Written By: Shaerich Angela A. Ong
Publication Material By: Diana Pamplona
August 30, 2025
Madalas makita ang mga kaibigan sa paaralan, sa loob ng mga silid-aralan, sa gitna ng mga nagaganap na kasiglahan, o marahil sa loob ng mga club at organisasyon kung saan nakikilala natin ang mga taong may iba't ibang pinagmulan at kwento. Kaya't napaka-ibang sabihin na nakilala ko sila sa gitna ng isang parke.
Ang unang araw ko sa paaralan ay hindi nagsimula sa loob ng silid-aralan kundi sa mga salubong na kasiyahan at oryentasyon. Ako'y nasa sarili kong mundo sa simula ng lahat. Wala akong kaibigang kasabay sa pag-enroll, literal akong nag-iisa.
Nagsimulang nabago ang kwento sa aming unang pagtitipon sa 𝙁𝙧𝙚𝙚𝙙𝙤𝙢 𝙋𝙖𝙧𝙠—isang maliit na parke na karaniwang daanan lang tuwing normal na araw ng pasukan; ngunit sa araw na iyon, naging daan ito upang makilala ko ang magiging saya at liwanag ng aking paglalakbay sa kolehiyo. Ang sandaling iyon ay parang aking paglalakbay sa kolehiyo: hindi planado, walang istruktura, at hindi inaasahan. Lumihis ito mula sa aking mahabang paghahanap ng mga kaibigan sa silid-aralan na nakaupo lang sa aking tabi sa unang araw, o mula sa kaklase na humihiram ng panulat sa gitna ng oryentasyon.
Nakakatawa man, ang parehong lugar na iyon kung saan ko nakilala ang mga kaibigan ko ay ngayon ang lugar kung saan kami kumakain araw-araw. Dating lugar na puno ng pag-aalinlangan at pag-aatubili, ito ngayon ay naging isang lugar ng kumpiyansa at pagtanggap. Isang lugar na minsang puno ng mga naiilang na “hi” at “hello,” isang lugar na nagsisilbing hintayan lamang, isang lugar na dati’y dinadaanan ko lamang ay naging lugar kung saan ako ay malayang nakakapagkwento tungkol sa aking araw-araw na buhay at ngayo’y napupuno na ng tawanan.
Tulad ni Alice, ang kolehiyo para sa akin ay parang pagkatungo sa Wonderland—isang paglalakbay kung saan may nangyayaring mga kahanga-hangang bagay, hindi lang paminsan-minsan, kundi halos araw-araw! Isang paglalakbay kung saan nakakakilala natin ang iba't ibang tao: may mga dumarating at umaalis na nag-iiwan ng mga aral ng karunungan, habang ang iba ay nananatili sa atin sa bawat landas na ating tatahakin. Isang paglalakbay na nagbibigay-daan upang maipahayag natin ang ating sarili—isang lugar kung saan maaari nating, sa sariling paraan, pintahan ang mga rosas ng pula.
Kaya kung madama mong naliligaw ka sa gitna ng karamihan, gaya ni Alice, ay huwag ka rin matakot sundan ang White Rabbit at maglandas sa sarili mong Wonderland.