Isinulat ni: Chelsea Jasmine King
Latag ni: Miguel Dision
Agosto 28, 2026
Kapag humupa ang baha, tila kasabay nitong nawawala sa usapan ang problema. Sa bawat pagbuhos ng malakas na ulan, bumabalik din ang parehong tanong: Saan napupunta ang proyektong pinondohan ng bayan para sa ganitong sakuna?
Muling naranasan ng maraming Pilipino ang matinding pagbaha nitong buwan matapos palakasin ng Bagyong Dolphin ang Southwest Monsoon o Habagat na nagdulot ng matindi at tuloy-tuloy na pag-ulan sa ilang bahagi ng bansa. Sa Metro Manila at iba pang lugar, umabot sa mapanganib na antas ang baha, dahilan upang maapektuhan ang mga tahanan, kabuhayan, transportasyon, at pang araw-araw na buhay ng mga mamamayan.
Sa loob ng mga nakaraang taon, bilyon-bilyong piso ang inilaan para sa mga flood control projects. Ang mga proyektong ito ay dapat nagsisilbing proteksyon laban sa pinsalang dulot ng matinding pag-ulan, ngunit kasabay ng malawakang pagbaha ay ang malalim na imbestigasyon sa mga proyektong pinondohan ng publiko.
Noong Enero, kinumpirma ng Department of Justice (DOJ) na 14 na flood control projects ang natukoy nitong “ghost” o hundi umiiral. Ayon sa DOJ, ang ilan sa mga kaso ay naisampa na sa Sandiganbayan habang ang iba ay nananatili pa rin sa preliminary investigation (Bacelonia, 2026).
Ang mas nakababahala, may mga proyektong naiulat na “100% completed” sa dokumento ngunit kalaunan ay natuklasang lubhang kulang o tuluyang hindi naitayo. Kabilang dito ang mga proyektong iniimbestigahan sa Bulacan, kung saan tinitignan ng mga awtoridad ang mga alegasyon ng direct bribery, corruption of public officials, at paglabag sa mga batas sa procurement at anti-graft (Pulta, 2026).
Noong Hulyo naman, sinabi ng DOJ na mahigit 841 milyong piso na ang nabawi mula sa mga indibidwal na iniuugnay sa anomalous flood control projects. Kabilang dito ang 500 milyong piso na ibinalik ni dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Undersecretary Roberto Bernardo; 181.4 milyong piso mula sa dating DPWH Bulacan 1st District Engineer Henry Alcantara; 140 milyong piso mula sa suspendidong National Capital Region District Engineer Gerard Opulencia; at 20 milyong piso mula kay Sally Santos, ang may-ari ng SYMS Construction Trading (Pulta, 2026).
Kung may daan-daang milyong pisong kailangang bawiin dahil sa mga proyektong pinagdududahan, hindi ba makatuwirang itanong kung ilang komunidad sana ang mas naprotektahan kung nagamit nang tama ang bawat sentimo? 𝙄𝙩𝙤 𝙖𝙣𝙜 𝙥𝙪𝙣𝙩𝙤𝙣𝙜 𝙝𝙞𝙣𝙙𝙞 𝙙𝙖𝙥𝙖𝙩 𝙝𝙪𝙢𝙪𝙥𝙖 𝙠𝙖𝙨𝙖𝙢𝙖 𝙣𝙜 𝙗𝙖𝙝𝙖.
Hindi natin sinasabing ang bawat pagbaha ay resulta ng korapsyon. Ngunit ang gobyerno ay may pananagutan na tiyaking ang mga pondong inilaan para sa kaligtasan ng publiko ay talagang napupunta roon. Kapag may proyektong hindi naman umiiral, hindi lamang pera ang nawawala – nawawala rin ang proteksyon na dapat ay naroon. At kapag dumating ang malakas na ulan, ang kawalan ng proteksiyong ito ay maaaring maramdaman sa anyo ng lumubog na mga tahanan, saradong kalsada, pagkaantala sa trabaho at klase, pagkasira ng kabuhayan, at mga pamilyang napipilitang lumikas.
Hindi sapat ang pag-anunsyo ng bagong proyekto tuwing may sakuna. Ang kailangan ng publiko ay kalinawan, maayos na pagpaplano, kalidad na konstruksyon, at pananagutan. Dapat malinaw rin sa taumbayan kung saan napupunta ang pondo para sa mga flood control projects, sino ang gumagawa ng mga proyekto, magkano ang halaga ng mga ito, saan itatayo, at higit sa lahat – gumagana ba ang mga ito?
Kung ang isang proyekto ay binayaran ngunit hindi naman itinayo, o kung itinayo man ngunit hindi maayos ang kalidad, sino ang mananagot? At kung paulit-ulit na binabaha ang isang komunidad sa kabila ng napakalaking pondong inilaan para sa mga sakuna, sino ang dapat magpaliwanag?
Ang mga tanong na ito ay hindi pag-atake sa gobyerno. Ito ay karapatang malaman ng publiko. Pera ng mga pilipino ang ginagamit para sa mga proyektong ito, kaya dapat ay mga pilipino rin ang may karapatan sa malinaw na sagot. Kung tutuusin, hindi na dapat pang magtanong ang taumbayan. Kung maayos lamang ang pamamahala sa pondo ng mga mamamayan, wala nang manghihingi pa ng mga sagot sa mga katanungan.
Hindi rin dapat natatapos sa imbestigasyon ang usapin. Kailangan nating makita ang pananagutan.
Hindi sapat na mabawi ang pera kung hindi mapananagot ang mga taong napatunayang lumabag sa batas. At lalong hindi sapat na magkaroon ng flood control project kung ang pondong para sana sa proteksyon ng mga mamamayan ay nalilihis sa pansariling interes.
Ang baha ay maaaring dulot ng ulan, ngunit ang kapabayaan at katiwalian ay hindi kalamidad na hindi kayang kontrolin, at ang pagkawala ng pondong para sa ikabubuti ng bansa ay hindi dapat ituring na normal na bahagi ng bawat sakuna. Kaya habang humuhupa ang baha, hindi rin dapat humupa ang panawagan para sa pananagutan.
#VoyagingTowardsVeracity
#IASParagon2627
Mga Sanggunian:
Bacelonia, W. (2026, Enero 19) DOJ confirms 14 flood control ‘ghost’ projects. https://www.pna.gov.ph/articles/1267277
Pulta, B. (2026, Enero 5) DOJ resumes hearings into Bulacan ghost flood control projects. https://www.pna.gov.ph/articles/1266208
Pulta, B. (2026, Hulyo 29) DOJ: Recovered money from ghost flood control projects hits P841-M. https://www.pna.gov.ph/articles/1280638