Bayaceto y Dorlisca
Bayaceto y Dorlisca
………………………………………………
………………………………………………
………………………………………………
………………………………………………
CELIM
Bakit kayo ngayo’y nagbunot ng tabak?
anong kahulugan ng ganitong gayak?
kapatid kong Acmet, sabihin ang hangad,
asal ninyong ito’y tila di paglingap.
Nasa carcel ako’t kusang naghihintay
ganapin ang hatol ng ama kong Sultan,
kinuha ng lihim at ang inyong saysay
ililigtas ako sa kapanganiban.
At pagdating dito sa tahanang lihim
nangagbunut kayo ng tangang patalim;
kapatid kong Acmet , mangyaring sabihin
ano man ang nasa masama’t magaling!
ACMET
Iyong dinggin, Celim, at ipahahayag
ang lahat ng nasa, buko’t hinahangad:
iisa ang nang sa ata’y nanganak,
Nguni’t ang dibdib ta’y hindi magkalapat.
Magkaagaw kita sa maraming bagay:
una’y sa koronang nasa’y maging Sultan,
saka sa pag-ibig ay gayon din naman
ang ginigiliw mo’y sinta ko ring tunay.
Sa bagay na ito’y patid na sa atin
ang taling mahigpit na sa dugo’y galing
kapatid nga kitang tunay kung sa turing,
ang tawag na kaka’y kaaway na lihim.
OSMAN
Dakilang prinsipe, mabayaning Acmet,
utos mo’y hintay ko.
ACMET
Sundin ang matuwid
na hatol ng Sultan.
ACOMAT
Kayo’y tumahimik,
sa sasabihing ko’y sandaling makinig.
ACMET
Ano ang nasa mo? Ibig mong humadlang
sa utos ng ating mabunying gran Sultan?
ACOMAT
Ang prinsipe Celim ay dapat pugutan
Sa gitna ng plasa’t hindi sa lihiman.
ACMET
Osma’y patayin mo ang prinsipe Celim,
OSMAM
Mamatay ka taksil!....
ACOMAT
Kamay mo’y pigiling
abot yaring tabak……..
CELIM
Itong pagtataksil!
ACMET
Di ka rin liligtas sa tangang patalim!
CELIM
Acmet na sukaban, masamang kapatid,
laking kaliluhan ang iyong inisip,
sa sandaling oras ay iyong ginamit
ang daya’t kasama’y pinag-sanib-sanib!
ACMET
Aking nang sinabing dapat na mamatay
ang isa sa atin at wala ng daan
kundi ang kitlin ko ang tangan mong buhay,
ngayon din, ngayon din, hihilig kang bangkay!
ACOMAT
Osmang kulang palad, na sukabang loob,
panahon na itong damtang ka ng saput,
ang dustang bangkay mo ngayo’y ihuhulog
sa aping libingan.
………………………………………………
………………………………………………
………………………………………………
………………………………………………
………………………………………………
ACMET
Dagandaga’t di na mabilang ang bangkay
ang nangakahilig sa kampong patayan,
dugong umaagos ang niyayapakan
sa lansanga’t moog hanggang sa tahanan.
Tanang genesaros na kabig ni Celim
at mga soldados na kampi sa akin
sa pagpapataya’y di mapigil-pigil,
hindi pa masabi ang makasusupil.
Iniwang kay Osman ang pamamahala
sa tanang kabig kong makikipagdigma,
Dito sa serallo’y nanhik akong kusa
Sinta ko’y upang ding mabihis ng twa.
Ito’y siyang hirang na tahanang silid
ni Dorliscang sintang kapilas ng langit,
laking kapalaran! Ayo’t nakahilig
sa sillang lukluka’y tila naiidlip!
(Titingin sa dakong kinahihiligan ng Princesa Dorlisca.)
Dikit aya baga ng anyo at kiyas
Mukha’y parang araw na masayang sinag!
Sinong di susuyo, sinong di liliyag
sa ganitong tipon ng karikta’t dilag!
Aling karamdaman ang di sasamsamin
at alin ang bait na di lalanguhin
sa dakilang dilag nitong piling ningning
na pinagtipunan ng payapa’t aliw!
Ito di sasala ang pangakong Houris
ng Profetang sakdal ng dunong at bait,
darakilang ganti’t palang makakamit
ng turkong sumunod sa kaniyang leyes.
