Rodolfo y Rosamunda
Rodolfo y Rosamunda
Ano ang Pag-aasawa?
Itong iyong papasukan
lubhang matinik na daan,
ang yapak mo’y pagkasinsay
sapilitang masusubyang.
Magdaramdam ka ng sakit
na di halos matitiis,
at sa malalim na tinik
luha’y siyang isusungkit.
Doon mo magugunita
ama’t inang nag-andukha,
at sampu ng nag-alaga’y
patutungkulan ng luha.
Wala na dito sa mundong
mabigat dalhin ang tao
na para ng matrimonio,
may dala’y kundi matuto.
Nguni’t kapag-nagkatuwang
ang dalawang nagpapasan,
wala namang kasinggaan,
bukal ng kaligayahan.
Kaya bago mo iangat
itong pasan sa balikat,
masdan munang magbanayad
katutuwangin kung dapat.
Mga Tala
Ayon sa paglalarawan ni H. Cruz, itong pilas ng komedyang Rodolfo y Rosamunda ay isinalaysay ng isa sa mga anak ni Balagtas. Kapilas din itong tula ng mas mahabang tulang pinamagatang Pangaral sa isang binibining ikakasal. Walang binigay na petsa o ibang impormasyon tungkol sa komedyang pinanggalingan nitong tula.