang tunay na mananampalataya ay pinili.
Sang-ayon sa 1 Pedro 2:9, ang mga mananampalataya ay isang lahing hinirang at tinawag mula sa kadiliman tungo sa kagilagilalas na kaliwanagan.
B. Ang mga tunay na mananampalataya ay mga manlalakbay at ang kanilang pagkamamamayan ay hindi sa daigdig na ito kundi sa langit.
Tayo ay ipinaghanda ng Dios ng isang dakong kala lagyan o tahanan na kapiling ang Dios. (Juan 14: 1-3)
Ang ating pagkamamamayan ay sa langit. Bagama't tayo ay nasa lupa, tayo ay mga manlalakbay lamang dito. (Filipos 3:20)
Tayo ay nangingibang bayan at nagsisipaglakbay at dahil dito ay magpigil tayo sa mga pita ng laman na makikipaglaban sa kaluluwa. (I Peter 2:11)
C. Ang ating katawan ay templo ng Espirito Santo. (1Corinto 6:19-20)
Samakatuwid, dapat nating iwasan ang anumang makakasira sa ating katawan sapagkat ito ay sa Dios at hindi sa atin.
D. Tayo ay mayroong bagong batas ng pamumuhay na kakaiba sa pilosopiya ng sanlibutan.
Ang pilosopiya ng mga tunay na mananampalataya ay "theocentric" "Christocentric" (ang Dios ang nasa kalagitnaan ng kanilang buhay) samantalang ang pilosopiya ng sanlibutan ay "antrophocentric" (ang sariling palagay ng tao ang isinasaalang-alang sa pangaraw-araw na buhay). Ang patakaran ng buhay ng isang Kristiano ay masuusumpungan sa mga sumusunod na talata:
Anuman ang ating ginagawa, gawin natin na may pagpapasalamat sa pangalan ng Panginoong Hesus. (Colosas 3:17)
Anumang ating ginagawa, kumain man o umiinom, gawin natin sa ikaluluwalhati ng Dios. (1 Corinto 10:31)
"Ang pag-ibig ni Kristo ang sa atin ay pumipilit..." (2 Corinto 5:14)
Ang tunay na mananampalataya ay hindi gumagawa sapagkat siya ay nasa ilalim ng mahigpit na pag-uutos o di kaya'y ibinubunsod ng takot na baka magalit ang Dios. Siya ay gumagawa sapagkat iniibig niya ang Dios at nais niyang magbigay ng kaluwalhatian sa Panginoong Hesu-Kristo.
Ang dalawang hindi magkasundo ay hindi makalalakad nang magkasama. (Amos 3:3)
Mga Tuwirang Halimbawa at Paglalapat ng mga Alituntunin
Ang mga sumusunod ay ilan sa mga bahagi ng ating buhay na dapat nating suriin bilang mga mananampalataya.
A. Ang pag-aasawa.
Ang mga mananampalataya ay hindi dapat makipamatok sa hindi mananampalataya. (2 Corinto 6:14-17) ...sa kadahilanang hindi sila magkakasundo (Amos 3:3)
B. Tayo ay pinahihiwalay sa lahat ng kalikuan at sa lahat ng hindi matuwid. (2 Corinto 6:14)
C. Tayo ay pinahihiwalay sa lahat ng mga gawa sa kadiliman. (2 Corinto 6:14)
D. Tayo ay pinalalayo at pinahihiwalay sa lahat ng mga nagtuturo ng maling aral. (2 Juan 1:9-11)
Ang mga ito ay hindi dapat tanggapin sa loob ng tahanan. Ang wika ng iba, ito raw ay hindi pagpapakita ng pag-ibig. Ngunit sa Biblia, ang mga nagtuturo ng maling aral ay tinukoy na mga lahi ng ulupong. (Mateo 3:7; Mateo 12:34; Mateo 23:33; Lukas 3:7). Kung nararapat na hindi natin papasukin ang ulupong sa ating mga tahanan ay nararapat din nating hindi papasukin ang kanilang kalahi. Hindi nangangahulugang kinamumuhian natin ang mga ulupong. Ang totoo niyan ay dinadalaw pa natin sila sa Zoo at ang isang nakakulong na ulupong ay sadyang nakagigiliw.
E. Tayo ay pinalalayo hindi lamang sa mga masasamang bagay kundi maging sa anyo ng masama. (1 Tesalonica 5:22)
F. Tayo ay hindi dapat makipagtalo ng walang kabuluhan sa mga maling aral. (1 Timoteo 1:4; 1 Timoteo 4:7; 2 Timoteo 2:14; 2 Corinto 6:15)
Anglahat ng hamon ng mga maling aral at relihiyon ay tinatanggap natin sa isang kondisyon: ang debate ay dapat ganapin sa radyo o telebisyon (hindi sa kanto o barberya) upang minsan at magpakailanman ay matapos na ang suliranin at masarhan ang bibig ng mga kumakalat na mga maling aral. Hinihingi din natin na ang nakarehistrong pangulo o punong obispo ang iharap nila upang wala na silang mai-dahilan pa.
