Pinagdaanang Buhay ni Florante at ni Laura sa Kahariang Albania
Pinagdaanang Buhay ni Florante at ni Laura sa Kahariang Albania
Maaaring Basahin ang Kompletong Akda ng Florante at Laura dito:
Kapit Bisig: Philippine Information Hub, sa modernong palabaybayan
Project Gutenberg, sa lumang palabaybayan, may komentaryo ni Carlos Ronquillo
Ilang mga Pagsasaling-wika ng Florante:
Ingles, ni Tarrosa Subido (1964)
Espanyol, ni Epifano delos Santos
Tungkol sa Akdang Ito
Ang Florante at Laura ang siyang magnum opus o pinakadakilang akda ni Francisco Balagtas. Isinulat habang siya ay nakabilanggo sa Maynila mula 1835 hanggang 1838, at inilimbag pagkalaya niya noong 1838. Isa itong Awit kung saan bawat saknong ay may apat na taludtod na lalabingdalawahin ang pantig. Mayroong 399 na saknong ang kabuuang awit. Kinikilala ang Florante bilang isa sa pinakadakilang akdang pampanitikan sa wikang Tagalog, at mula sa unang pagkalimbag nito noong 1838 ay patuloy na may lumalabas na bagong edisyon. Isinalin ang akda sa wikang Espanyol ni Epifano de los Santos kalakip ng kanyang pagsusuring pinamagatang "Balagtas y su Florante" noong 1916, at sa wikang Ingles ni Tarrosa Subido noong 1964.
Kuwento ng pag-ibig higit sa lahat ang Florante, ngunit nilalaman din nito ang ilang mga tema ng pakikipaglaban sa kasamaan at katiwalian, at angpagtagumpay ng kabutihan sa kabila ng matindi at mahabang tunggalian. Isinapook ni Balagtas ang kanyang kuwento sa malayong kaharian ng Albanya sa isang matagal nang nagdaang panahon, at inilahad niya ito bilang isang kuwentong halaw sa mga cuadro historico o mga larawan ng kasaysayan ng Albanya at Grecia. Bagaman malayo sa Pilipinas ang ginanapang pook ng Florante, sinasabing naglalaman ito ng mga subersibong hinaing laban sa pamamahala ng mga Espanyol sa Pilipinas. Ayon nga kay Lope K. Santos, apat ang paghihimagsik ang tampok sa Florante: una ang laban sa pamahalaan na ipinakita sa pamamagitan ng pag-aaklas ng taumbayan sa kahariang sa pananaw nila ay tiwali at hindi namamahala nang maayos; ikalawa ang laban sa hidwaang pananampalataya na ipinakita sa pagkakaibigan ni Florante, isang kristiyano, at ni Aladin, isang moro o muslim; ikatlo ang laban sa masamang kaugalian na kinalaban ni Balagtas sa ilang mga pangaral na nakasaad sa Awit tungkol sa pagpapalaki ng bata, sa pagtiwala sa kapwa, at sa pagmamahal sa bayan; at ikaapat ang laban sa mababang uri ng panitikan na kanyang itinakwil sa pagsulat at pagpalimbag ng Florante mismo: isang kuwento ng pag-ibig na nagpapahiwatig ng lalong malalim na tema ng pagsisikap ng kalayaan.
Buod ng Kuwento
Nagsisimula ang kuwento in medias res o sa gitna ng mga pangyayari, kung saan nakatali si Florante sa isang puno ng higera sa gitna ng masukal na gubat, Doon ipinaghihinagpis niya ang kalagayan ng kanyang bayang Albanya at ang minamahal niyang si Prinsesa Laura, na parehong inangkin ni Conde Adolfo gawa ng labis na paninibugho nito kay Florante. Sa kabilang dako ng gubat, isang mandirigmang moro ay naghihinagpis din dahil sa sinapit niyang pagpapatapon mula sa bayan niyang Persia na utos ng sarili niyang amang si Sultan Ali Adab. Dahilan ito sa nakursunadahan ng Sultan ang kasintahan ni Aladiin na si Flerida, at upang hindi maging kaagaw kay Flerida ay ipinatapon niya sa malayong lupain ang sarili niyang anak.
Dinatnan ni Aladin si Florante na nananaghoy at inaaligiran ng dalawang leon na handa nang lapain siya at iniligtas niya si Florante. Isinalaysay ni Florante ang malungkot niyang kuwento: anak siya ng Duke Briseo, isang konsehal sa korte ni Haring Linceo ng Albanya, at ni Prinsesa Floresca ng Crotona. Noong siya ay 11 taong gulang ay ipinadala siya sa Atenas upang nakapag-aral sa ilalim ng pantas na gurong si Antenor. Doon sa Atenas nakilala siya bilang pinakamagaling na mag-aaral, dinaig pa niya ang kapya niyang taga-Albanya na si Adolfo na siya namang labis na nainggit sa kay Florante. Minsan sa isang dulang kanilang itinanghal sa paaralan ay tinangkang patayin ni Adolfo si Florante sa eksena ng pakikihamok, ngunit nailigtas si Florante ni Menandro, ang matalik niyang kaibigan. Pinaalis si Adolfo sa paaralan samantalang patuloy na nag-aral si Florante hanggang sa makatanggap siya ng liham mula sa kanyang ama na nagsasabing namatay ang kanyang mahal na ina, kung kaya umuwi si Florante kasama si Menandro sa Albanya.
