Clara Belmori
o
El Sitio de la Rochela
Clara Belmori
o
El Sitio de la Rochela
Tungkol sa Nawawalang Akda
Isang komedya sa tatlong acto o yugto. Ayon kay H. Cruz, ang huling nakahawak ng libretto nitong nawawalang akda ang isang Gng. Maria Evangelista, biyuda ni G. Domingo Celis, empresario ng Teatro de Tondo na nakatanggap sa manuskrito noong 1870. Bawat acto ng komedya ay nakasulat sa isang aklat na gawa sa papel de Catalan na itinupi nang ang bawat pahina ay 1/4 ng isang buong pirasong papel de Catalan. Magkabilang mukha ng bawat dahon ay may nakasulat na teksto ng komedya. Ayon sa tala ni H. Cruz, ang Acto 1 ay mayroong 28 dahon, ang Acto 2 may 25 dahon, at ang Acto 3 may 35 dahon. Ang huling pahina ng libretto ay mayroong nakasulat na teksto sa wikang Espanyol na nagsasaad na ang akda ay itinuturing na angkop at maaaring itanghal sa publiko ng junta de censura.
Batay sa pamagat ng komedya, maaaring umiikot ang kuwento nito sa madugong pagkubkob sa La Rochelle, isang bayan sa Pranses na pinagkutaan ng mga Portestanteng rebelde na nilusob ng mga Katolikong sundalo noong 1572 at muli noong 1628.