Isinulat ni: Shurrika Angela Payabyab
Latag ni: Diana Pamplona
Setyembre 4, 2026
Medalya, tagumpay, at pagkilala. Noong hayskul, kung isa kang itinuturing na high-achiever ay siguradong sa tatlong bagay na ito iikot ang iyong mundo. Sinisiguro mong makakakuha ka ng magandang grado, sa bawat taon ay dapat pasok ka sa top, at kailangan mong maging matalino upang makapasok sa magandang kolehiyo. Ang mga sukatang ito ay higit na pamilyar lalo sa mga mag-aaral na nakitaan na ng talino sa murang edad pa lamang.
Para kay Marianne Faith Batalla, isang 3rd-year Medical Technology student at kasalukuyang Deputy Chief-of-Staff ng FEU Scholar's Society, hindi na bago ang mga salitang ito. Tumapak si Faith sa mga unang taon niya sa kolehiyo dala ang pag-iisip ng pagiging isang academic achiever. Simula bata pa lamang ay naging parte na ng pagkatao niya bilang estudyante ang titulong ito. “Simula bata pa lang ako, lagi na akong sanay na may achievement na inuuwi. Hindi lang para ma-proud yung family ko, kundi para rin sa sarili ko dahil naging parte na siya ng pagkatao ko bilang estudyante. Parang nasanay ako na i-measure yung sarili ko based sa grades, awards, at recognitions na nakukuha ko. Kaya pagpasok ko ng college, dala ko pa rin yung mindset na iyon,” ang mga eksaktong salitang nagmula sa kaniya.
Ngunit gaano man katindi ang determinasyon at pagsisikap na lulan niya mula umpisa, sa huli, napagtanto niya ang isang bagay— tunay nga na hahamakin ka ng kolehiyo.
Ayon nga sa kaniya, “College humbled me. Hindi naging consistent yung pagiging Dean’s Lister ko, at dumating yung point na hindi ko nakuha yung results na ine-expect ko sa sarili ko. Honestly, sobrang nasaktan ako dahil parang nawawala yung identity na nakasanayan ko. Naging challenge din iyon sa confidence ko at sa performance ko sa school.”
Gayunpaman, nahanap niya pa rin ang higit na pagtanggap sa mga organisasyon na nagbukas ng pinto para sa kaniya. Dito, tunay siyang nahubog sa iba pang kasanayang hindi niya lubos na matututuhan sa loob lamang ng silid-aralan. Sa mga organisasyong ito ay nabigyan siya ng pagkakataong makakilala ng mga taong may parehong layunin at pakikibaka. Higit sa lahat, dito ay napatunayan niya sa sarili niya na kaya niyang maging isang likas na lider.
Ayon nga kay Faith, “Through those experiences, natutunan ko na college is a very different environment. Hindi laging perfect grades o achievements ang sukatan ng growth. Until now, dala-dala ko pa rin yung lesson na iyon. As a scholar and student leader, I still strive for excellence, pero natutunan ko na rin na bigyan ng grace yung sarili ko. At the end of the day, important ang grades, pero hindi sila ang nagde-define ng worth ko as a person.”
Pumasok si Faith sa kolehiyo na bilang na ang mga tagumpay niyang nakamit. Ngunit napakalaki ng pagkakaiba ng buhay kolehiyo sa buhay hayskul. Dito, hindi lang grado ang magiging sukatan ng iyong galing. Hindi araw-araw ay may mga palad na papalakpak para ipagdiwang ka. Sa kolehiyo, ang likod ng iyong mga kamay ang siyang sasalo ng iyong mga pawis at luha. Ang kolehiyo ay hindi lang umiikot sa bilang ng checkmark, kapal ng pahina, o kulay ng highlighter. Ito ay isang silid-aralan na patuloy kang susukatin kahit walang nakatingin. Ngunit ang sukatan ay hindi nakabase sa mga binilugang numero, kundi sa iyong layunin.
Ika pa niya, “Not everything will go according to plan, and that's okay. Keep working hard, but don't let setbacks make you doubt your worth. Trust the process because every challenge will help you become stronger. Like, look at me now, who would have thought na yung freshie na kinakabahan at inaanxiety for her future as a ‘scholar’ and a ‘leader’ at nag-question ng ‘worth’ nya will still be here standing in FEU grounds with her white uniform and scrubs? Malayo pa, pero malayo na.”
Hiling niya para sa mga freshmen ay nawa makahanap sila ng komunidad na puno ng suporta at pagpapahalaga dito sa ginto at luntiang bulwagan ng Far Eastern University. Tunay na marami ang posibleng magbago sa pagtapak sa kolehiyo. Parehas na huhubugin at hahamakin ka nito. Ngunit saan ka man dalhin ng ihip ng hangin, lagi mong panghawakan ang iyong tanging tunguhin. Mata man ay nasa langit, manatili kang nakatapak sa lupa.
#VoyagingTowardsVeracity
#IASParagon2627