Life-Study of the Bible‎ > ‎Mateo‎ > ‎

2. Ang Mga Ninuno At Katayuan Ng Hari (2)



PAG-AARAL-PAMBUHAY NG MATEO

MENSAHE DALAWA

ANG MGA NINUNO AT KATAYUAN NG HARI

(2)

D. Si Abraham


Ang talaangkanan sa Mateo ay nagsisimula kay Abraham, nguni't ang talaangkanan sa Lucas ay bumabalik kay Adam. Hindi sinasaklaw ng Mateo si Adam at ang kanyang mga inapo, nguni't sinasaklaw ng Lucas. Ano ang ibig sabihin ng pagkakaibang ito? Ang Lucas ay ang aklat ng kaligtasan ng Diyos, samantalang ang Mateo ay ang aklat ng kaharian. Ang kaligtasan ng Diyos ay para sa nilikha at natisod na lahi na ikinakatawan ni Adam, nguni't ang kaharian ng kalangitan ay para lamang sa piniling bayan ng Diyos, ang tinawag na lahi na ikinakatawan ni Abraham. Kaya, ang Mateo ay nagsisimula kay Abraham, nguni't tinatalunton ng Lucas ang talaangkanan pabalik kay Adam.

1. Tinawag

Sa unang sampu at kalahating kapitulo ng Genesis sinubukan ng Diyos na gumawa sa nilikhang lahi, nguni't hindi Niya nakamit ang nais Niyang mangyari. Binigo Siya ng nilikhang lahi. Ang tao ay natisod hanggang sa ang buong sangkatauhan ay nagrebelde laban sa Diyos sa kasukdulan, at itinayo ang tore at siyudad ng Babel upang ipakita ang kanilang pagrerebelde (Gen. 11:1-9). Kaya hinayaan na ng Diyos ang nilikha at natisod na lahi, at tumawag Siya ng isa, si Abraham, mula sa lahing yaon upang maging ama ng isa pang lahi. Mula sa isang lugar na puno ng pagrerebelde at pagsamba sa diyus-diyosan, na isang lugar kung saan ang lahat ay kaisa ni Satanas, tinawag ng Diyos ang isang tao na nagngangalang Abraham (Gen. 12:1-2; Heb. 11:8). Mula sa panahong tinawag Siya ng Diyos palabas sa Babel (na naging Babilonia) patungo sa Canaan, hinayaan ng Diyos ang lahi ni Adam at inilagak Niya ang lahat ng Kanyang naisin sa bagong lahing ito, na si Abraham ang pinuno. Ito ang tinawag na lahi, ang natranspormang lahi. Ito ay isang lahi na hindi naaayon sa kalikasan, kundi isang lahi na ayon sa pananampalataya.
Ang kaharian ng Diyos ay para sa lahing ito. Ito kailanman ay hindi maaaring maging para sa natisod na lahi. Kaya, ang Mateo, na tumatalakay ukol sa kaharian ng mga kalangitan, ay nagsisimula kay Abraham. Sapagka't ang aklat ng Lucas ay may kinalaman sa kaligtasan ng Diyos (at walang alinlangang ang kaligtasan ay para sa natisod na lahi) ang kanyang talaangkanan ay bumabalik kay Adam. Pagkatapos maligtas sa Lucas, tayo ay kusang nailipat mula sa natisod na lahi tungo sa tinawag na lahi. Dati tayo ay mga inapo ni Adam; ngayon tayo ay mga inapo ni Abraham. Ang Galacia 3:7 at 29 ay nagsasabi sa ating sinuman ang nananampalataya kay Hesu-Kristo ay isang anak ni Abraham. Kanino kang anak? Ikaw ba ay anak ni Adam o anak ni Abraham? Tayo ang tunay na mga Hudyo (Roma 2:29). Ang ating ninuno ay si Abraham. Tayo ay nabibilang sa kategoriyang kinabibilangan niya. Kung tayo ay hindi mga inapo ni Abraham, tayo ay walang bahagi sa aklat ng Mateo. Wala rin tayong bahagi sa maikling aklat ng Galacia, sapagka't ang Galacia ay isinulat sa mga inapo ni Abraham. Magkakaroon lamang tayo ng bahagi sa Galacia kung tayo ay mga inapo ni Abraham. Purihin ang Panginoon na tayo ay mga anak ni Abraham! "At kung kayo ay kay Kristo, kayo nga ay binhi ni Abraham, mga tagapagmana ayon sa pangako" (Gal. 3:29).

Si Abraham ay tinawag palabas ng Diyos. Ang Griyegong salita para sa ekklesia na "ecclesia" ay nangangahulugang "ang mga tinawag palabas." Kaya, tayong nasa ekklesia ay ang mga tinawag palabas. Si Abraham ay tinawag palabas sa Babel, ang lugar ng pagrerebelde at pagsamba sa mga diyus-diyosan, patungo sa mabuting lupa, na sumasagisag kay Kristo. Dati tayo ay nasa Babel. Tayo ay mga natisod, mga nagrebelde, at nagsisamba sa mga diyus-diyosan. Ngayon ang buong sangkatauhan ay nasa Babel. Dati-rati tayo ay naroon, nguni't isang araw ay tinawag tayo palabas ng Diyos at dinala tayo sa loob ni Kristo, ang mataas na lupa. Tinawag tayo ng Diyos tungo sa "pakikisalamuha [ang pakikibahagi] sa Kanyang Anak na si Hesu-Kristo na Panginoon natin" (I Cor. 1:9). "Nguni't sa kanila na mga tinawag... si Kristo [ay] ang kapangyarihan ng Diyos at ang karunungan ng Diyos" (I Cor. 1:24).

