KAHULUGAN
Halaw sa pinagtiyap na mga salitang Binisaya na toktok (“katok”) at hangyo (“pakiusap”), Tokhang ang mukha ng giyera kontra-droga ng rehimeng Duterte.
Ang Oplan Tokhang ay isa sa dalawang kampanyang inilunsad ni Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa habang nagsisilbi bilang pinuno ng Davao City Police Office mula Enero 2012 hanggang Hunyo 2016. Kasingkahulugan ng tokhang ang “pagpatay.” Sinabi mismo ni Direktor Heneral Aaron Aquino, hepe ng PDEA, noong Disyembre 2017, na “ang connotation ng Tokhang sa karamihan ng masa is killing. ‘Gusto mong ma-Tokhang ka?’ Ano ba ang ibig sabihin no’n? ‘Gusto mong mamatay ka?’”.
Hiniling ni Aquino na tanggalin na ang katagang “Tokhang” sa kanilang mga operasyon kontra-droga. Ngunit ipinagkibit-balikat lamang ito ni dela Rosa. Nang ibalik niya ang Oplan Tokhang noong Enero 2018, ipinasok niya ang katagang tokhangers bilang bansag sa mga pulis na kasapi ng mga tokhang team, kasabay ng pangakong hindi na gaanong magiging madugo ang mga operasyon.
Gayunman, nagpatuloy ang karahasan sa anino ng tokhang. Ang sino mang nasa drugs watchlist na natokhang ay hindi binisita para pakiusapang sumuko, kundi pinatay sa buy-bust operation man o summary execution. Sa ngalan ng Oplan Tokhang, nagpatuloy ang mga pagpatay sa mga operasyong “One-Time, Big-Time” sa ilalim ng Oplan Lambat-Sibat ng PNP. Lumutang ang katagang palit-ulo. Ang EJK (extra-judicial killings) ay hindi na lamang para sa mga kaso ng pagpaslang sa mga aktibista, opisyal ng lokal na gobyerno, at mga alagad ng midya, kundi maging sa mga biktima ng Oplan Tokhang. Noong Disyembre 2017, pinuna ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Assistant General Manager Jojo Garcia ang mga reporter na naglalabas ng negatibong balita patungkol sa ahensiya. “Nasaan na ‘yung 45 ko? Ipa-tokhang natin ‘yan,” bitaw niya.
HALIMBAWA
Noong kasagsagan ng "Tokhang", maraming residente ang natakot at hindi nakatulog nang maayos sa gabi.
Angeles, M. (2018, October 26). Salita ng Taon 2018. Diliman Information Office. https://upd.edu.ph/salita-ng-taon-2018/