Written By: Aira Leslie Siervo
Publication Material By: Diana Pamplona
August 30, 2025
Naiisip mo ba kung ano ang mangyayari kapag nagsimulang umikot ang mundo sa loob ng teatro? Hindi ko rin alam noon pero unang taon ko sa pamantasan nang makita ko ito.
Pagkapasok ko, hindi gano’n ang inasahan kong laki ng teatro. Pinagmasdan ko ang espasyo nito na tila ba’y pinagtagpi-tagping silid ng alaala: masikip, madilim, at mahiwaga. Nagkalat ang mga punit-punit na papel, at sa gitna ng silid, may mga nilalang na may karton sa kanilang mga ulo—mga karakter na parang sa panaginip mo lang makikita. Iginiya kami sa isang sulok kung saan masusukat mo ang dilim bago sumiklab ang ilaw at tinig ng pagtatanghal.
Nang magsimula ang palabas, binaybay ng aming kuryosidad ang tanong na “Bakit nga ba buntis lagi ang kahera sa Mercury?” at dinala kami nito sa dagat ng reyalidad, hindi sa simpleng biro, kundi tugon sa mga multong tanong ng buhay. Ipinakita ang kahalagahan ng buhay sa loob ng ating mga isipan sa parte ng “Sabay tayong mag-grab” at bakit nga ba lahat ng may hinanakit ay ang comfort room ang siyang kumakalinga. Dito ko napagtanto na ang kakayahan ng isipan na alilain ang tao sa nais nito ay isang matinding parusa para sa lahat. Ang mga kwentong ‘di madalas makita ay pilit na kumakawala sa bawat takbo ng dula at doon tuluyang nasilayan—𝙖𝙣𝙜 𝙢𝙜𝙖 𝙨𝙪𝙜𝙖𝙩 𝙣𝙜 𝙡𝙞𝙥𝙪𝙣𝙖𝙣.
Sa bawat hinga ng mga karakter ay diwa ng sining ang pumalahaw. Mahigit isang oras lang ang palabas pero dadalhin ka nito sa ilang sulok ng pag-aalsa at pakikibaka sa buhay, para mabuhay. Ang mga nakakalat na lumang gamit sa sahig ay hindi na kasing luma nang matapos ko ang palabas; dahan-dahang namutawi ang anyo nila, nagkaroon ng saysay at nagmulat ng paningin. Sa pagkakataong ‘yon, hindi ko alam na kahit sa maliit na espasyo ng tanghalan, magtatama pa rin pala ang mga hinuha at sakali.
Kung susubok kang pasukin ang teatro, isa lang ang maipapayo ko: huwag mong pigilan ang iyong mga matang gumala, magtanong, at magtaka. Ang entablado bilang isang tahanan ay salamin sa napakaraming kasagutan at ang pagiging manonood nito ay simula pa lamang ng mas malaking paglalakbay. Sana maranasan mo ang pagtindig ng balahibo sa bawat palakpakan, ang pagpatak ng luha sa bawat linya, at ang tahimik na dalangin sa mga isyung ibinubukas ng teatro.
Sa gitna ng liwanag at anino, matutunan mo na ang sining ay hindi lamang pagtakas. Ito ay pagbabalik-loob sa sarili, sa lipunan, at sa mga kwentong hindi pa naririnig. Sa apat na taong pamamalagi ko sa ating pamantasan, may mga lumilisan man na karakter sa teatro at napapalitan na ang mga diyalogo—nananatili pa rin ang pagtibok ng sining.
Disi-otso lang ako noon, bagong salta gaya mo, at sana makita mo rin na sa tanghalan ng FEU Theater Guild, ang sining ay hindi lamang itinadhanang panoorin—ito ay paanyaya, pagsasabuhay, at pagkakataong ikaw mismo ay maging bahagi ng entablado.
𝘼𝙣𝙜 𝙢𝙖𝙜𝙞𝙣𝙜 𝙗𝙞𝙙𝙖 𝙨𝙖 𝙞𝙮𝙤𝙣𝙜 𝙠𝙬𝙚𝙣𝙩𝙤.