2. Inaring-matuwid sa pamamagitan
ng Pananampalataya

Si Abraham, bilang ang tinawag na isa, ay inaring-matuwid sa pamamagitan ng pananampalataya (Gen. 15:6; Roma 4:2-3). Ang mga natisod ay dumidepende sa kanilang paggawa, nguni't ang mga tinawag ay nananampalataya sa paggawa ng Diyos, hindi sa kanilang sariling paggawa. Walang natisod na tao ang maaaring ariing-matuwid sa pamamagitan ng mga gawa sa paningin ng Diyos (Roma 3:20). Samakatuwid, ang mga tinawag, na tinawag ng Diyos mula sa natisod na lahi, ay hindi nagtitiwala sa kanilang sariling kakayahan; sila ay nagtitiwala sa paggawa ng Diyos batay sa biyaya. Si Abraham at ang lahat ng iba pang mananampalataya ay katulad nito. "Kaya't ang mga sa pananampalataya ay pinagpapala kasama ng nananampalatayang Abraham" (Gal. 3:9). Ang pagpapala ng pangako ng Diyos, "ang pangako ng Espiritu" (Gal. 3:14), ay para sa mga nananampalataya. Tinanggap natin ang Espiritu sa pamamagitan ng pananampalataya, na siyang ang realidad at pagkatanto ni Kristo (Gal. 3:2). Kaya, kapwa si Abraham at tayo ay napagkilalang-kaisa ni Kristo at naiugpong sa Kanya sa pamamagitan ng pananampalataya. Ito ay sa pamamagitan ng pananampalataya sa paggawa ng Diyos batay sa biyaya na ang mga taong tinawag ng Diyos ay inaring-matuwid Niya at nakikibahagi kay Kristo, ang kanilang walang hanggang bahagi.

3. Namumuhay sa pamamagitan
ng Pananampalataya

Ang Hebreo 11:8 ay nagsasabing si Abraham ay tinawag, at tinugon niya ang pagtawag na ito sa pamamagitan ng pananampalataya. Pagkatapos, ang bersikulo 9 ay nagsasabing siya ay namuhay rin sa mabuting lupain sa pamamagitan ng pananampalataya. Bilang isa na tinawag ng Diyos, si Abraham ay hindi lamang inaring-matuwid sa pamamagitan ng pananampalataya, bagkus siya ay namuhay rin sa pananampalataya. Bilang isa na tinawag ng Diyos siya ay hindi na dapat mamuhay at lumakad sa pamamagitan ng kanyang sarili; kundi mabuhay at lumakad sa pamamagitan ng pananampalataya. Para kay Abraham na mamuhay at lumakad sa pamamagitan ng pananampalataya ay nangangahulugang kinakailangan niyang itakwil ang kanyang sarili, limutin ang kanyang sarili, isaisantabi ang kanyang sarili, at mamuhay sa pamamagitan ng Isa pa. Anumang mayroon siya sa kalikasan ay kailangang maisaisantabi.

Kung ikukumpara natin ang Genesis 11:31 at 12:1 sa Gawa 7:2-3, makikita nating nang tawagin ng Diyos si Abraham mula sa Ur ng mga Caldeo, siya ay lubhang mahina. Hindi si Abraham ang nanguna upang iwanan ang Babel; kundi si Terah, ang kanyang ama. Ito ang pumilit sa Diyos na kunin ang ama ni Abraham. Sa Genesis 12:1 tinawag siyang muli ng Diyos, nagsasabi sa kanyang iwanan niya hindi lamang ang kanyang lupain at kanyang mga kamag-anak, bagkus maging ang bahay ng kanyang ama, na nangangahuhulugang wala siyang isasama ni isa man. Gayunpaman, si Abraham, katulad natin ay mahina at isinama si Lot, ang kanyang pamangkin (Gen. 12:5).

Ano ang isang Abraham? Ang isang Abraham ay isang taong tinawag, na hindi na nabubuhay at lumalakad ayon sa kanyang sarili, at siyang tumatalikod at lumilimot sa lahat ng likas na bagay na mayroon siya. Ito mismo ang mensahe ng aklat ng Galacia. Sinasabi ng Galacia 3 na tayo ay mga anak ni Abraham at dapat tayong mamuhay sa pamamagitan ng pananampalataya, hindi sa pamamagitan ng ating mga paggawa. Ang Galacia 2:20 ay nagsasabing ang mabuhay sa pananampalataya ay nangangahulugang "hindi na ako ang nabubuhay, kundi si Kristo." Ako, ang natural na ako na nanggaling sa isang natisod na lahi, ay naipako at nailibing na. Kaya, hindi na ako, kundi si Kristo ang nabubuhay sa akin. Ito si Abraham. Kung tayo ay mga tunay na Hudyo, ang tunay na inapo ni Abraham, kailangan nating iwanan ang lahat at mabuhay sa pamamagitan ng pananampalataya. Kailangang kalimutan natin ang lahat ng ating magagawa at itakwil ang lahat ng kung ano tayo at kung anong mayroon tayo sa kalikasan. Hindi ito madali.