G. Tayo ay pinahihiwalay din naman sa mga imahen o mga larawang sinasamba. (2 Corinto 6:16; Exodo 20:1-5; Roma 1:24, 25)
H. Tayo ay pinahihiwalay sa mga relihiyon, samahan o denominasyon na mali ang aral at hindi naayon sa Biblia. (2 Corinto 6:16-17)
Maging ito ay naturingang mga grupong Ebangeliko o Protestante, kung sila ay nagtuturo ng maling aral ay nararapat tayong humiwalay sa kanilang samahan.
Mga Dapat na dapat Sundin Tungkol sa mga Bagay na hindi tiyak
Maraming mga bagay ang hindi natin natitiyak kung dapat nating gawin o hindi. Sa mga pagkakataong ito ay hindi tayo maliligaw kung susundin natin ang mga sumusunod na mga bagay:
Ang limang katanungang dapat itanong sa sarili:
1. Ang bagay bang ito ay magpapahina sa aking pananampalataya?
2. Ito ba ay sisira sa aking patotoo?
3. Ito ba ay aalipin sa akin?
4. Maluluwalhati ko ba ang Dios sa gagawin kong ito?
5. Ito ba ay makakasira sa aking katawan?
Ang mga dapat pagkapitan ng mga katanungang nasa itaas:
1. Panahon
"Gaanong panahon ang inuukol sa pagsamba, sa pag-aral, sa paglalaro, sa pamilya at sa iba pa?
Ako ba ay kinakailangang dumalo sa pagsamba kung ako ay may pupuntahan o may "test" sa paaralan?"
2. Sine
"Mapupuri ko ba ang Dios sa loob ng sinehan? Matutuwa ba Siya kung masusumpungan Niya ako sa loob nito?"
3. Sayawan
"Maluluwalhati ko ba ang Dios kung ako ay nasa gitna ng sayawan?
Mapapatibay ko ba ang pananampalataya ng iba?"
4. Sugal
Malalaswang magazines, sigarilyo, panamamit at sa iba pa.
Ang mga bagay na ito ay dapat sukatin ayon sa mga alituntuning nasa itaas.
Ang mga alituntuning nabanggit, kung ating isasaloob at susundin ay maglalapit sa atin sa Dios at magbibigay sa atin ng katatagan.
Paghiwalay ng mga Kapakinabangan
Bagaman ang isang tunay na mananampalataya ay hindi naglilingkod sa Dios dahil sa tatanggaping pakinabang, ang Panginoon ay nangako na Siya ay magbibigay ng pagpapala. Pansinin natin ang ilan sa mga ito:
A. Ang ating mga dalangin ay tutugunin.
B. Sasa-atin ang pag-ibig ng Dios. (1 Juan 2:15)
C. Maluluwalhati natin ang Dios. (1 Corinto 6:19-20)
D. Ang ating katawan ay maiingatan at mananatiling malusog.
E. Tayo ay mapapasailalim sa kalooban ng Dios.
F. Tayo ay maging masunuring anak.
G. Tayo ay makakasama ng mga tunay na mananampalataya kay Kristo.
Mga Dahilan Kung Bakit Ayaw Humiwalay ng Tao
Marami sa mga nagsasabing sila ay tunay na mananampalataya ang hindi sumusunod sa doktrina ng paghiwalay dahil sa mga sumusunod:
A. Ayaw nilang mapabilang sa mga hindi sikat.
Kadalasan, ang mga tunay na mananampalataya ay hindi mayayaman at hindi kabilang sa "alta-sociedad" Bagama't mayroon din mga mayayaman at kilala sa lipunan at grupo ng "intelegencia" na mga Kristiano, ang karamihan sa pangkalahatang mananampalataya ay mga pangkaraniwang tao.
B. Ayaw nilang iwan ang kanilang kinagisnan.
Ipinagpapalit nila ang Dios sa kanilang mga sentimiento.
C. Ayaw nilang iwan ang kanilang mga kaibigan at mga kamag-anak.
D. Ayaw nilang dumalo sa mga maliliit at hindi magandang kapilya.
E. Ayaw nilang pagtawanan o usigin alang-alang kay Kristo.
F. Ayaw nilang magpasan ng tungkuling nakaatang sa balikat ng isang mananampalataya.
G. Ayaw nilang isuko ang mga maling bagay na kanilang ginagawa na alam nilang hindi maaring ipagpatuloy kapag sila ay humiwalay sa kamunduhan.
Taliwakas:
Ang tunay na mananampalataya ay makikilala sa kanyang bunga (Mateo 7:20). Isa sa mga bungang ito ay ang paghiwalay sa mga bagay na hindi karapat-dapat. Maging matibay nawa ang ating paninindigan tungkol sa mga bagay na ito.