May mga kuwentong nagsisimula sa maliliit na pangarap. May mga kuwentong umusbong mula sa sipag, tiyaga, at pananampalataya. At may mga kuwentong naging daan upang mas maraming Pilipino ang magkaroon ng pagkakataong umunlad.
Ito ang mga kuwentong ipinagdiriwang ng Gawad TANYAG.
Bawat finalist ay may sariling landas na tinahak—mga magsasakang nagpayabong ng lupa, mga mangingisdang humango ng pag-asa mula sa dagat, mga kooperatibang nagbuklod ng mga komunidad, mga negosyong nagsimula sa simpleng pangarap, at mga institusyong lumilikha ng mas malawak na oportunidad para sa iba.
Magkakaiba man ang kanilang pinagmulan at larangan, iisa ang kanilang pinatutunayan: ang tunay na tagumpay ay hindi lamang nasusukat sa paglago ng isang organisasyon o negosyo, kundi sa dami ng buhay na nababago at komunidad na napauunlad.
Ang Gawad TANYAG (Tanging Yaman at Galing) ang pangunahing programa ng pagkilala ng LANDBANK para sa mga natatanging kliyente at katuwang na nagpakita ng kahusayan, inobasyon, katatagan, at malasakit sa pagsusulong ng pag-unlad ng kanilang komunidad at ng bansa.
Itinatampok din ng Gawad TANYAG ang mga kuwentong nagbibigay-inspirasyon at nagpapatunay na ang tagumpay ay nagiging higit na makabuluhan kapag ito ay nagbubukas ng mga pagkakataon para sa iba.
Gawad PITAK
Pagkilala sa mga natatanging kooperatiba na nangunguna sa pagpapalago at pagtulong sa komunidad.
Pagpupugay sa mga magsasaka na ang dedikasyon at inobasyon ay nagpapasigla sa lupa at komunidad.
Pagpaparangal sa mga mangingisdang matatag at maalam, na pinapangalagaan ang kabuhayan at karagatan.
Pagdiriwang sa mga masisiglang micro, small, at medium enterprises na umaambag sa inobasyon at lokal na ekonomiya.
Pagkilala sa mga korporasyon at malalaking negosyo na nagsusulong ng pag-unlad at kagalingan.
Pagbibigay-liwanag sa mga institusyong pampinansyal na nagtataguyod ng inklusibong pag-unlad at serbisyo sa kanayunan.