Lubhang hinahangaan ng mga Kristiyano si Abraham. Gayunpaman, hindi natin dapat lubhang pahalagahan si Abraham. Hindi naman siya talagang ganoon katangi-tangi. Siya ay tinawag, nguni't hindi siya nagkaroon ng lakas ng loob na iwanan ang Babel; ang kanyang ama ang nag-alis sa kanya. Ito ang nagtulak sa Diyos na alisin ang kanyang ama. Pagkatapos si Abraham ay umasa sa kanyang pamangking si Lot. Pagkatapos nito, siya ay nagtiwala sa kanyang lingkod na si Eliezer (Gen. 15:2-4). Tila baga sinasabi ng Diyos, "Abraham, ayaw kong makitang kasama mo ang iyong ama, ayaw kong makitang kasama mo ang iyong pamangkin, at ayaw kong makitang kasama mo si Eliezer. Gusto ko na wala kang sinumang inaasahan. Kailangang sa Akin ka umasa. Huwag kang umasa sa anuman o anumang likas na bagay na mayroon ka." Ito ay ang pagsampalataya sa Diyos, ang paglakad sa Kanya, at ang pamumuhay sa pamamagitan Niya. Hindi na ako, kundi si Kristo ang nabubuhay sa akin.

Kung tayo ay mga tunay na Hudyo, sa gayon tayo ay mga tunay na Abraham. Upang maging isang Abraham, kailangan nating manampalataya sa Panginoon. Ang manampalataya sa Panginoon ay ang mapagkilalang-kaisa Niya. Si Abraham ay tinawag mula sa natisod na lahi, at siya ay napagkilalang-kaisa ng Panginoon. Ang lahat ng anak ni Abraham ay dapat ding mapagkilalang-kaisa ni Kristo. "Kung kayo ay kay Kristo, kayo nga'y binhi ni Abraham." Sa ibang salita, kung tayo ay binhi ni Abraham, tayo ay nabibilang kay Kristo at tayo ay napagkilalang-kaisa ni Kristo. Kung tayo ay mapagkikilalang-kaisa ni Kristo, kailangan nating itakwil ang ating mga sarili at kunin si Kristo bilang lahat-lahat. Ito ang pagsampalataya kay Kristo, at ang pagsampalatayang ito ay katuwiran sa mga mata ng Diyos. Huwag ninyong sikaping gumawa ng anuman. Manampalataya lamang kay Kristo.

Ang natisod na lahi ay laging nagnanais na makagawa ng isang bagay, ang gumawa at magsumikap. Nguni't sinasabi ng Diyos, "Lumabas kayo riyan! Kayo ang tinawag na lahi. Huwag na kayong magsumikap, huwag na kayong gumawa ng anuman, at huwag nang gumawa pa! Kalimutan ninyo ang inyong nakaraan. Kalimutan na ninyo kung sino kayo, kung ano ang inyong magagawa, at anuman ang mayroon kayo. Kalimutan na ninyo ang lahat, at lubusang magtiwala sa Akin. Ako ang inyong mabuting lupain. Mabuhay kayo sa loob Ko, at mamuhay sa pamamagitan Ko." Ito ang mga tunay na Abraham, ang mga tunay na taga-Galacia. Bilang ang mga anak ng Diyos, nagtitiwala sila sa Diyos at kinalilimutan nila ang kanilang mga sarili. Ito ang mga bumubuo ng salinlahi ni Kristo. Kinakailangan tayong lahat na maging mga Abraham, yaong mga kinalilimutan ang kanilang nakaraan, binibitiwan ang kung ano sila at mayroon sila, at nagtitiwala lamang kay Kristo, ang kanilang mabuting lupain. Ngayon ang ating paglakad at ang ating pamumuhay ay kailangang sa pamamagitan ng pananampalataya kay Kristo. Kung magkagayon, bilang mga tagapagmana ng pangako ng Diyos, bilang yaong nagmamana ng pangako ng Espiritu, kailangan nating makibahagi kay Kristo bilang pagpapala ng Diyos.

Sa isang pagkakataon, hiniling ng Panginoon kay Abraham na ihandog si Isaac, ang isang ibinigay ng Diyos ayon sa Kanyang pangako, bilang isang handog na susunugin (Gen. 22:1-2). Ibinigay ng Panginoon kay Abraham si Isaac; ngayon kailangang ibalik ni Abraham si Isaac sa Panginoon. Sinabihan na siya ng Panginoon na palayasin si Ismael (Gen. 21:10, 12); ngayon Kanya siyang sinabihang patayin ang kanyang anak na si Isaac.

Kaya mo bang gawin ito? Anong hirap namang leksyon ito! Gayunpaman, ito ang paraan upang maranasan si Kristo. Noong nakaraang buwan o nakaraang linggo maaaring naranasan mo si Kristo sa isang paraan, nguni't ngayon ang Panginoon ay nagsasabing, "Ialay mo ang karanasang iyon. Iyon ay isang tunay na karanasan kay Kristo, nguni't huwag mo itong itago." Muli, ang leksyon ay huwag magtiwala sa kung ano ang mayroon tayo, maging sa kung ano ang ibinigay ng Diyos sa atin. Kung binigyan ka ng Diyos ng anuman, kailangan mo itong ibalik sa Kanya. Ito ang araw-araw na paglakad sa pamamagitan ng pananampalataya. Ang lumakad sa presensiya ng Panginoon sa pamamagitan ng pananampalataya ay nangangahulugang hindi tayo dapat humawak sa anumang bagay, maging sa mga bagay na ibinigay ng Diyos. Ang pinakamabubuting handog, na ibinigay ng Panginoon Mismo, ay kailangang ibalik sa Kanya. Huwag kang magtago ng anuman bilang mga bagay na iyong aasahan; umasa lamang sa Panginoon at palaging umasa sa Kanya. Ginawa ito ni Abraham. Sa katapusan siya ay namuhay at lumakad sa presensiya ng Diyos nang lubusang sa pamamagitan ng pananampalataya.

