Isinulat ni: Patricia Reign Guave
Latag ni: Miguel Dision
Setyembre 1, 2026
Sa t’wing pag-uusapan ang larangan ng isports sa unibersidad, hindi maikakaila na Basketball at Volleyball ang unang papasok sa isipan ng mga mag-aaral. Hindi kataka-taka ang ganoong pagtanggap dahil palagi itong tampok sa mga pangunahin at karaniwang midya. May malalaking palaruan kung saan ito ginaganap at maaaring manood ang sumisigaw at sumusuportang mga tagahanga. Sa kabilang banda, mayroong isang bulwagang saglit na mananahimik ang buong kapaligiran at lahat ng mata ay nakatuon lamang sa atleta, naghihintay sa unang galaw at pag-angat nito ng mabigat na kasangkapan.
Madalas na inuugnay ang mga salitang ‘lakas,’ ‘tibay,’ at ‘kontrol’ ng katawan sa mga isports na ginagamitan ng mga mabibigat na barbel, isang mahabang bakal na may pabigat sa magkabilang dulo. Sa kabila ng matinding disiplina at lakas ng isip at katawan na kailangan, may dalawang atleta piniling pasukin ang larangan ng Powerlifting. Si Leonard Mervin D. Arguelles ay nasa ika-apat na taon na sa kolehiyo. Samantala, si Constantine Mari P. Sabangan ay nasa ikatlong taon naman. Kapwa BS Psychology ang kanilang programa at pareho rin na tatlong taon na sa isports na ito. Silang dalawa ay kabilang sa maliit na komunidad ng Powerlifting sa Far Eastern University.
Nadiskubre ni Sabangan ang isports na ito dahil sa kaniyang hilig sa pagtungo sa gym upang mag-ehersisyo. “When I was starting my fitness journey back in 2023, I was just trying to explore other fitness hobbies since I was doing Muay Thai and Track Games before. But then my friends introduced me to lifting, then I later became bored of the idea of just lifting and I wanted to become stronger since I see a lot of gym people hitting PRs. I thought to myself ‘What if I tried strength training?’ Then someone came to me and introduced me to powerlifting, he became my friend and fellow competitor,” aniya.
Para naman kay Arguelles, may humimok sa kaniyang kilalanin pa ang isports na ito dahil sa kaniyang napanood online, “I saw this one guy on Tiktok, wherein he deadlifts a lot of weight. Before powerlifting kasi, I've been going to the gym already and ive loved since then doing this exercise called “deadlifts”. I was aware of powerlifters by then pero hindi ko alam na may local community here sa PH. Nung dumaan si influencer sa tiktok ko, I’ve thought to myself “Oh I wish to be like that as well” and that “One day gusto ko rin mag compete” and the rest is history.”
Ayon sa kanilang dalawa, madalas na napagkakamalan na magkapareho lamang ang weightlifting at powerlifting. “We keep on telling them naman that it’s just similar. Weightlifting is also a strength sport naman, but it only requires 2 lifts, us requires 3,” pagbabahagi ni Sabangan. Hindi rin naman nila masisi kung bakit ganoon ang persepsyon ng nakararami dahil ang isports na powerlifting ay ‘niche’ o tila sumisibol pa lamang sa bansa. “We just have to educate them that the two are a separate sport like how pickleball is different from tennis,” ayon naman kay Arguelles.
Dalawang Gampanin: Atleta at Estudyante
Katulad ng ibang mga atleta, kahit pa indibidwal at may awtonomiya ang isports na ito, kinakailangan pa rin ang pagbabalanse ng pag-aaral at pag-eensayo.
Upang maipagsabay ang pag-aaral, pag-eensayo, at matinding kompetisyon, mayroon silang iba’t ibang gawi at pinanghahawakan sa kanilang mga isipan. “When you love what you are doing, hindi mo mararamdaman yung stress. Although nandiyan pa rin siya, I think it's more manageable since this gives me a chance to do what I love to do. And to be honest, I'm just glad that I have this opportunity to be stressed, to be tired, to have sleepless nights because I get to do what I love, and I get to put my effort into something that actually makes it happy,” pahayag ni Sabangan patungkol sa pagmamahal sa ginagawa upang mas magpatuloy sa gitna ng hamon. Para naman kay Arguelles, “Being disciplined enough and adjusting is [the] key for me. Sometimes, having a sport really requires you to be flexible in terms of schedules and emergency ganaps. For me, my technique is to adjust my life for my training. For example: I pick enlistment schedules that cater my needs as an athlete also. ”
Pareho rin nilang kinilala ang mahalagang papel ng mga taong nakapaligid sa kanila. Ipinahayag ni Sabangan na ang pangunahing naghihimok sa kaniya upang magpatuloy ay ang komunidad na kaniyang kinabibilangan. Para naman kay Arguelles, pinalilibutan niya ang sarili niya ng mga taong mahuhusay at mahihilig mag-aral upang mas ganahan at maging masigasig.
