Talibukas:
Sa kasalukuyan, napakarami ang mga nagtuturo na sapat na ang tao ay maligtas at bahala na siya sa kanyang sarili. Dahil dito ay napakaraming samahang ebangheliko ang kumakalat na ganito ang tanging gawain. Isang grupo ng misyon ang nagsasabing kapag nabalitaan na nila na ang lahat ng tao sa bawat dako na ligtas na ay tapos na raw ang tungkulin ng mga misonero. Ito ay mali at isang pandaraya ng Diablo. Sa Mateo 28:18-20 ay sinasabing humayo tayo at turuan ang mga tao. Sa aklat ding ito ay inutusan tayong mag-ingat sa mga lobong maninila, sa mga maling aral at pandaraya. Kapag pinabayaan natin ang bagong mananampalataya, iyan ay magging tulad sa isang bagong panganak na bata na inilagay natin sa gitna ng gubat, iniwan at sinabi nating, "Ngayong ipinanganak ka na ay tapos na ang tungkulin ko sa iyo. Bahala ka na sa yong sarili."
Ang Kahulugan ng Iglesia o Kapulungan
A. Ito ay kalipunan ng mga mananampalataya.
Kalipunang lokal
a. Ang iglesiang nasa bahay ni Filemon. (Filemon 1:2)
b. Ang iglesiang nagpupulong sa bahay ni Nimfas. (Colosas 4:15)
C. Ang pitong iglesiang tinukoy ay pawang mga iglesiang lokal o masusumpungan lamang sa isang
dako. (Apocalipsis 1:20)
Ang kalipunang pangkalahatan.
Ito ay kinabibilangan ng lahat ng ligtas.
Ito ay tinutukoy na katawan ni Kristo.
Hindi ito tulad ng iglesia lokal na may nasasali na hindi ligtas. Ang pagsapi dito ay sa pamamagitan ng kaligtasan, samantalang sa iglesia lokal ay sa pamamagitan ng bautismo sa tubig.
B. Ito ay itinayo ng Panginoong Hesu-Kristo. (Mateo 16: 16-18)
Ito ay pinadadagdagan o pinasasapian ng lahat ng ligtas. (Mga Gawa 2:47)
Ang Iglesia ay itinatag ng Dios noong panahon ng Pentecostes. Dahil dito, ang panahong ito ay tinukoy na panahon ng biyaya o panahon ng iglesia. (Mga Gawa 2)
Ang Kaugnayan ng Isang Kristiano sa Isang Iglesia
A. Ang isang tunay na ligtas ay nararapat na kasapi sa isang iglesiang nangangaral ng Salita ng Dios.
Isinasapi ng Dios ang mga tunay na ligtas sa Iglesiang katawan ni Kristo. (Mga Gawa 2:47) Nararapat na tayo rin naman ay maging kaanib ng iglesia lokal na siyang nakikitang katambal ng hindi nakikitang katawan ni Kristo.
B. Ang tunay na ligtas ay nararapat na dumalo ng buong katapatan sa mga pagpupulong at pagsamba ng iglesia. (Hebreo 10:25)
C. Ang tunay na Kristiano ay nararapat maging matapat sa pagdalo sa paaralang lingguhan o "Sunday school" ...kundi mag-aralan kayo sa isa't- isa." (Hebreo 10:25)
D. Ang tunay na Kristiano ay nararapat na matapat na magbigay ng suportang pananalapi sa Panginoon sa pamamagitan ng Iglesia.
"...dalhin ang ikasampung bahagi." (Malakias 3:10) Tayo ay magkaloob ng handog sa unang araw ng sanlinggo. (I Corinto 16:2)
Ang Pakay ng Iglesia
A. Upang ang mga mananampalataya at magkakapatid sa Panginoon ay sama-samang makapanalangin.
"...sa ikapupuri ng kaluwalhatian ng Kaniyang biyaya." (Efeso 1:6)
"...na huwag pabayaan ang inyong pagkakatipon." (Hebreo 10:25)
B. Upang gamitin ang ministeryo ng ordinansa ng iglesia.
Ang ordinansa ng Banal na Hapag o "Holy Communion" (Mga Gawa 2:42-46; Mga Gawa 20:7; I Corinto 11:20-34) Ito ay larawan ng katawan ng Panginoong Hesu-Kristo na nadurog at Kaniyang dugong nabuhos para sa atin.
