Isinulat ni: Bianca Ysabelle Frayna
Latag ni: Diana Pamplona
Setyembre 3, 2026
Sa hayskul, parang sobrang saya at sobrang gaan—tila ba para sa iba ang tanging gawain lang nila ay maging mabuting mag-aaral. Pero sa kolehiyo? Ang laking layo sa hayskul, walang magtuturo kung saang landas ang dapat tahakin–kung saan ang tama at kung saan magtatagumpay sa buhay. Dahil dito, ikaw mismo ang mamimili; ikaw mismo ang magsisiyasat. Nakabatay sa iyo ang tadhana na tatahakin mo, ngunit paano nga ba? Paano nga ba maglayag sa kolehiyo sa pamamagitan ng pagsisiyasat?
Siguro ang tanong na iyon ay masyadong mabigat sa perspektibo ng isang freshman, dahil paano nga ba ito? Walang manwal, walang mapa—ikaw lang ang gagabay sa sarili mong biyahe. Pero sa perspektibo ng isang Senior BS Psychology student na si Marianne Pugosa, ang pangulo ng FEU Sexuality and Gender Alliance, ang kolehiyo ay tila isang malaking libro na ang bawat kabanata ay maaaring may patibong, aral, o bagong kaalaman na patuloy niyang tinutuklasan.
Ang pag-aaral sa kolehiyo ay ibang-iba sa mga nababasa nating libro: hindi ganoon kaperpekto, hindi ganoon kadali. Sobrang naiiba ito na siguro karamihan sa mga nag-aaral sa kolehiyo ay iniisip na sana nga nasa isang libro na lang sila. Tulad ng isang libro, sobrang bilis din ng pangyayari sa kolehiyo. Ito ay nakakagulat at nakakapagod. Ayon kay Marianne, “I wish someone told me that college isn’t just about being academically prepared; it’s also about learning how to manage your time, energy, and priorities. You’ll blink, and suddenly deadlines are piling up, meetings are happening back-to-back, and you’re expected to keep up with everything. It can feel overwhelming at first, but eventually, you learn to pace yourself, ask for help, and accept that you don’t have to do everything perfectly all the time,” repleksyon niya.
Hindi maikakaila na ang kolehiyo ay isa rin sa mga panahon kung saan halos lahat ng bagay ay maaaring mangyari, ngunit hindi dapat makalimutan na ang pinakalayunin ay ang pag-aaral. Hindi lamang magpakasaya—hindi lamang puro pagtutuklas ng kung anong bago kundi kung ano ang importante.
Dahil hindi lang ito puro saya—may lungkot din: lungkot sa pagbawas ng kaibigan, lungkot sa kaisipang mapag-iwanan, at lungkot dahil sa pagduda sa sarili. Pagpasok sa kolehiyo, maraming bagong tao—pati ang personalidad mo ay unti-unting nagbabago upang humalo sa timpla at makasabay sa mga tao sa iyong paligid. Pero habang patagal nang patagal ay may malalagas—ang dating kasama mong tumawa habang kumakain ngayon ay isang estranghero na. Dahil minsan, nabibiktima ng maling akala: akalang magiging sandalan sa tuwing may problema, akalang makatutulong sa iyo upang lumago bilang isang tao, at akalang nandiyan sila hanggang magtagumpay sa buhay. Ngunit ganoon talaga sa kolehiyo, dapat maging masusi sa pagpili ng iyong makakasama.
Minsan naman ay sa sobrang bilis ng agos ng sandali, naiisip natin na napag-iiwan tayo, naiisip natin na nasa pinakadulo tayo. Pero maaaring huminto nang saglit at isipin ang mga pansariling layunin; isipin kung bakit nagsimula—kung para saan nagsimula. At hindi mawawala ang mga gabing sobrang tahimik at nakabibingi ang mga boses sa utak na nagpapaalala na pagdudahan ang sarili dahil sa pagbabagong dala ng kolehiyo na masyadong mabilis. Ang pagbabago ay hindi laging komportable, ngunit dito nagsisimula ang pamumulaklak ng pagsibol. Kaya sana ay hindi masyadong isipin dahil ang pagbabagong ito ay susi sa pagtuklas kung ano nga ba talagang para sa iyo.
Napakalaki ng unibersidad para manatili sa isang sulok, napakaraming maaaring magawa at salihan upang makita ang buong potensyal ng unibersidad at sarili. Marahil kahit hindi inaasahan, buong-pusong tinanggap ni Marianne ang pagiging presidente sa FEU SAGA dahil ayon sa kaniya, “I know it’s going to be a rollercoaster ride, with all the challenges, pressure, and unexpected moments that come with leadership. But I also believe it might be a good one – or perhaps an even better one. Sometimes, exploring your university’s full potential means saying yes to opportunities that scare you a little and trusting yourself enough to see where they take you.”
Ang buhay bilang isang kolehiyo ay hindi palaging komportable—ito ay minsan nakadududa, nakapanghihina ng loob, at may mga oras na sobrang gulo. Ngunit, dito nagsisimula ang pagkatuto at pagsibol. Hindi man komportable ang pagbabagong hatid nito, ito ay magdadala ng paglago bilang isang tao. Ang kolehiyo ay hindi lamang tungkol sa larangan ng akademiko, kundi ito ay tungkol sa mga oportunidad, aral, at mga taong makikilala sa paglalakbay.
#VoyagingTowardsVeracity
#IASParagon2627