Talibukas:
Ang isang tunay na mananampalataya ay sadyang napakaraming hinaharap na hindi kaaya-aya sa buhay na ito. Isa na dito ang pag-uusig. Ang isang mananampalataya na pumapasok sa pag-uusig ay maihahalintulad sa putik na niluluto upang malilok sa isang palayok. Ito ay pinatitigas at pinagtitibay sa pamamagitan ng pagsasalang sa init ng araw. Kung ang putik ay hindi dadaan sa ganitong kaparaanan, ito ay titigas ngunit magkakabitak-bitak at hindi magagamit ng mahusay...
Bakit Pinag-uusig ang mga Tunay na Mananampalataya
A. Sapagkat maging ang ating Panginoong Hesus ay pinag-uusig ng mga tao at tayo ay hindi higit sa ating Panginoon. (Mateo 10:24-25)
B. Sapagkat ang mga tunay na mananampalataya ay anak ng Dios at ang hindi mananampalataya ay anak ng Diablo.
"Datapuwa't ang lahat ng sa Kaniya'y nagsitanggap ay pinagkalooban Niya sila ng karapatang maging mga anak ng Dios, sa makatuwid baga'y ang mga nagsisisampalataya sa Kaniyang pangalan." (Juan 1:12)
"Kayo ay sa inyong amang Diablo..." (Juan 8:44)
C. Sapagkat ang mananampalataya ay ilaw ng sanlibutan at ang sanlibutan ay namumuhi sa ilaw sapagkat, ang kanilang mga gawa ay masama.
"Kayo ang ilaw ng sanlibutan... hindi nga pinaniningasan ang ilawan at inilalagay sa ilalim ng isang bakalan..." (Mateo 5:14-15)
"Ito ang kahatulan, na naparito ang ilaw sa sanlibutan, at inibig pa ng mga tao ang kadiliman kaysa ilaw; sapagkat masasama ang kanilang mga gawa." (Juan 3:19-21)
D. Sapagkat tayo ay pinili at inilipat sa kadiliman tungo sa kaliwanagan. (1 Pedro 2:9)
E. Sapagkat ang mananampalataya ay hindi taga-sanlibutan kundi taga-langit.
"Sapagkat ang ating pagkamamamayan ay sa langit." (Filipos 3:20)
Kung minsan ay naitatanong natin sa Panginoon kung bakit pinababayaan Niyang dumating sa atin ang mga pag-uusig na tila hindi natin kayang dalhin. Sa ganyang mga pagkakataon ay nararapat nating isa-isip na maging ang mga yaon ay nagkakalakip-lakip para sa ikabubuti natin. (Roma 8:28)
Saan nanggagaling ang Pag-uusig
Batid nating lahat na ang Diablo ang pinagmumulan ng anumang kilusan laban sa atin.
Sabi nang iba, bakit daw tayo ginugulo ng Diablo? Ang sagot naman ng tunay na Kristiano, "Kung ginugulo mo ang Diablo ay tiyak na guguluhin ka rin niya." Ang Diablo ay gumagamit ng kaniyang mga kasangkapan:
A. Buhat sa mga hindi mananampalatayang kasama sa pamilya: (Mateo 10:21-36)
B. Napakaraming pagkakataon na yaong kasama sa bahay natin ang humahadlang sa ating paglilingkod sa Dios.
Hindi iilan ang mga anak na hindi makadalo sa mga pagsamba dahil sa paghadlang ng magulang; ang asawang babae o asawang lalaki ay hindi makapagpatuloy sa paglilingkod sa Dios dahil sa kanilang mga mahal sa buhay na di pa ligtas.
C. Buhat sa mga manunuya.
"Na maalaman muna ito, na sa mga huling araw ay magsisiparito ang mga manunuya na may pagtutuya..." (2 Pedro 3:3)
Sa tahanan, sa opisina, sa paaralan, sa lahat ng lugar, ang manunuya ay sadyang naglipana. Ang pagtawa at paghalakhak nila sa ating pananampalataya ay halos walang katapusan. Pangkaraniwang ginagawa nila ito sa harap ng mga tao upang tayo ay pagtawanan at mapahiya.
D. Buhat sa maling pananampalataya.
"Ngunit hayag na sinasabi ng Espiritu, na sa huling panahon ang iba'y magsisitalikod sa pananampalataya, at mangakikinig sa mga espiritung mapanghikayat at sa mga aral ng demonio. Sa pamamagitan ng pagpapaimbabaw ng mga tao na nagsisipagsalita ng mga kasinungalingan, na hinerohan ang kanilang mga sariling budhi ng waring bakal na nagbabaga." (1 Timoteo 4:1-2)
Ang mga taong may maling aral ay sadyang kaaway ng katotohanan. Nais nilang ang mga nagtuturo ng katotohanan ay manghina at lumayo sa Dios. Ang mga ito ay tinutukoy na bulaang propeta at kaaway ng krus ni Kristo.