Kay kaibig-ibig, kay kagalang-galang,
Kiyas niya’t animo’y taga kalangitan!
Oh, higit ng galing sa lahat ng lalang
Tanggap ang pagsuyo’t handog ang pitagan!
Dikit ayang kamay na parang nilalik
ang mga daliri’y mistulang korales!
DORLISCA
(Nangangarap.)
Celim, ikaw lamang ang twa ng dibdib!
ACMET
Si Celim? Aba ko’t siyang iniibig!
Si Acmet, poon, ang siyang ibigin!
DORLISCA
Sa abang aba ko, lumigtas ka, Celim,
sa tabak ni Acmet……!
ACMET
Si Celim ngayon din
aking ihuhulog sa hangganang libing!
Ginigiliw siya ni Dorliscang irog,
Hindi mangyayari, hindi masusunod!
Ang sangkalangita’y magkasabugsabug,
akin di’t akin din ang piing alindog.
DORLISCA
(Nagising.)
Samang bungang tulog ang napanaginip
pinakabakaba’t binakla ang dibdib!
Nguni, at narito ang prinsipe Acmet!
Puso ko’y lalo nang dinayo ng sakit!
ACMET
Patawad, poong ko, ang ako ma’y nasok
na di nagpasabi’t humingi ng tulot,
di ko natatatap na nakakatulog
ang dikit mong bukal ng ligaya’t lugod!
DORLISCA
Sa katuwiran ma’y tunay kang lumisiya
ng pagpasok ditong hindi nagpabala,
sa iyong sinabing pagpapakumbaba
kamtan ng dangal mo ang tawag na nasa.
Ngayo’y ipagsabi kung ano ang nais
ng pagpasok dito sa bawal na silid.
ACMET
Walang ibang nasa kundi ang ihibik
ang dalita’t dusang mula sa pag-ibig!
Malaon ng lubhang hinanap ng palad
na kahit sandaling kita’y magkausap
at ng maihandog sa mahal mong yapak
ang nasa puso kong dakilang pag-liyag.
Hindi nga mangyari’t masikip ang daan
saka susunsusun ang nakahahadlang,
aking binibili ng ingat na buhay
ang sandaling oras na kita’y titigan.
Sa kataimtiman ng aking pag-ibig
nagdala ng habag ang maawang langit
itinulot ngayong kusang maihibik
ang sinta’y ng iyong papagkamting bihis.
DORLISCA
Ang iyong pagsinta, prinsipeng dakila,
kung may daa’y sukat kapitan ng pala,
at ang tiniis mong pighati’t dalita
karampatan namang mabilis ng twa.
Sa bininilogbilog nitong maliwanag
mulang makaraa’t ngayong hinaharap,
may pag-asa’t wala ang sauyo’t pag-liyag
Totoong bihira ang hindi kumupas.
At saka may bagay, sa mundo’y marami
papangyarihin ma’y hindi mangyayari,
lalo na’t ang tukoy sa suyo’t pag-kasi,
malaki ma’y parang munti, kung mahuli.
ACMET
At sino ang una sa aking pag-ibig?
Sa banta ko’y wala himala ng dikit!
At ako’y nilikha ng maawaing langit
nang sintahing kita’t suyuin ng dibdib.
DORLISCA
Mangyayari yao’t di ko sasalahin
sa buhay mo’y una ang sinta sa akin;
nguni’t ngayong lamang iyong idinaing,
hindi na panahon mabihis ng aliw.
ACMET
Sa abang aba ko! Bakit poong irog?
DORLISCA
Puso’y di na akin at may nagkukupkup.
ACMET
Yao’y hindi hadlang kung ang sintang handog
ay nanasain mong papagkamtin lugod.
DORLISCA
Hindi mangyayari sa punong sisidlan,
matatapong pilit ang balang ilulan,
busug na ng sinta ang puso ko’t buhay
sinta mo’y saan pa ngayon ilalagay?
ACMET
Ang puso mo’y iyo’t walang pumipigil,
masisislid mo ang balang ibigin,
nalululang sinta’y itapo’t alisin,
at siyang ilulan ang aking pag-giliw.
DORLISCA
(Sa sarili)
Masariling lubha itong umiibig,
walang tungo kundi masunod ang nais,
huwag lamang na di magkamit ng bihis
kahima’t masadlak ang lahat sa sakit.
