Talibukas:
Ang isang Kristiano ay may karapatang manampalataya sa Panginoong Hesus at magtiis sa pagsubok. Ang Panginoon ay may layunin sa bawat isa sa atin at ang pagsubok ang isa sa mga kasangkapang ginagamit Niya upang isagawa ito. Sa dahilang ito, ang pagsubok ay isang bahagi sa buhay ng isang tunay na anak ng Dios.
Bakit dumarating ang Pagtitiis
A. Bunga ng kasalanan. (Mga Gawa 5:1-10)
B. Upang ang Salita ng Dios ay mahayag (Juan 9:2-3)
Ang isang tao ay maaaring magkasakit sapagkat may ibig ipahayag ang Dios sa kanya. Dahil dito, tayo ay hindi nararapat magpadalos-dalos sa paghatol.
C. Ito ay gawa ng kaaway - sa kapahintulutan ng Dios.
Halimbawa, si Job ay pinapahirap ni Satanas sa loob ng labingwalong taon. Ngunit ang kagandahan nito'y hawak ng Dios ang ating buhay.
D. Para sa kaluwalhatian ng Dios. (Juan 11:4)
Si Lazaro ay ibinangon mula sa patay at maraming naligtas. Kung minsan, tila ang lahat ng nangyayari sa ating buhay ay mukhang napakahirap dalhin ngunit ang lahat ng mga ito ay lumilipas upang sa wakas ay makita ang kagandahan ng Dios.
Papaano dumarating ang Pagtitiis
A. Sa pamamagitan ng ating sariling pagkakamali at kasalanan. (Galacia 6:7)
Halimbawa: ang kasalanan ni David. (2 Samuel 12:10-11)
B. Sa pamamagitan ng pagkakamali at kasalanan ng iba.
Halimbawa: ang isang batang isinilang na bulag dahilan sa pakikitungo ng kanyang ama sa ibang babae.
C. Sa pamamagitan ng pagsubok. (1 Corinto 10:13)
D. Sa pamamagitan ng paglilinis ng Dios sa ating buhay upang maibigay ng Panginoon sa atin ang higit na pagpapala upang maluwalhati ang Panginoon. (Roma 8:28)
Ang Layunin ng Pagtitiis sa Pagsubok
A. Upang patunayan ang ating pagiging anak.
Ang pagsubok ay katibayan ng natatanging pag-ibig sa Dios. (Hebreo 12:8)
B. Upang tayo'y makinabang. (Hebreo 12:10)
Ang pagsubok ay para sa ating ikabubuti. (Roma 8:28)
C. Upang magbunga ng kabanalan. (Hebreo 12:11)
Ang halaman man ay ating pinuputulan upang lalong magbunga. (Galacia 5:22-23)
Paano tayo haharap sa Pagsubok
A. Maaaring kamuhian natin ito ngunit ang pagkamuhi sa pagsubok ay tanda ng pagtanggi sa kapangyarihan ng Dios na
Siya lamang ang tanging lakas natin.
B. Maaari tayong tumamlay at maging lugami. (2 Corinto 12:9)
Kung minsan, tila ba nakakalimutan natin na ang Kaniyang biyaya ay sapat sa anumang suliranin at kalagayan natin.
C. Maaaring harapin natin ito ng may pagkagalit at tampo sa Dios. Ito ay nangangahulugan ng paghihimagsik o pagsalungat sa alituntunin ng buhay at ito ang madalas na nagdadala sa tao sa mapait na wakas.
D. Maaari nating tanggapin ito ng maluwag sa ating loob na sumuko sa kalooban ng Dios at manalangin para sa ikalalago ng ating buhay Kristiano. Bagama't hindi natin nalalaman ang kinabukasan, kilala naman natin ang may hawak nito. Ang taong nabubuhay sa kalooban ng Dios ay nakatitiyak na kaya niyang pasanin ang lahat ng pagsubok dahil ipinangako Niya ito sa 1 Corinto 10:13. Anupa't ang lahat ay mauuwi sa tagumpay. Tanging ang pagkakaroon lamang ng personal na kaugnayan sa Panginoong Dios sa pamamagitan ng pananampalataya sa Panginoong Hesus ang makapagbibigay ng tunay na kahulugan ng buhay, maging sa gitna ng mga hindi maunawaang pangyayari.
Taliwakas:
Ang pagpalo o ang pagtutuwid ay tanda ng tunay na pagmamahal. Ang sabi ni Apostol Pablo sa kanyang sulat sa mga taga-Hebreo, kapag hindi pinalo ang bata, ito ay nangangahulugan na ito ay hindi tunay na anak. Ang sinusubok ay nararapat ituring ang kaniyang sariling mapalad sapagka't ito ang kadalasang nagging hakbang tungo sa pagtanggap ng dakilang biyaya buhat sa Dios. Wika ni Santiago, ituring natin ang ating sariling mapalad pag dumaraan ang mga bagay na iyan sa atin.