E. Si Isaac

Sinasabi ng Mateo 1:2, "Si Abraham ang ama ni Isaac." Ano ang mahalagang punto rito tungkol kay Isaac? Ito ay yaong si Isaac ay ipinanganak sa pamamagitan ng pangako (Gal. 4:22-26, 28-31; Roma 9:7-9). Siya ang yaong natatanging tagapagmana (Gen. 21:10, 12; 22:2a, 12b, 16-18), at minana niya ang pangako ni Kristo (Gen. 26:3-4).

Ipinangako ng Diyos kay Abraham ang isang anak-na-lalake. Si Sara, sa pagnanais na matulungan ang Diyos sa pagtupad ng Kanyang pangako, ay nagmungkahi kay Abraham. Tila baga sinabi ni Sara na, "Tingnan mo, Abraham, ipinangako ng Diyos na bibigyan ka ng isang binhi, ng isang tagapagmana upang manahin ang mabuting lupaing ito. Nguni't tingnan mo ang iyong sarili—ikaw ay magsisiyamnapung taong gulang na! At tingnan mo ako—ako'y lubhang matanda na! Imposible na para sa akin ang magsilang. Kailangang gumawa tayo ng isang bagay upang matulungan ang Diyos na matupad ang Kanyang layunin. Mayroon akong alila na nagngangalang Hagar. Siya ay lubhang mainam. Tiyak na magkakaroon ka ng anak-na-lalake sa pamamagitan niya" (Gen. 16:1-2). Ito ang natural na konsepto, at ito ay lubhang nakakatukso. Maraming pagkakataon ang ating natural na konsepto ay may ilang mungkahi upang sanhiin tayong mawala sa ating espiritu. Kadalasan ang ating natural na konsepto ay nagsasabing, "Narito ang mabuting pinanggalingan. Gawin mo ito sa ganitong paraan." Nguni't ang gayong isang mungkahi ay tiyak na maglalayo sa atin mula sa pangako ng Diyos.

Tinanggap ni Abraham ang mungkahi ni Sara (Gen. 16:2-4), at ang resulta ay si Ismael (Gen. 16:15). Ang teribleng Ismael na ito ay naririto pa rin hanggang ngayon! Ang pagsasagawa ng mungkahi ni Sara ay hindi nakatulong sa Diyos; sa halip, binigo nito si Abraham sa pagsasakatuparan ng layunin ng Diyos. Ito ay hindi isang maliit na bagay.

Ang leksyong nakuha natin mula rito ay yaong bilang ang tinawag na lahi, anumang gawin natin ayon sa ating mga sarili ay nagreresulta sa isang Ismael. Anuman ang gawin natin na nagmumula sa ating mga sarili sa buhay-ekklesia, maging sa pagpapahayag ng ebanghelyo, ay magbubunga lamang ng isang Ismael. Huwag kayong magbunga ng mga Ismael! Tapusin ang inyong sarili! Hindi ba't natawid na ninyo ang malaking ilog na yaon, ang Eufrates? Nang kayo ay tinawag palabas sa Babel, tinawid ninyo ang malaking ilog na yaon at kayo ay nailibing doon. Kayo ay tinapos na roon. Huwag kang mamuhay sa pamamagitan ng iyong sarili o gumawa ng anuman sa pamamagitan ng iyong sarili. Sa halip, dapat mong sabihing, "Panginoon, ako ay bale-wala. Kung wala Ka, ako ay walang magagawa. Panginoon, kung wala Kang gagawing anuman, wala rin akong gagawin. Kung Ikaw ay magpapahinga, ako ay magpapahinga rin. Panginoon, nagtitiwala ako sa Iyo." Ito ay madaling sabihin, nguni't mahirap isagawa sa ating pang-araw-araw na pamumuhay.

Tandaan mo kung ano ang isang Abraham: ang isang Abraham ay isang tinawag na hindi gumagawa ng anumang bagay sa pamamagitan ng kanyang sarili. Ang Diyos ay kailangang maghintay hanggang si Abraham at si Sara ay tapos na (Gen. 17:17; tingnan ang Roma 4:19). Siya ay naghintay hanggang ang kanilang natural na lakas ay maubos na, hanggang kanilang matanto na imposible na para sa kanila ang magsilang ng isang bata.

Ninais ni Abraham na mamalagi si Ismael at umasa sa kanya, nguni't itinakwil ng Diyos si Ismael (Gen. 17:18-19). Nais din nating ipagpatuloy ang ating sariling gawain at umasa rito, nguni't hindi ito tinatanggap ng Diyos. Sa katapusan, hiniling ng Diyos kay Abraham na itakwil si Ismael at ang kanyang ina (Gen. 21:10-12). Ito ay mahirap para kay Abraham na gawin. Nguni't kailangan niyang matutuhan ang leksyon ng hindi namumuhay sa kanyang sarili, ang leksyon ng pagsusuko ng kanyang sariling pagsisikap at ang hindi paggawa ng anuman sa pamamagitan ng kanyang sarili. Siya ay may anak-na-lalake, nguni't kailangan niyang isuko siya. Ito ang leksyon ni Abraham at ang leksyon sa aklat ng mga taga-Galacia.