Matapos ang pagdating nila sa Albanya ay nakatanggap ng kahilingan mula sa hari ng Crotona na humihingi ng tulong sa pagtatanggol sa Crotona laban sa Persyanong heneral na si Osmalik, na pangalawa sa bangis ng mandirigmang si Prinsipe Aladin. Agad naman inatasan ni haring Linceo si Florante na magmando sa hukbong ipadadala sa Crotona. Habang kapulong ang haring Linceo, nasilayan ni Florante ang kanyang anak na si prinsesa Laura at agad nahulog ang kanyang puso sa kanya. Tatlong araw silang nagsuyuan bago niya iwan ang prinsesang luhaan upang humarap sa lalong matinding sagupaan laban sa mga Persyano.
Nagtagumpay ang pwersa ni Florante laban sa mga mananalakay na Persyano, at si Florante mismo ang nakapatay kay heneral Osmalik. Lubos ang kaligayahan ng buong bayan ng Crotona dulot nitong malaking tagumpay. Makalipas ang limang buwan ng pananabik na muling makita si Laura, umuwi na si Florante sa Albanya ngunit dinatnan niya ang pwersa ni Aladin na lumusob sa kaharian at muntik na nilang bitayin ang isang nabihag nilang dalaga bago sila sugurin ni Floranteng suklam na suklam sa mga Persyanong mananalakay. Ang dalagang nailigtas niya ay si Laura pala na siay namang nagtapat ng pag-ibig nang mailigtas siya sa bingit ng kamatayan. Ipinasok ni Florante ang siyudad, pinalayas ang mga natitirang pwersang Persyano, at iniligtas naman sa pagkakulong sina haring Linceo, at duke Briseo. Itinuring siyang bayani ng buong Albanya, maliban kay Conde Adolfo na nagnanais na angkinin ang trono at si Laura para sa kanyang sarili.
Matapos maipagtanggol muli ni Florante ang Albanya laban sa mga infieles ay siya naman ang nakipagdigmaan sa iba-ibang kahariang infiel. Habang nasa Etolia siya ay nakatanggap siya ng utos na umuwi kapagdaka. Ibinilin niya kay Menandro ang hukbo at agad naman siyang umuwi sa Albanya kung saan pinahuli siya ni Conde Adolfo. Habang wala siya ay inangkin ni Conde Adolfo ang trono ng Albanya sa pamamagitan ng pagpapakalat ng maling balita na nag-iimbak ng trigo ang haring Linceo kahit na may taggutom sa kaharian. Umaklas ang mga taumbayan sa labis na galit at hinuli at pinapatay ng Conde ang haring Linceo at pati ang Duke Briseo. Si Laura naman diumano ay tumanggap sa kamay ni Conde Adolfo sa kasal, samantalang si Florante ay ipinatapon sa kagubatan at iniwan doon upang mamatay.
Si Aladin naman ang nagsalaysay ng kanyang buhay bilang kilalang anak ni SUltan Ali Adab ng Persia, bagkus dahilan sa bugso ng pighati ay hindi niya kayang magpatuloy. Matapos ang limang buwan ng paninirahan sa gubat ay nakapagkuwento na si Aladin: napaibig ang Sultan niyang ama sa kasintahan niyang si Flerida, at ipinakulong niya si Aladin at hinatulan ng pagpugot ng ulo dahilan umano sa pagkabigo niya sa paglusob sa Albanya. Ngunit sa gabi bago siya'y dapat pupugutan ay binigyan siya ng indulto kapalit ng pagpapatapon niya sa malayong lugar. Anim na taon siyang naglagalag hanggang sa madatnan niya si Florante sa gubat.
Bago makatapos si Aladin sa kanyang pagsalaysay ay nakarinig sila ng mga boses na tila kilala nila. Narinig nila ang pagsalaysay ni Flerida kay Laura sa kung paano siya nagsumamo sa Sultan na patawarin si Aladin kapalit ang pagpapakasal sa Sultan. Noong ipinatapon si Aladin, ay tumakas din si Flerida mula sa palasyo nang nakadamit mandirigma. Ilang taon siyang naglakbay sa mga kabundukan at kagubatan upang hanapin si Aladin. Nagpakita sina Florante at Aladin sa kina Laura at Flerida at maligaya silang nagsama-sama. Saysay ni Laura ang nangyaring pagdala sa kanya ni Conde Adolfo sa gubat nang siya'y patalsikin sa trono ni Menandro. Tangkang gahasain ni Adolfo si Laura ngunit nailigtas siya ni Flerida na pumana kay Adolfo na tinamaan sa puso at agad namatay. Matapos ang ilang sandali ay dumating na rin si Menandro at idineklara niyang hari ng Albanya si Florante. Sila ay bumalik sa kaharian, nagpabinyag sina Aladin at Flerida bilang kristiyano at bumalik sa kaharian ng Persia nang mamatay ang Sultan Ali Adab upang mamuno doon. Namuno sina Florante at Laura sa kaharian ng Albania nang mapayapa sa matagal na panahon.