Abdal y Miserena
o
Ang Labingdalawang Sugat ng Puso
Abdal y Miserena
o
Ang Labingdalawang Sugat ng Puso
Labingdalawang Sugat ng Puso
Hirap, kalumbayan, dalita’t hinagpis,
pighati at dusa, dalamhati’t sakit,
panibugho’t sindak, bagabag, ligalig,
umiiwang lahat sa aba kong dibdib.
Ang pagkaapi ko’y di kawasang HIRAP,
nasayang ang pagod, suyo ay pagliyag,
pag-asa’y napatid ang twa’y kumupas,
mata’y maging batis sa luhang nanatak.
KALUMBAYANG hindi masawasawata
na sa aking puso’y natitimong pana,
at ikamamatay ang sintang dinaya,
dinusta ng kasing lilo’t alibugha.
DALITA’Y sumira niyaring pagtitiis
na kumakamandag sa aba kong dibdib,
sintang nasiphayo ang pumipigipit
na sa hininga ko ang siyang papatid.
HINAGPIS ang siyang kaulayaw ngayon
ng kalulwa kong tigib ng linggatong,
sa abang buhay ko’y syang nagtataboy
sa kalulugmukang amis na kabaong.
PIGHATING hindi na mapasan sa puso
at matinding dusang halos ikagupo,
May hirap pa kayang masasabing lalo
para ng pag-sinta ngayong nasiphayo?
DUSANG di maampat niyaring mga mata
at itinatangis ng buntong hininga,
hirap ayang bathin ng sakit sa sinta
at ang kamatayan ang dala sa twina.
DALAMHATING tunay ang dinustang ibig,
ang naaping sinta’y kamatayang labis,
ang narayang puso’y walang ninanais
kundi ang mag-putok, mawalat, mapunit.
SAKIT na masidhing laging pumupupog
sa kalulwa ko’y umiiwang tandos,
di maaapula ng luha’t himutok
ang parusang mula sa sintang inayop.
PANIBUGHO’Y higit kung sa kamatayan
na di nagsasawang kumitil ng buhay,
gunitang masaklap na di mapaparam
sa abang dibdib ko, hanggang sa libingan.
SINDAK ng umibig sa di sumisinta
sukat ikalagot ng tangang hininga,
lilo’y nagtatakwil sa twa’t ligaya
at hindi mangyaring sumakalulwa.
BAGABAG na higit sa paghihingalo
ng lipos pagsinta’t nararayang puso,
sa payao’t dito luha’y natatagpu
ng kalulwa kong tigib ng siphayo.
LIGALIG na hindi mapahihinahon
ng alin mang twa, ang sintang narool,
walang walang lunas kung baga sa lason
ang pusong liluhi’t limutin ng poon.
Tingni, mga langit, yaring pagkalagay,
tunghayan ang aking kaalipustahan!
Sintang alibugha! Wala kundi Ikaw
ang bukal at sibul ng karalitaan!
Ikaw ang ligayang walang kasing dupok
at taling matibay na di malalagot
mabababang kubo’t palasiong matayog
Napapanhik Mo ri’t kusang pinapasok.
Walang dibdib na di dala Mo sa kamay,
ang puso ng lahat ay Iyong larawan,
ang tapat ay siyang pinarurusahan
at ang alibugha’y siyang minamahal.
Pinalalakas Mo ang lalong mahina,
Haring may korona ay pinabababa;
bait, katwira’y Iyong sinisira,
sa mundo ay bakit lumitaw Ka kaya?
Kung sa mundo’y walang alibughang puso
sa luha ng sinta’y walang maliligo,
at ginhawang lahat ang tapat sumuyo,
hindi maghahari lilong panibugho.
At sa kalangita’y idinadalangin
huwag may maparis ng sinta sa akin;
matakot ang lahat sa lilo’y gumiliw,
pangilaga’t lason, nang sino ma’t alin.
Mga Tala
Ayon sa paglalarawan ni H. Cruz, itong pilas ng komedyang Abdal y Miserena ay muling isinalaysay ng isa sa mga anak ni Balagtas na nakasaulo ng tula. Ang komedyang Abdal y Miserena ay kahambing ng Florante na isang kuwento ng pag-ibig, bagkus kung sa Florante ay lalaki ang nasawi sa pag-ibig, sa itong akda naman ay babae ang nasawi at siyang itinataghoy itong kasawian dito sa tulang ito. Itinanghal ang Abdal y Miserena noong 1859 sa kaarawan ng patron ng bayan ng Abukay, Bataan (itinatayang ika-8 ng Agosto, kapistahan nito Santo Domingo de Guzman na siyang patron ng Abukay).