"Sapagkat ang Salita ng Krus ay kamang-mangan sa kanila na nangapapahamak." (1 Corinto 1:18)
"Na binulag ng dios ng sanglibutang ito ang mga pag-iisip ng mga hindi nagsisisampalataya." (2 Corinto 4:4)
E. Buhat sa mga hindi mananampalatayang guro sa paaralan. (Roma 1:30)
Napakadalas na ang ating mga kabataan ay inuusig sa loob ng paaralan bunga ng kanilang pananampalataya. Marami sa mga guro ang hindi naniniwala sa Biblia at hindi kakaunti ang nagtuturo ng Ebolusyon. Sila ay ginagawang katatawanan sa loob ng paaralan at ang ating pananampalataya ay ginagawang tampulan ng biro.
"Kayo'y magsipag-ingat baka sa inyo'y may bumulag sa pamamagitan ng kaniyang pilosopiya at walang kabuluhang pandaraya..." (Colosas 2:8)
Mga Dapat Gawin sa Harap ng Pag-uusig
Kung minsan sa harap ng mabigat na pag-uusig ang mga mananampalataya ay nanglulupaypay at nanlalamig. Ang tunay na mananampalataya ay dapat lalong tumibay at tumatag sa harap ng pag-uusig..." (Mateo 5:44; Lukas 6:28)
A. Kalabanin sa pamamagitan ng panalangin.
"Datapwa't sinasabi ko sa inyo, ibigin ninyo ang inyong mga kaaway at ipanalangin ninyo ang sa inyo'y nagsisiusig..."
B. Kalabanin sa pamamagitan ng pagpapatotoo at ng Salita ng Dios.
"...hindi nangahas gumamit laban sa kaniya ng isang hatol na may pag-alipusta kundi sinabi, sawayin ka nawa ng Panginoon... (Judas 1:9)
"...nasusulat, huwag mong tuksuhin ang Panginoon mong Dios." (Mateo 4:7)
C. Kalabanin sa pamamagitan ng banayad na pangungusap at sagot.
"Ang malumanay na sagot ay nakapapawi ng poot... ang malumanay na dila ay bumabasag ng buto." (Kawikaan 15:1; 25:15)
D. Ipakita ang pag-ibig sa kanila.
"...ibigin ninyo ang inyong mga kaaway..." (Mateo 5:44)
"Kaya't kung ang inyong kaaway ay magutom, pakainin mo..." (Roma 12:20)
E. Ipakitang kayo ay matatag at matibay sa inyong pananampalataya.
"Na huwag ninyong gantihan ng masama ang masama, o ng alipusta ang pag-aalipusta, kundi pagpapala..." (1 Pedro 3:9)
F. Isaisip na hindi kayo ang inuusig at tinutuya kundi ang Dios.
"...ang nagtatakuwil sa inyo ay ako ang itinatakuwil; at ang nagtatakuwil sa akin ay itinatakuwil ang sa aki'y nagsugo." (Lukas 10:16)
"Kaya't ang nagtatakuwil, hindi ang mga tao ang itinatakuwil kundi ang Dios..." (1 Tesalonica 4:8)
Huwag tayong mag-isip ng pag-ganti sapagkat ang Dios ang gaganti.
"Ang pag-hihiganti ay akin..." (Deuteronimo 32:35)
"Huwag kayong maghihiganti... Akin ang pag-hihiganti; ako ang gaganti; sabi ng Panginoon." (Roma 12:19)
G. Ituring ninyo ang inyong sariling mapalad sapagkat kayo ay kasama ni Kristo sa hirap.
"Upang makilala ko Siya... at makasama sa Kaniyang kahirapan..."(Filipos 3:10)
Taliwakas:
Ang Dios ay nangako sa atin na Siya ay kasama natin sa harap ng lahat ng suliranin at pag-uusig. Kung tayo ay humaharap sa ganyang mga pag-uusig, nararapat na tayo ay dumalangin at humingi ng lakas sa Kaniya tuwina . Tanganan natin ang mga pangako ng:
Roma 8:28 - "Sapagkat nalalaman natin na ang lahat ng mga bagay ay gumagawang magkalakip sa ikabubuti ng sa Kanya'y umiibig, sa kanilang Kaniyang tinawag alinsunod sa Kaniyang layon."
1 Corinto 10:13 - "...tapat ang Dios na hindi Niya itutulot na kayo'y tuksuhin ng higit sa inyong makakaya..."