EL FILIBUSTERISMO
Ang Diwa ng Pakikibaka at Pag-asa sa Gitna ng Pang-aapi
EL FILIBUSTERISMO
Ang Diwa ng Pakikibaka at Pag-asa sa Gitna ng Pang-aapi
Noong isinulat ni Dr. Jose Rizal ang El Filibusterismo, ang Pilipinas ay nasa ilalim ng malupit na kolonyal na pamamahala ng Espanya. Ang mga prayle ang may hawak ng kapangyarihan, kontrolado ang mga lupa, at ginagamit ito upang pagsamantalahan ang mga Pilipino. Kasama rito ang polo y servicio (sapilitang paggawa) at tributo (mataas na buwis), na lalong nagpalubog sa mga tao sa kahirapan. Dahil dito, maraming Pilipino ang naghimagsik ngunit malupit na pinatahimik.
Ang pagbitay sa tatlong paring martir na sina Padre Gomez, Padre Burgos at Padre Zamora, na mas kilala bilang GOMBURZA, noong 1872 matapos ang Cavite Mutiny ay nagdulot ng takot at galit sa mga Pilipino. Ito ang naging inspirasyon ni Dr Jose Rizal sa pagsusulat ng kanyang nobela, lalo na sa karakter ni Padre Florentino. Sa panahong ito, unti-unting lumalakas ang damdaming makabayan dahil sa paglaganap ng edukasyon at impluwensya ng Kilusang Propaganda.
Ngunit sa kabila ng lumalakas na panawagan para sa reporma, patuloy na ipinagwawalang-bahala ng Espanya ang hinaing ng mga Pilipino. Dahil dito, isinulat niya ang El Filibusterismo. Sa nobela, ipinakita ni Dr. Jose Rizal ang isang bayang alipin, inaapi, at nagdurusa—ngunit hindi patay. Sa halip, ito ay isang bayang gigising, mag-aalab, at lalaban para sa tunay na kalayaan.
Hindi tulad ng Noli Me Tangere na may mas banayad na pagpapahayag ng hinaing, ang El Filibusterismo ay mas madilim na tema, matapang at matalim sa pagsisiwalat ng katiwalian, pang-aabuso, at kawalang-katarungan. Sa pamamagitan ng karakter ni Simoun, ipinakita ni Dr. Jose Rizal ang panganib ng rebolusyong walang direksyon at ang matinding epekto ng matagalang pang-aapi.
Nais niyang gisingin ang damdamin ng mga Pilipino at ipakita na kung walang tunay na reporma, ang poot ay maaaring mauwi sa marahas na paghihiganti. Isa rin sa kanyang layunin ay bigyang-pugay ang tatlong paring martir na nagbuwis ng buhay para sa katarungan at sa bayan.
Habang isinusulat ang nobela, maraming pagsubok ang hinarap ni Dr. Jose Rizal. Una na rito ang matinding kahirapang pinansyal sa Europa, lalo na sa Ghent, Belgium, kung saan natigil ang pagpapalimbag ng nobela dahil sa kakulangan ng pondo. Bukod dito, ang kanyang pamilya sa Calamba ay patuloy na inuusig ng mga Dominikano dahil sa usapin sa lupa.
Isa pang hadlang ay ang sensura ng pamahalaang España, na maaaring humantong sa kanyang pagkakaaresto. Dagdag pa rito, hindi lahat ng Pilipino ay sumuporta sa kanyang radikal na pananaw—may ilan na natatakot sa maaaring maging epekto ng kanyang pagsusulat. Kaya naman muntik na niya itong sunugin upang matigil na ang kanyang mga paghihirap.
Sa kabila ng lahat ng balakid, hindi sumuko si Dr. Jose Rizal. Sa tulong ng kanyang kaibigan na si Valentin Ventura, natapos ang pagpapalimbag ng El Filibusterismo noong 1891. Pinili niyang ipagpatuloy ang kanyang misyon kahit na alam niyang maaaring magdulot ito ng panganib sa kanyang buhay. Ang kanyang matibay na paninindigan ay patunay na ang isang tunay na bayani ay hindi sumusuko sa harap ng pagsubok.
Alam ng mga Espanyol ang panganib ng nobela ni Dr. Jose Rizal, kaya agad nila itong ipinagbawal sa Pilipinas. Sinamsam ang mga kopyang ipinasok ng mga propagandista, at ang sinumang mahulihan nito ay hinaharap ang matinding parusa. Ginamit ng mga prayle ang pulpito upang takutin ang mga tao, sinasabing ito ay "nakasasama sa kaluluwa." Sinubaybayan din ng mga guwardiya sibil ang mga taong may koneksyon kay Dr. Jose Rizal. Sa kabila ng mga hakbang na ito, lihim na kumalat ang kopya ng El Filibusterismo, lalo na sa hanay ng mga intelektwal at rebolusyonaryo.
Hanggang ngayon, nananatiling makabuluhan ang El Filibusterismo. Ang katiwalian, pang-aabuso ng kapangyarihan, at kawalang-katarungan na inilarawan sa nobela ay makikita pa rin sa ating lipunan.
Ang mga isyu ng extrajudicial killings, korapsyon, at pagsikil sa kalayaan ng pamamahayag ay patuloy na nagpapakita na hindi pa tapos ang laban ni Dr. Jose Rizal. Ang kanyang panawagan para sa edukasyon bilang sandata ng pagbabago ay nananatiling isang mahalagang aral para sa ating henerasyon.
Ang El Filibusterismo ay hindi lamang isang nobela kundi isang babala at panawagan. Ipinakita ni Dr. Jose Rizal na ang kawalang-katarungan ay hindi maaaring palampasin, at ang tunay na pagbabago ay nangangailangan ng tapang at pagkilos. Sa ating panahon, ang mga aral mula sa nobela ay dapat manatiling gabay sa patuloy nating pakikibaka para sa isang lipunang mas makatarungan at malaya. Ang kasaysayan ay hindi inuulit—ngunit kung hindi tayo matuto mula rito, tiyak na uulitin ito ng kasalukuyan.