Araw ng Pagbubuhat at Kompetisyon
Sa isang isports na kinakailangan ng lakas ng pangangatawan, kailangan ng masinsinang pagsasanay at preparasyon. Mahabang panahon ang kanilang ginugol bago tumungtong sa plataporma ng patimpalak. Para kay Sabangan, naging mahaba ang preparasyon dahil kababalik niya lamang mula sa ilang buwang pagpapahinga mula Nobyembre hanggang Pebrero ngayong taon. Naging dahan-dahan ang kaniyang pagpapabalik upang makamit ang kaniyang inaasam na lakas. Isa sa kaniyang naging paghahanda ay ang pagbabawas ng limang kilo at pagkakaroon ng disiplinadong programa para sa kondisyong pisikal. Sa kabilang banda, si Arguelles naman ay nagkaroon ng walong buwan na “off-season” kung saan siya naghanda para sa darating na kumpetisyon. Sinabi rin niya na nagkaroon siya ng “peaking block” – isang partikular na panahon ng pagsasanay na nakatuon sa pagpapalakas ng katawan at pagpapahusay ng kaniyang pagbubuhat (Risley, 2026).
Pagdating ng araw ng 2026 National Equipped Powerlifting Competition ng Powerlifting Association of the Philippines (PAP), ipinamalas ng dalawa ang naging bunga ng kanilang paghahanda. “For this competition, I did 142.5 for Squats. I was able to do 150 kg at a relatively easier “feeling” but it didn’t count due to squat depth - a rule na dapat yung hips mo is lower than your knee cap when squatting, 112.5 kg on Bench Press, and 190 kg for deadlifts. A total of 445 kg,” pagdedetalye ni Arguelles sa kaniyang naging pagganap. Para naman kay Sabangan, “On competition day, I lifted 177.5kg as my opener in the squats event, followed by a 185 kg second attempt, and a 195 kg final attempt. All white lights, meaning standard lift. For the bench-press event, I lifted 107.5kg as my opener, followed by a 5kg jump to 112.5kg, then finally hitting my last attempt which is a 117.5kg bench-press, all white lights. Lastly for deadlifts, I lifted 197.5kg as my opener which was unfortunately overturned due to technical problems, skipping the commands of the refs, then I jumped to 200 kg which was a successful attempt. Then, [I] finally pulled for the Gold and National Qualifying Total, which I failed [because] it was too heavy for the day.” Para sa kaniya, sa t’wing makakaharap ang bubuhatin na sa tingin niya’y magiging mabigat, pinupuno na lamang niya ng mga positibong mga bagay at biswalisasyon ang kaniyang isipan. Salungat naman dito si Arguelles dahil pinipili niyang huwag mag-isip ng kahit ano dahil para sa kaniya, ang mga iniisip ay saka lamang bumabalik pagkatapos magbuhat ng mabigat na bagay na iyon.
Mga Panalo At Pagkabigo
Sa bawat paglapit sa mataas na plataporma kung saan tumutungtong ang mga atleta upang magbuhat, kasabay nito ang tapang nila na harapin ang posibilidad ng pagkapanalo at pagkatalo. Sa pag-angat ng kanilang mga barbel, naroon ang kanilang tahimik na pag-asam na makaya ang bigat nito upang manalo. Nang tanungin sila tungkol sa pinakamataas nilang nakamit, sinabi ni Sabangan na ang kakatapos lamang na patimpalak, “My biggest achievement in this sport so far is my recent podium finish. I initially did not plan to finish on the podium since in weight class there are a lot of stronger lifters than me who had higher forecasted totals on the nomination list. Thankfully, I snuck onto this podium and went home with a PR total.” Para naman kay Arguelles, “I have a lot and it varies, but they all hold the same place in my heart. Pero my top 3 is: third, I qualified for nationals 2025, even though I got disqualified because I competed na may sakit; second, I’m within the Philippine’s top bencher, my best bench recorded in meet is at 112.5KG, the current top 4 is 110KG; first, I placed gold at a local meet last year at Philippine Classic, both for my Team and for representing FEU.”