Ang pakikibahagi kay Kristo ay nangangailangan na hinding-hindi tayo aasa sa ating sariling pagsisikap ni sa anumang bagay na makakaya nating gawin. Kung paanong si Ismael ay isang kabiguan kay Isaac sa kanyang pagmamana ng pangako ng Diyos, gayundin ang ating sariling pagsisikap o gawain ay laging bibigo sa ating pakikibahagi kay Kristo. Kailangan nating talikuran ang lahat ng kung ano tayo at ang lahat ng taglay natin upang magtiwala sa pangako ng Diyos. Kailangan nating talikdan ang lahat ng nauukol sa ating natural na buhay; kung hindi ay hindi natin matatamasa si Kristo. Matapos na ang ating natural na lakas ay maubos, ang pangako ng Diyos ay darating. Matapos na si Ismael ay itakwil, si Isaac ay nagkaroon ng ganap na katayuang makibahagi sa pagpapala ng pangako ng Diyos. Ang pagtatapos sa ating natural na pagsisikap, ang pagtalikod sa anumang magagawa natin o nagawa natin, ay si "Isaac," ang pagmamana ng pagpapala ng pangako ng Diyos, na si Kristo. Tayo ay nabautismuhan na tungo sa loob ni Kristo (Gal. 3:27). Sapagka't tayo ay tinapos na sa loob ni Kristo, tayo ay sa Kanya na ngayon, at taglay natin Siya bilang ating bahagi. Kaya, tayo ay binhi ni Abraham, ang tinawag na lahi ng Diyos, at mga tagapagmana ayon sa pangako ng Diyos (Gal. 3:29).

Ano si Isaac? Si Isaac ay ang kinalabasan ng buhay at paglakad sa pamamagitan ng pananampalataya. Ito si Kristo. Si Isaac ay isang ganap na sagisag ni Kristo na nagmamana ng lahat ng kayamanan ng Ama. Kailangan nating lahat na maranasan si Kristo sa gayong paraan: hindi sa pamamagitan ng ating paggawa, pagpipilit, o pagsisikap, kundi sa pamamagitan lamang ng pagtitiwala sa Kanya. Ang pagtitiwala natin sa Kanya ay magreresulta kay Isaac. Tangi lamang si Isaac ang tunay na elemento ng salinlahi ni Kristo. Hindi lahat ng anak ni Abraham sa laman ay mga anak ng Diyos; tangi lamang kay Isaac na ang Diyos ay magkakaroon ng mga anak (Roma 9:7-8). Samakatuwid itinuring ng Diyos si Isaac bilang ang natatanging anak ni Abraham (Gen. 21:10, 12; 22:2a, 12b, 16-18), ang nag-iisang magmamana ng pangako hinggil kay Kristo (Gen. 26:3-4).

Bagama't tayo ang lahi ni Abraham ngayon, tayo ba ay lumalakad sa landas ni Ismael, o tayo ba ay nabubuhay sa landas ni Isaac? Ang landas ni Ismael ay ang isakatuparan ang layunin ng Diyos sa pamamagitan ng ating sariling lakas at paggawa. Ang landas ni Isaac ay ang ilagay ang ating mga sarili tungo sa loob ng Diyos, nagtitiwala sa Kanya na gawin ang lahat upang maisakatuparan ang Kanyang layunin para sa atin. Anong laking pagkakaiba sa pagitan ng dalawang landas na ito! Si Ismael ay walang kinalaman kay Kristo. Anuman ang ating gawin, anuman ang ating subukang isagawa, ay walang kinalaman kay Kristo. Kailangan nating mataglay si Isaac. Kung nais nating mataglay si Isaac, kailangan nating itakwil si Ismael, itigil ang ating paggawa, at ilagay ang ating mga sarili tungo sa loob ng pinakagawain ng Diyos. Kung hahayaan natin Siyang isagawa ang Kanyang pangako para sa atin, sa gayon, matataglay natin si Isaac.

F. Si Jacob

Ang bersikulo 2 ay nagsasabi rin, "Si Isaac ang ama ni Jacob." Sina Isaac at Ismael ay magkapatid sa iisang ama, nguni't sa magkaibang ina. Sina Jacob at Esau ay higit na malapit sa isa't isa; sila ay kambal. Ang Jacob ay nangangahulugang "isang mananapaw" (superseder). Sinasapawan niya ang iba, inilalagay ang mga ito sa ilalim niya, at umaakyat sa ibabaw nila. Nang siya at ang kanyang nakatatandang kapatid na si Esau ay lumabas sa sinapupunan, tinanganan ni Jacob ang sakong ni Esau. Tila baga sinasabi ni Jacob na, "Esau, huwag ka munang lumabas! Hintayin mo ako. Hayaan mong ako ang mauna!" Si Jacob ay isang tunay na manghahawak-ng-sakong. Ang kahulugan ng pangalang Jacob ay ang manghahawak-ng-sakong, ang manununggab. Tinatalo ang iba. Inilalagay sila sa ilalim ng iyong mga paa sa pamamagitan ng anumang mapanlinlang na kaparaanan. Iyan si Jacob.

