Talibukas:
Ang isang tunay na mananampalataya, maging siya man ang pinakamahirap o pinaka-mahinang bahagi ng Iglesia (Katawan ni Kristo), ay sapat nang yumanig ang kapangyarihan ni Satanas at sa kanyang buong kaharian, kung siya ay nasa gitna ng kalooban ng Dios. Ito ay alam ni Satanas kaya gayon na lamang ang pagsisikap niyang ibagsak at pahinain ang mga tunay na Anak ng Dios. Ang pinakamabisang kasangkapan na kaniyang ginagamit ay ang tukso. Dahil dito'y nararapat nating harapin ang katotohanang ang pagtatagumpay sa tukso ay isa sa pinakamahalagang tungkulin ng isang tunay na Kristiano. Pansinin natin ang mga sumusunod:
Ang Katotohanan Patungkol sa Tukso
A. Ito ay hindi buhat sa Dios. (Santiago 1:12-13)
Sang-ayon sa Salita ng Dios, ang Panginoon ay hindi nanukso. Gayon pa man, pinapayagan ng Panginoon na dumating sa atin ang tukso upang ito ay gumanap ng kaniyang pakay sa ating buhay.
B. Ito ay nagmumula sa masasamang nasa at masasamang pita ng laman. (Santiago 1:14)
"Ang puso ay mandarayang higit kaysa lahat ng bagay, at totoong masama; sinong makaaalam?" (Jeremias 17:9)
C. Ito ay nagbubuhat sa panlabas na panghihikayat. (Santiago 1:14)
Si Satanas ay nagpapain sa harapan natin ng mga bagay sa biglang tingin ay kaakit-akit ngunit ang dulo noo'y di-maiwasang kapahamakan kapag tayo ay nasilo ng kanyang bitag.
Ang mga Hakbang sa Pagkahulog sa Tukso
Ang isa sa mga pinaka-angkop na halimbawa ng katotohanang ito ay ang buhay ni David nang siya ay mahulog sa tukso ni Batsheba. (2 Samuel 11:1-5)
A. Si David ay walang ginagawa noong mga oras na iyon. Ang isipang hindi nagtratrabaho ang siyang ginagawang pugad ng diablo. (2 Samuel 11:2)
B. Nakita niya ang tukso at ito ay pinag-tuunan niya ng pansin. Dumarating ang tukso sa tao sa pamamagitan ng kaniyang kaalaman. (2 Samuel 11:2)
C. Ang mga tuksong nalalantad sa ating paningin ay hindi maiiwasan, ngunit ang tuksong nagpapabagsak sa atin sa kasalanan ay iyong ating pinag-iisipan at pinagbubulay-bulayan matapos natin itong makita. Bunga nito, hinahanap ng tao ang kaniyang sariling pagkapariwara. (2 Samuel 11:3)
D. Si David ay tuluyang nalulong sa tukso at nagbunga ito ng kanyang pangangalunya.
Kinasama niya si Batsheba at ipinapatay ang asawa nito. Ang katotohanan patungkol sa tukso ay lubhang niliwanag ni Apostol Juan sa 1 Juan 2:15-17-Sinasabi niyang ang pita ng mga mata at kapalaluan sa buhay ay nagbubunga ng kamatayan at pagkapariwara.
Ang mga Hakbang upang Magtagumpay Laban sa Tukso
A. Tantuing mabuti ang katotohanan.
Sa Santiago 1:17-19, sinasabing sa harap ng tukso'y nararapat tayong maging malumanay sa pagsasalita mabagal sa pagkagalit.
Pag-isipan muna nating mabuti kung ano talaga ang nangyari bago tayo magalit.
Isang halimbawa nito ay si Job na naging mapagtimpi sa harap ng pag-uusig, maging sa pag-uusig ng kanyang asawa. (Job 2:9-10)
B. Tanganan ang Salita ng Katotohanan. (Mga Awit 119:11)
Ang salita ng Dios ang pinakamabisang sandata sa lahat ng tukso at suliranin.
C. Maging taga-tupad ng Salita ng Dios na ating pinaka-iingatan. (Santiago 1:22-23)
Ipinangako sa atin ng Panginoon na ang lahat ng bagay ay magagawa natin sa pamamagitan ng Panginoong Hesus na nagpapalakas sa atin.
D. Pasakop tayo sa Dios at sumalansang sa Diablo at ang tukso ay tatakas. (Santiago 4:7)
Ang tagumpay ay tiyak na nasa kamay ng mga tunay na anak ng Dios sapagkat tayo ay mayroong sandata at sapat na kasangkapan sa pakikibaka. (Efeso 6:11-18) Ang tanging nararapat nating gawin ay gamitin ito sa kaaway at tayo'y tiyak na magtatagumpay.
Taliwakas:
Walang dahilan upang ang isang Kristiano ay mabuhay na gapi at talunan ng kasalanan. Isang miyembro ng Iglesia ang nagsabi, "Pastor, sa sampung taon kong pagiging Kristiano, kailan man ay hindi ko nasalubong si Satanas sa larangan ng pananampalataya o sa anumang bagay." Tumingin ang Pastor at nag-isip, pagkatapos ay sumagot at nagsabi, "Marahil, kaya ka hindi sinasalubong ni Satanas ay sapagkat kasama mo siya." Si Satanas ay tiyak na gagawa upang hadlangan ang sukong buhay ng isang tunay na Kristiano. Subalit ang ating pag-asa ay ang pangako ng ating Panginoon, "Mas makapangyarihan ang nasa atin (Si Hesus) kaysa nasa sanlibutan (Si Satanas)." (1 Juan 4:4; Apocalipsis 12:11)