Pangaral sa isang Binibining Ikakasal
Pangaral sa isang Binibining Ikakasal
Pangaral sa isang binibining ikakasal
Pinakamumutyang higit sa kapatid
na di ka makatkat sa puso ko’t dibdib,
sa santa amistad ay ako’y inakit
na sulatang kita nang mula sa dibdib.
Nasa kong tingalain kita sa luklukan
nang boong payapa’t ganap na katwaan,
kung nakakandong ka nang kaligayahan,
mapalad na ako kung nasa dusa man.
At kung ang puso mo ay laging payapa
na matalastas ko kahit sa balita,
kapalaran ko may mamahay sa luha
para ring naluklok sa trono nang twa.
Bago kang papasok sa daang matinik,
pasan sa balikat ay matinding sakit,
na pagkakamali nang yapak mo’y pilit
na subyang ka’t luha’y siyang isusungkit.
Sa mundo’y wala nanag mabigat na pasan
na sa matrimonio, ang makatitimbang,
at wala na namang dadalhing magaan
kung ang magdadala ay magkakatuwang.
Ngunit at ilan na sa lalaki ngayon
sa matinding dusa ang makatutulong,
nabubusog ka nga sa kani’t pag-inom
ang puso mo naman sa payapa’y gutom.
Kung magka-anak ka’y narito ang hirap
bukod sa babathing kapagura’t puyat,
mura nang asawa’t sa batang pag-iyak
sabay titiisin ang nasawing palad.
At dito mo na nga mapag-gugunita
ang ama’t ina mong nag-aru-aruga,
dadawitdawiting wala na sa lupa
tatawag-tawagin nasa langit nawa.
Dito na ang iyak, pag-tangis at lumbay,
luhang di maampat nang panyo sa kamay,
aapuhapin mo ang kaginhawahan
iniwang ligaya sa kadalagahan.
Pakatandaan mo oh sintang kapatid!
Iyong palinawin ang bait mo’t isip,
sa dagat nang dusa bago ka tumawid,
kakasamahin mo’y bithain sa isip.
Gunigunihin mong di maghapon lamang
na kakasamahin, kung di hanggang buhay,
kaya, kapatid ko, ang bahala’y ikaw
mag-isip nang lalong kagaling-galingan.
………………………………………………
………………………………………………
………………………………………………
………………………………………………
Lakad kapatid ko’t huwag na humantong,
hayo na’t makya’t sa bundok nang Sion,
tanggapin sa templo nang haring Salomon,
ang handog nang sintang bendecidong liston.
Mga Tala
Ayon sa paglalarawan ni H. Cruz, isinulat ni Balagtas itong tula para sa kanyang hipag na anang mga nakakilala ang pamilya ng asawa niyang si Juana Tiambeng, ay ang ipinagtula niyang kapatid na babae ay pangulo raw ng kagandahan sa kanilang bayan. Sa kabila ng mariin na pangangaral ni Balagtas ay tuluyang nagpakasal ang kanyang hipag, ngunit nauwi ito sa kasawian. Ani H. Cruz: "Anang mga anak ni Baltazar, ay lubhang kalagimlagim ang kinaratnan ng buhay nito, sapagka’t sa ikalawang paguusbong ng binhi ng kaniyang pag-ibig ay nag-lagalag ang walang pusong asawa at sya’y nanganak sa piling ng mga binayaw, at nanatili sa ganitong kahabag-habag na kalagayan hanggang sa mamatay. Oh, sapantaha ng mga manunulang nagiging mapait na katotohanan!"