Sapagka't napili na ng Diyos si Jacob, ang lahat ng kanyang mga pagsusumikap ay napawalang-saysay. Kinakailangan ni Jacob ang isang pangitain. Hindi na niya kailangang manunggab sa iba, dahilan sa pinili na siya ng Diyos upang maging una. Maging bago pa lang ipanganak ang kambal, sinabi na ng Diyos sa ina na ang nakababata ang mangunguna, at ang nakatatanda ang papangalawa. Nasusulat, "Iniibig ko si Jacob, nguni't si Esau ay aking kinapopootan" (Mal. 1:2-3; Roma 9:13).

Sa kasawiang-palad, hindi ito napagtanto ni Jacob. Kung napagtanto niya ito, hindi na niya sisikapin pang gumawa ng anuman. Sa halip, kanyang sasabihin kay Esau na, "Kung nais mong maunang lumabas, basta lumabas ka na lang. Gaano mo man pagsumikapang maging una, ako pa rin ang mauuna. Hinding-hindi mo ako matatalo sapagka't pinili ako ng Diyos." Gayunpaman, hindi ito napagtanto ni Jacob. Maging nang siya ay nasa hustong gulang na, hindi pa rin niya ito napagtanto. Kaya, siya ay patuloy na nanununggab. Saanman siya pumunta, siya ay nanununggab o nang-aagaw. Inagawan niya ang kanyang kapatid (Gen. 25:29-33; 27:18-38), at inagawan niya ang kanyang tiyuhin (Gen. 30:37-31:1). Siya ay nagbalak kung paano isahan ang kanyang tiyuhin at ninakawan ang kanyang tiyuhing si Laban. Gayunpaman, ang lahat ng kanyang pagpapagal ay napasa walang kabuluhan. Maaaring sinabi ng Diyos, "Mangmang na Jacob." Hindi mo na kailangang gawin iyan. Bibigyan kita ng higit pa sa iyong natamo." Nguni't patuloy pa ring nagsumikap sa sarili si Jacob. Bagama't siya ay inapo ni Abraham, ayon sa kanyang pagsisikap at kalikasan, siya ay lubusang isang inapo ng Diyablo. Nakikita mo ba ito? Sa pangkatayuan, si Jacob ay inapo ni Abraham, nguni't sa pandisposisyon, siya ay isang anak ng Diyablo.

Ano ang kailangan ni Jacob? Kailangan niya ang pagtutuos ng Diyos. Kaya, inilaan ng Diyos ang kanyang kapatid na si Esau, at pagkatapos ay ang kanyang tiyuhing si Laban upang tuusin siya. Ang Diyos ay naglaan din ng apat na asawa at labindalawang tagatulong na lalake at isang tagatulong na babae. Mayroong napakaraming pagdurusa sa buhay ni Jacob, nguni't ang pagdurusang ito ay nagmula sa kanyang pansariling pagsusumikap, hindi mula sa pagpipili (election) ng Diyos. Lalong nagsumikap sa sarili si Jacob, higit naman siyang nagdusa. Maaari nating pagtawanan si Jacob, nguni't tayo ay katulad na katulad niya. Lalo tayong nagsisikap na gumawa ng anuman, lalo naman tayong nagkakaroon ng maraming suliranin.

Sa loob ni Kristo, kinakailangan natin, unang-una, ang buhay ni Abraham. Kailangan nating kalimutan ang kung ano tayo, mabuhay sa pamamagitan ni Kristo, at magtiwala sa Kanya. Ikalawa, sa loob ni Kristo hindi natin kailangan si Ismael, ang ating paggawa; kinakailangan natin si Isaac, ang Kanyang paggawa. Ikatlo, hindi natin kinakailangan si Jacob, kundi si Israel. Hindi natin kailangan ang natural na Jacob, kundi ang natranspormang Israel, ang prinsipe ng Diyos.

Napagtatanto mo bang ito ay lubusang hindi nakasalalay sa iyo? Kapag marinig mo ito, maaari mong sabihing, "Kung ito ay hindi nakasalalay sa akin, kundi lubusang nakasalalay sa Diyos, ititigil ko na ang aking paghahanap." Mabuti. Kung kaya mong itigil ang iyong paghahanap, hinihimok kitang gawin mo ito. Sabihin mo sa buong sansinukob na iyong narinig na ito ay nakasalalay sa Kanya, at na iyo nang itinigil ang iyong paghahanap. Kung kaya mong itigil ito, ito ay dapat itigil. Nguni't, tinitiyak ko sa iyo, lalo mong itinitigil, ay higit na mainam. Lalo mong itinitigil, lalo naman Siyang titindig. Subukan mo ito. Sabihin mo sa Panginoon, "Panginoon, itinitigil ko ang aking paghahanap! Sasabihin ng Panginoon, "Iyan ay kahanga-hanga! Ang iyong pagtigil ay nagbubukas ng daan para sa Akin upang makagawa ng isang bagay. Pagniningasin kita. Maaari mong itigil ang iyong paghahanap, nguni't pagniningasin kita!"

Tayong lahat ay pinili na. Sa isang dako, tayo ay hinuli. Ano'ng magagawa natin? Hinding-hindi na tayo makaalis. Ito ay dahil sa kaawaan ng Panginoon. Hindi natin pinili ang ganitong daan. Tinitiyak kong hindi ko pinili ito, nguni't ako ay narito. Ano ang aking magagawa? Ano ang aking masasabi? Sapagka't pinili tayo ng Diyos, hinding-hindi na tayo makatatakas.

