Fr. Ronald Macale

Kura Paroko 

 

     Si Fr. Ronaldo Moldez Macale, or Fr. Ronald kung siya ay karaniwang tawagin, ay ang ika-apat sa limang mga anak nina Matias at Librada Macale. Ipinanganak siya sa Maynila noong Hunyo 22, 1967, ngunit lumaki sa Barangay Palanan sa Makati.

     Ang Paco Catholic School ay naging saksi sa paglaki at paglago ng pananampalataya ng batang si Ronald. Noong nasa elementarya pa lamang siya ay naramdaman na niya ang tawag sa pagpapari. Ito ang nakita niyang pinakamagandang paraan upang siya ay makapaglingkod sa kapwa at sa Diyos. High school pa lamang siya ay pumasok na siya sa seminaryo, sa Our Lady of Guadalupe Minor Seminary. Sa seminaryo rin siya nag-aral ng kolehiyo at kumuha ng kursong AB Philosophy sa San Carlos Seminary.

     Matapos ang maraming taong ginugol sa seminaryo, siya ay inordenahan bilang pari noong Disyembre 3, 1992. Nang maging pari ay agad na naitalaga si Fr. Ronald bilang assistant ni Bishop Teodoro Bacani sa San Fernando de Dilao Parish sa Paco, Maynila. Matapos ang halos isa at kalahating taon, siya ay naatasan bilang Formator sa San Carlos Seminary. Bilang formator, tinutulungan niya ang mga seminarista sa kanilang buhay espiritwal. Noong Marso taong 2000 ay naitalaga siya bilang kura paroko ng Parish of the Lord of the Divine Mercy sa Sikatuna Village, Quezon City. Nang maitatag ang Diyoseses ng Cubao noong 2003, siya ay itinalaga bilang Minister of Vocations.

     Simula noong Enero 2006, si Fr. Ronald ay itinalaga bilang kura paroko ng Resurrection of Our Lord Parish at Sto. Cristo de Bungad Parish.

<< home