Ang ordinansa ng Bautismo. "...bautismuhan ang mga nagsisampalataya." (Mateo 28:18,19) Tayo ay inutusang magdala ng magandang balita sa lahat ng kinapal. (Markos 16:16)
C. Upang ipangaral sa mga Gentil ang di malirip na mga kayamanan ni Kristo. (Efeso 3:8)
D. Upang ang mga mananampalataya ay turuan at papagtibayin.
Ibinigay ng Dios ang mga opisyal ng kapulungan sa ikasasakdal ng mga banal. (Efeso 4:11-15)
E. Upang ang iglesia ay maging patotoo sa lahat at ito ay maging kapahayagan ng pag-ibig at pagtubos ng Panginoon sa mga kasalanan.
Ang Disiplina ng Iglesia
Ang batayan ng paglalapat ng disiplina sa loob ng iglesia ay maliwanag na masusumpungan sa Banal na Kasulatan.
Ang katuwiran ng ilang mga tao ay hindi raw tayo dapat maging mahigpit sa pag papalakad ng Iglesia sapagkat baka raw matisod ang taong madidisiplina at hindi na bumalik sa iglesia.
Ito ang dahilan kung bakit kadalasan ay mas madali pang magmiembro sa kapulungan kaysa pribadong "exclusive clubs", P.T.A., o iba pang samahan.
A. Pangangailangan ng disiplina.
Ito ay makabubuti sa iglesia sapagkat ito ay magpapadalisay sa pananampalataya.
Ito ay sumusunod sa halimbawang ibinigay ng Banal na Kasulatan. (I Timoteo 1:20)
Ito ay nagpapatibay sa pananampalataya ng mga matatapat na mananampalataya.
Ito ay nagbababala sa mga taong ibig lamang "paglaruan" ang iglesia.
B. Sinu-sino ang dapat disiplinahin?
Ang mga gumagawa ng labag sa moralidad. (I Corinto 5:1-5)
Ang may maling aral. (Tito 1:13)
Kasalanang ginawa na alam ng lahat (I Timoteo 5:20)
Mga gawaing ikinatitisod. (Mateo 18:15-17)
C. Papaano ang paglalapat ng disiplina?
Sundin ang Mateo 18:15-17
a. Kausapin ng sarilinan
b. Kapag hindi nagsisi, magdala ng dalawa o tatlong saksi.
c. Ipaalam na sa iglesia kung hindi pa rin tatalikod sa kasalanan.
d. Kung hindi pa rin nagsisi, alisin sa iglesia at ituring na hindi ligtas.
Ang iglesia ay dapat magtiwalag ng isang kasapi:
a. Ayon sa patakaran ng Saligang Batas.
b. Kung walang Saligang Batas o kung ang sinasabi sa Saligang Batas ay di ayon sa Biblia, sundin ang 1 Corinto 5:13 at I Timoteo 1:20
D. Paano isasagawa ang disiplina?
Sa pamamagitan ng pagpapakababa (I Corinto 10:12)
Sa buong katapatan. (Mateo 7:3-5)
Sa pamamagitan ng pag-ibig. (I Corinto 13:4)
Taliwakas:
Ang mga tunay na mananampalataya ay dapat na maging kasapi sa isang iglesia lokal. Ito ang kanyang sentro ng paglilingkod at pagganap sa kalooban ng Dios. Ang isang tunay na mananampalataya ay nararapat na lumayo at humiwalay sa alin mang iglesiang hindi nangangaral ng katotohanan.