Kung babasahin natin ang Roma 9, matutuklasan nating ito ay naaayon sa Kanya, hindi sa atin. Siya noon at maging hanggang ngayon ang pinagmumulan. Purihin Siya na ang Kanyang kaawaan ay dumating sa atin! Walang sinuman ang makatatanggi sa Kanyang kaawaan. Maaari nating tanggihan ang Kanyang gawain, nguni't hinding-hindi natin matatanggihan ang Kanyang kaawaan (Exo. 33:19; Roma 9:15). Anong kaawaan na tayo ay napili upang mapagkilalang-kasama ni Kristo at makibahagi sa Kanya bilang ang walang hanggang pagpapala ng Diyos! Sa isang pakahulugan tayo ay Abraham, sa isa pang pakahulugan tayo ay Isaac, at sa isa pa ring pakahulugan, tayo ay Jacob. Sa kalaunan, sa ikaapat na pagpapakahulugan, tayo ay magiging mga Israel. Kaya, mayroon tayong Abraham, Isaac, at Jacob.

Ang talaangkanan ni Kristo ay isang bagay ng pagkapanganay, at ang pagkapanganay ay pangunahing ang pagiging napagkilalang-kasama ni Kristo at ang pakikibahagi kay Kristo. Ang panununggab ni Jacob ay hindi inaring-matuwid, nguni't ang kanyang paghahangad sa pagkapanganay ay tiyak na pinarangalan ng Diyos. Winalang-halaga ni Esau ang pagkapanganay at ito'y ipinagbili nang mura (Gen. 25:29-34). Kaya, ito'y nawala sa kanya at hindi na naibalik pa, kahit na kanya pang pinagsisihan at tinangisan ito (Gen. 27:34-38; Heb. 12:16-17). Naiwala niya ang pagpapala ng pakikibahagi kay Kristo. Ito ay dapat na maging babala sa atin. Iginalang at hinangad ni Jacob ang pagkapanganay, at kanyang natamo ito. Minana niya ang ipinangakong pagpapala ng Diyos, ang pagpapala ni Kristo (Gen. 28:4, 14).

G. Si Juda

Ang bersikulo 2 ay nagsasabi rin, "Si Jacob ang ama nina Juada at ng kanyang mga kapatid-na-lalake." Ang unang anak ni Jacob ay si Ruben. Nakuha sana ni Ruben ang bahagi ng unang anak-na-lalake, na siyang ang pagkapanganay. Ipinapaloob ng pagkapanganay ang tatlong sangkap: ang dobleng bahagi ng lupa, ang pagkasaserdote, at ang pagkahari. Bagama't si Ruben ang unang anak-na-lalake, naiwala niya ang kanyang pagkapanganay dahilan sa kanyang karumihan (Gen. 49:3-4; I Cron. 5:1-2). Pagkatapos ang dobleng bahagi ng lupa ay napunta kay Jose. Ito ay dahilan sa kanyang kadalisayan (Gen. 39:7-20). Siya ang anak na pinakamalapit sa kanyang ama at siyang lubusang naghangad sa ninais ng kanyang ama (Gen. 37:2-3, 12-17). Ang bawa't isa sa dalawang anak-na-lalake ni Jose, sina Manases at Ephraim, ay tumanggap ng isang bahagi ng lupa (Josue 16 at 17). Kaya sa pamamagitan ng kanyang dalawang anak-na-lalake ay minana niya ang dalawang bahagi ng mabuting lupa.

Ang bahaging pagkasaserdote ng pagkapanganay ay napunta kay Levi (Deut. 33:8-10). Lubhang hinangad ni Levi ang naisin ng puso ng Diyos. Upang maisakatuparan ang naisin ng Diyos, kinalimutan ni Levi ang kanyang mga magulang, ang kanyang mga kapatid-na-lalake, at ang kanyang mga anak at pinangalagaan lamang ang naisin ng Diyos. Kaya, tinanggap niya ang bahaging pagkasaserdote ng pagkapanganay.Ang pagkahari, isa pang bahagi ng pagkapanganay, ay ibinigay kay Juda (Gen. 49:10; I Cro. 5:2). Kung ating babasahin ang Genesis, makikita natin ang dahilan para rito. Nang si Jose ay nagdurusa sa ilalim ng sabwatan ng kanyang mga kapatid-na-lalake, pinangalagaan siya ni Juda (Gen. 37:26). Pinangalagaan din niya si Benjamin sa panahon ng pagdurusa (Gen. 43:8-9; 44:14-34). Dahilan dito, naniniwala ako, ang pagkahari ay napunta kay Juda.

Ngayon tayo ang "ekklesia ng mga panganay" (Heb. 12:23). Ang ating pagkapanganay ay binubuo rin ng tatlong elementong ito: ang dobleng bahagi ni Kristo, ang pagkasaserdote, at ang pagkahari. Tayo ay nasa loob ni Kristo, at natatamasa natin Siya sa dobleng bahagi. Tayo ay mga saserdote at mga hari rin ng Diyos. Gayunpaman, maraming Kristiyano ang naiwala ang kanilang pagkapanganay. Sila ay naligtas na at hindi na mawawala pa, nguni't naiwala nila ang kanilang dagdag na bahagi ni Kristo. Kung nais nating matamasa ang dagdag (extra) na bahagi ni Kristo, ingatan natin ang ating pagkapanganay.

