Isinulat Ni: MJ Ventura
Latag Ni: Ma. Nicole Francesa Mercado
Nobyembre 8, 2025
Sa pinakapagitan ng bawat sana
ay may pusong nangungulila.
Nangungulila para sa iyong buhay,
at higit lamang na nabubuhay
sa iyong likas na pamamalagi.
Nabubuhay ka bilang ikaw,
at kasabay mo ang pagtakbo ng oras
sa iyong paghabol patungong buwan.
Ultimo anino mo’y mahinahon,
at hindi nagpapatinag sa kung anuman.
Nabubuhay naman ako bilang ako,
ako mismong umaasa para sayo.
Inaabangan ang pagsikat ng araw,
at kadalasang naghihintay lamang
na parang uhaw at dehado.
Marahil nalalayo pa rin tayo ng landas
at mananatili ang ganitong agwat,
kahit papaano ay nalalapit ako sayo.
At bagamat mayroong kutob,
hindi sapat ang hindi magmula sayo.
Kung kaya’t naisin ko man na ikaw
ang magsilbing pagkukulang
ng puso sa pagdama,
ikaw ay tao na hawak
ang sariling isipan at katawan.
Maging basehan ko man
ang kusang paglapit mo
bilang pruweba ng pagtingin mo,
bitbit pa rin kita hanggang pag-uwi
at hawak mo lamang ako sa sandali.
Lumiwanag man ang mukha mo
na parang araw sa tanghaling tapat
sa oras na matagpuan mo ako,
ako naman ang natatanging ulap
na sasalo sa iyong abot na init.
Kung lubusan man akong mapaso
at wala man akong mapala
hanggang sa paglubog mo,
hahayaan kong umikot ang mundo.
Pati na rin ang pinigilang bugso.
At kung masilayan man kita
na abot langit ang ngiti,
ako na ang bahalang manalangin
nang hindi na ako gambalain pa
ng pangalan mong umaaligid.
Nang sa susunod na pagkakataon,
isa ka na lamang sa mga tala
na silip-silip sa iisang gabi.
At mananatili pa rin akong ulap
na nalalayo mula sa iyong tabi.