Sa kabilang banda, pareho ang kanilang sinabi patungkol sa pagkabigo: ang pagkatalo ay parte ng proseso bilang atleta ng Powerlifting. Sa tagal ng kanilang karanasan sa isports na ito, napagtanto nila na ang bawat bigong pagsubok ay isa lamang daan para sa susunod na matagumpay na pag-angat. “We’ll get it next time,” iyan ang laging paalala ni Arguelles sa kaniyang sarili dahil sa larangan ng pagbuhat ay wala dapat pagmamadali. Lagi namang nasa isip ni Sabangan na “As long as I am healthy and I can lift, then I can just do it another time.” Pinapatunayan ng pareho nilang pananaw na ang bawat hindi naabot na pagpapanalo ay hindi nangangahulugang katapusan, kundi isang paalala na kailangan pa nilang magpatuloy, mag-ensayo, at maghintay hanggang sa dumating ang tamang pagkakataon.
Komunidad ng Powerlifters sa FEU
Sa dami ng iba’t ibang sikat na mga patimpalak na isports sa unibersidad, nariyan din ang Powerlifting. Hindi ito masyadong kilala, ngunit hindi maikakaila na bahagi rin ito ng kompetibong palakasan. Sina Sabangan at Arguelles ay parehong halos isang taon nang lumalaban sa mga kumpetisyon sa ilalim ng pangalan ng Far Eastern University. Kahit na hindi pa kinikilala bilang pormal na organisasyon, nagkaroon sila ng ideya na bumuo ng samahang may kaparehong isports sa unibersidad. Dagdag pa rito, humimok din sila ng iba pang lifters sa iba pang sangay ng FEU sa Cavite, Makati, at Tech. Anila, kakaunti man ang komunidad na kanilang kinabibilangan, masaya sila rito at nagnanais sila na lumago pa ang mga miyembro at mas magkaroon pa sila ng pagkakakilanlan.
Sa kabilang banda, pareho ang kanilang saloobing patungkol sa suportang nakukuha mula sa administrasyon ng unibersidad. Sa katunayan, ayon kay Sabangan “The main challenge for us is the recognition because until now hindi pa rin kami part ng official organizations sa FEU. Maliit lang na sport ang powerlifting, some people don’t even know what that means, so I guess we just struggle sa pagkakaroon ng proper recognition as student-athletes because we are student-athletes too, just not you know ‘sponsored’ by the school.” Katulad nito, nagpahayag din si Arguelles na “The main challenge is that we are not recognized by the FEU. When it comes to representing the university or we carry the name of FEU whenever we compete, the money that registered our university came from our pockets. Moreover, since we are not recognized by FEU, when we have powerlifting meets that coincides with the dates na may pasok kami, we are not exempted from that class.” Pareho ang kanilang panawagan: pagkilala sa kanilang presensya at pagbibigay-suporta sa kanila bilang mga atletang kumakatawan sa paaralan.
Sa Hinaharap
Datapwat hinaharap nila ang reyalidad na hindi pa sila masyadong nakikilala ng unibersidad, hindi nito mabubuwag ang pangarap nila. Hindi nito mapapabagsak ang kagustuhan nilang umangat. Para kay Sabangan, “I see myself as an international level athlete competing alongside national team lifters. That is the ultimate goal and these next few years will be the testament to that.” Maging si Arguelles ay pareho ng inaasam, “Hopefully, in Asians and then in worlds where I can proudly carry the name of the Philippines within the worldstage. That's the biggest but not an end goal for me yet.” Maliwanag pa sa sikat ng araw na sila ay mga dakilang inspirasyon sa kabila ng mga hamon na kanilang hinaharap bilang maliit at tagong komunidad sa FEU. Dahil sa pagitan ng panalo at talo, kawalan ng sapat na suporta at pagkilala, sila ay matitikas at malalakas na Powerlifters na may kakayahang bumangon, matuto, at muling humarap sa mabigat na kasangkapang kailangan nilang buhatin.
#VoyagingTowardsVeracity
#IASParagon2627