Ang lahat ng Kristiyano ay naisilang-na-muli bilang mga saserdote (Apoc. 1:6). Subali't ngayon marami ang naiwala ang kanilang pagkasaserdote. Dahilan sa naiwala nila ang kanilang katayuan na manalangin, mahirap para sa kanila ang makapanalangin. Kung ating pangangalagaan ang ating pagkasaserdote, tayo ay dapat na maging katulad ng mga Levita, at kalimutan ang ating ama, ang ating mga kapatid-na-lalake, at ang ating mga anak at pangalagaan ang interes ng Diyos. Ang naisin ng Diyos, hindi ang ating mga pamilya, ang dapat mauna. Kung ang naisin ng Diyos ang nangunguna sa ating puso, sa gayon tayo ay magiging malapit sa Kanya at mapangangalagaan ang pagkasaserdote.

Ang lahat ng Kristiyano ay naisilang-na-muli rin bilang mga hari (Apoc. 5:10), nguni't naiwala ng marami ang kanilang pagkahari. Kapag bumalik na ang Panginoong Hesus, ang mga banal na mandaraig ay makakasama Niya upang maging mga saserdote ng Diyos at mga kasamang-hari ni Kristo (Apoc. 20:4-6). Sa panahon ding iyon, kanilang tatamasahin ang pamana ng sangkalupaang ito (Apoc. 2:26).

Ang Hebreo 12:16-17 ay nagbababala sa ating huwag nating iwala ang ating pagkapanganay na tulad ng ginawa ni Esau. Para sa isang pinggang pagkain ipinagbili ni Esau ang kanyang pagkapanganay. Pagkatapos, nagsisi siya nang ipinagbili niya ito nang napakamura, nguni't hindi na niya nakuhang muli pa ito. Kailangan nating palaging nagbabantay. May katayuan tayong angkinin ang pagkapanganay at ito ay nasa atin na, nguni't ang pagpapanatili nito ay nakasalalay sa kung iiwasan natin ang maging mapaglapastangan o maging marumi. Nakita natin na naiwala ni Esau ang kanyang pagkapanganay sapagka't siya ay mapaglapastangan at naiwala ni Ruben ang kanyang pagkapanganay dahilan sa kanyang karumihan. Nguni't minana ni Jose ang dobleng bahagi ng lupa dahilan sa kanyang kasakdalan; nakamit ni Levi ang pagkasaserdote dahilan sa kanyang pagiging ganap na naibukod para sa Panginoon; at tinanggap ni Juda ang pagkahari dahilan sa pangangalaga niya sa kanyang mga kapatid na nagdurusa. Kailangang panatilihin nating sakdal ang ating mga sarili para sa dagdag (extra) na bahagi ng pagtatamasa kay Kristo; kailangang ibukod natin ang ating sarili nang lubusan para sa Panginoon na may pusong nagmamahal sa naisin ng Panginoon nang higit sa lahat ng bagay; kailangan nating pangalagaan nang may pagmamahal ang mga kapatid nating nagdurusa. Kung tayo'y ganito, tiyak na maiingatan natin ang ating pagkapanganay. Ang dagdag (extra) na bahagi ng pagtatamasa kay Kristo, ang pagkasaserdote, at ang pagkahari ay mapapasaatin. Maging ngayon ay matatamasa natin si Kristo sa dobleng sukat. Makapananalangin tayo, makapamamahala tayo, at makapaghahari tayo. Pagkatapos, kapag bumalik na ang Panginoong Hesus makakasama natin Siya na tinatamasa ang pamana ng sangkalupaang ito. Tayo ay magiging mga saserdoteng patuloy na kinakaugnay ang Diyos at mga haring naghahari sa mga tao.

Sapagka't nakamit ni Juda ang bahagi ng pagkahari ng pagkapanganay, iniluwal niya ang makaharing Kristo (Gen. 49:10), ang Matagumpay na Kristo (Apoc. 5:5; Gen. 49:8-9). "Maliwanag na ang ating Panginoon ay lumitaw mula sa Juda" (Heb. 7:14).
Sina Abraham, Isaac, Jacob, at Juda ay pawang mga kasamahan (associates) ni Kristo. Kung tayo ay nagtataglay ng buhay ng apat na salinlahing ito—ang pananamapalataya ni Abraham, ang pamana ni Isaac, ang mga pagtutuos ni Jacob, at ang pangangalaga ng pag-ibig ni Juda—tayo ay magiging mga kasama ni Kristo sa Kanyang salinlahi.

H. Ang Kanyang mga Kapatid-na-lalake


Nang binanggit ng talaangkanang ito sina Isaac at Jacob, hindi nito sinabing "at ang kanyang kapatid-na-lalake"; nang binanggit lamang nito si Juda saka nito sinabing "at ang kanyang mga kapatid-na-lalake." Kapwa sina Ismael na kapatid ni Isaac at si Esau na kapatid ni Jacob ay tinanggihan ng Diyos. Nguni't lahat ng labing-isang kapatid-na-lalake ni Juda ay pinili; isa man sa kanila ay hindi tinanggihan ng Diyos. Sina Juda at ang kanyang labing-isang kapatid-na-lalake ay naging mga ama ng labindalawang lipi na bumuo sa bansang Israel bilang mga taong pinili ng Diyos para kay Kristo. Kaya, lahat ng kapatid-na-lalake ni Juda ay nauugnay kay Kristo. Dahil dito, ibinibilang din sila ng talaangkanan ni Kristo.