(Sa kausap)
Prinsipeng dakila, kung kita’y ibigin
sa sinisinta ko ako’y magtataksil,
Di kung magkagayo’y ang boong hilahil,
kahihiya’t pula’y lalagpak sa akin?
ACMET
Yamang sinabi mong mayroon kang irog
kaya ang sinta ko ako’y hindi mo makupkop,
kahit sino yao’y pilit masusunog
sa panibugho kong bulkan ang kaayos.
Natatalastas ko’t ang prinsipe Celim
siyang nasaiyong puso’t ginigiliw.
DORLISCA
Ang gayo’y hindi ko ipinagtuturing
ano at siya mong sasapantahain?
ACMET
Tunay kong narinig na iyong pahayag ang prinsipeng Celim ang siya mong liyag.
DORLISCA
Ako ang nagsabi?
ACMET
Wikang maliwanag,
nasnaw sa bibig mong narinig kong lahat.
DORLISCA
(Sa sarili)
Sa abang aba ko, mataas na langit,
lihim ko’y nahayag sa pananaginip!
Ang napanagimpa’y ano mang isulit
di sukat ibilang na sabing matwid.
ACMET
Sukat na ang hawig, huwag panagimpan,
na aking marinig na makahahadlang,
dini sa pagsinta’y paniniwalaang
papawiing ko rin sa mundong ibabaw.
Bakit natatantong kung tunay sa dibdib
ang pagsinta’y siyang laging bukang bibig,
kung natutulog ma’y napapanaginip
para nang pangarap na aking narinig.
DORLISCA
(Sa sarili)
Laki ng nangyaring pagkapanganyaya,
buhay ng giliw ko’y panganib na lubha!
Pigilin, Prinsipe, ang mali mong nasa,
yayamang wala ring matutubong twa.
At saka kung ako’y iyong iniibig
sukat mong ilayo sa paghihinagpis,
patayin si Celim ay kusang pagpatid
sa aking hiningang lipos na ng sakit.
ACMET
At narinig ko ang pangakong bagay
at sa panibugho ano’t di matunaw?
Si Celim ngyaon di’y aking paroronan at
papataying ko, ako may maramay.
DORLISCA
Hintay, piling Acmet…….
ACMET
Dina mapipigil
At papataying ko nga prinsipe Celim!
DORLISCA
Ako baga ang iyong hindi ginigiliw
at ilulubog mo sa dusa’t hilahil?
ACMET
Timbangin mo poon ang laki nang tindi
at kataimtiman ng aking pagkasi,
aamining lahat ang maruwahagi,
ang palad, buhay ko, karangala’t puri.
Babayang ko nang mag-Sultan si Celim
na dahilan nitong pataya’t hilahil,
kung papayagan mong ilipat sa akin
ang luwalhati kong lingap mo’t pag-giliw.
Nguni’t kung iyo ring hindi ipapayag
itong aking hiling pinopoong liyag!
Ang bayan sa dugo ay aalong dagat
ng walang matira’t malunod na lahat!
Iyong itutulot?
DORLISCA
Ayawang ko, Acmet.
ACMET
Di mo ipapayag?
DORLISCA
Hibang yaring isip!
ACMET
Magkaramayramay lumubog sa sakit
ang balang may taglay sa pusong sa pag-ibig!
………………………………………………
Mga Tala
Isang komedya na may tatlong acto o yugto na itinanghal sa Udyong, Bataan noong ika-29 ng Setyembre, 1877 (patay na si Balagtas nitong panahon). Mula sa isinalaysay ng mga anak ni Balagtas kay H. Cruz ang mga nabuong pilas ng akda. Inilarawan ni H. Cruz sa kanyang pag-aaral ang kuwento nitong komedya: "Dalawang magkapatid na nag-aagawan sa corona’t sa pag-ibig, at isang babaeng uliran ng pag-sinta, ang mga pinakadakilang tao ng tinurang katha: ang magkapatid na sina Celim at Acmet, at si Dorliscang iniibig nilang dalawa". Batay sa pamagat, maaaring patungkol itong komedya sa isang tunay na tao, si Bayaceto II, sultan ng Imperyo Otomano mula 1481 hanggang 1512.