historyambahan                                                                      Link to Occ Mindoro History Homepage

AMBAHAN


 

ANG ESTETIKA NG AMBAHAN

AT ANG KONTRIBUSYON NITO

SA KONSEPTO NG DATING NI LUMBERA

Ni Rowena P. Festin

 

  

Sa loob ng lumipas na dantaon, nananatiling misteryo sa marami ang isla ng Mindoro. Kasama na sa misteryong ito ang mga kwento tungkol sa lahing kulay puti at mga taong may buntot. Hanggang ngayon, marami pa rin ang naniniwala na ang mga taga-Mindoro ay may buntot.

 

Ika-pito ang Mindoro sa pinakamalalaking isla sa Pilipinas (10,041 sq.km.). kabundukan ang 40% ng islang ito at nasa gitna ng kabundukang ito ang Halcon, ang ika-apat sa pinakamataas na bundok sa Pilipinas (2,586 m.). Nasa timog naman ang Bundok ng Baco (2,480 m.).

 

Mula sa kabundukang ito, umaagos pababa ang napakaraming mga ilog at ang pinakakilala sa mga ito ay ang mga ilog ng Mag-asawang Tubig at Bongabon sa silangan at Busuanga at Lomintao naman sa kanluran.

 

Sa kaligirang ito nabuhay ang ambahan, at ang kaligirang ito ang bumuhay at patuloy na bumubuhay sa ambahan at sa mga Mangyan.

 

Noong bata pa ako, paboritong kwento naming magkakapatid ang tungkol sa gintong baka, karbungko at santelmo. Kahit nanginginig na kami sa takot, paulit-ulit pa rin naming pinakikinggan ang mga kwentong ito.

 

Ayon sa kwento, ang karbungko ay isang batong lumiliwanag kung mapapatapat sa mga lugar na merong gusi ng ginto at ibibigay ito ng haring ahas sa sinumang taong mapapatunayan niyang nagsasabi nang tapat at malinis na kalooban.

 

Ang haring ahas na ito ay napakalaki at makapangyarihan. Minsan, pinaglaruan ng kanyang anak ang karbungko at hindi sinasadyang gumulong ito pababa sa bundok at nawala sa kapatagan. Inutusan ng hari ang lahat ng mga ahas sa kagubatan na hanapin ang karbungko at ibalik sa ibabaw ng kanyang trono. Bumaba ang lahat ng ahas sa kapatagan na siyang ikinatakot ng mga tao.

 

Nagsilikas ang lahat maliban sa isang bata. Kinausap niya ang pinuno ng mga ahas at tinanong kung bakit bigla silang bumaba sa kabayanan samantalang ang mga ahas ay nakatalagang manirahan lang at maghari sa kabundukan at kagubatan. Sinabi ng pinunong ahas na inutusan sila ng haring ahas na bumaba sa kabayanan upang hanapin ang karbungko ng hari.

 

Tinanong ng bata kung ano ba ang meron sa karbungkong ito at gayon na lamang ang paghahabol ng hari gayong nasa kanya naman na ang lahat ng kapangyarihang nakalaan para sa hari ng mga ahas. Sinabi ng pinunong sundalo na ang karbungko ang susi sa lahat ng kayamanan ng hari. Meron itong kakayahang magsabi kung saan matatagpuan ang lahat ng kayamanan sa buong daigdig.

 

Alam ng bata na ang karbungko ay napulot ng kanyang ama minsang nangangahoy ito sa kagubatan. At nasabi ng kanyang ama sa kanya ang kapangyarihan ng karbungko, at kung sino ang higit na makapangyarihang nagmamay-ari nito. Naisip ng bata ang kayamanang maaaring ihatid sa kanila ng karbugko kung sakaling hindi niya sabihin ang kinaroroonan nito ngunit nanaig sa kanya ang kagustuhang muling bumalik sa kanilang bayan ang kanyang mga kamag-anak. Hinatid niya ang pinunong sundalo sa gusing pinaglagyan ng kanyang ama ng karbungko. At muling umakyat sa kabundukan ang mga ahas, dala ang karbungko.

 

Ngunit isang araw, bumalik sa kanilang tahanan ang pinunong sundalo at ibinalik sa kanya ang karbungko at sinabing ang batong iyon ay nakalaan sa mga taong may gintong kaloobang mas ninanais ang kagalingan ng kanilang bayan kesa sa sariling kayamanan. At ang karbungkong yon ang magdadala ng hindi mapapalitang yaman para sa kanilang bayan.

 

Ang kwento naman ng santelmo ay tungkol sa bolang apoy na umikot sa mga bayang may nakabaong kayamanang hindi natutuklasan. Ito ang bantay na humahabol at sumusunog sa mga taong puno ng pag-iimbot ang dibdib at nag-iisip ng masama para sa kayamanang nakalaan para sa bayan. Ganito rin ang kwento ng gintong baka, lumilitaw ito at naglalaho sa mga lugar na may nakabaong kayamanan at ang kayamanang ito ay nakalaan lang para sa bayang may-ari ng lupang kinababaunan ng kayamanan.

 

Sa aking paglaki at paglipat sa lungsod sa paghahanap ng mga kayamanan at bagong karanasan, kasama ko ang mga kwento ng karbungko, santelmo at gintong baka. Sa mga lugar na ito, sinubukan kong maghanap ng mga kaparehong mukha at kwento ng karbungko, santelmo at gintong baka. Ngunit lumilitaw lang ang mga imaheng ito sa aking alaala kung kasama ng kabundukan ng Halcon.

 

Ano nga ba ang meron sa Halcon at sa mga Mangyan at laging ito ay isang napakalakas na kapangyarihang humahatak sa akin pabalik sa aking pinagmulan?

 

ANG AMBAHAN NG MANGYAN

BILANG LANTAY NA TULANG PILIPINO

 

Ang Ambahan Bilang Anyo ng Tula

 

Sa kasalukuyan, wala pang matatawag nating corpuz ng mga pag-aaral na nagawa na tungkol sa Ambahan maliban sa ginawa ni Antoon Postma. At mangilan-ngilang mga pagbabangit sa kultura ng mga Mangyan at sa Ambahan

 

Ang ambahan ay isang katutubong tula na nililikha ng mga Mangyan, partikular ang mga Hanunuo at Buhid na matatagpuan sa mga bayan ng Bulalacao at Mansalay sa Oriental Mindoro at San Jose naman sa Occidental Mindoro. Ang mga grupong ito ng mga Mangyan ay may sariling sistema ng pagsulat na ginagamit na nila bago pa man dumating ang mga Kastila.

 

Tradisyong oral ang karaniwang pangunahing salik upang maipasa sa susunod na henerasyon ang mga elemento ng kultura. Ngunit sa kaso ng ambahan, may dagdag na puntos ang mga Mangyan dahil ang oral na pagsasalin nila ng kanilang tradsiyon ay sinuportahan ng kanilang paraan pagsusulat (Postma, p. xii). Malaki ang papel ng sistema nila ng pagsulat na mahigit na sa 2,500 taon, sa pagpapanatiling buhay ng ambahan. Dahil sa ganitong sistema, sabay na nabuhay at nananatiling buhay ang ambahan at ang kanilang sistema ng pagsusulat. Pinaniniwalaang ang sistemang ito ng kanilang pagsusulat ay Indic origin. At ang pagsulat nilang ito ang ginagamit sa pag-ukit ng ambahan sa mga puno ng kahoy o biyas ng kawayan.

 

Umiikot sa araw-araw na buhay at karanasan ng mga Mangyan ang mga paksang karaniwang tinatalakay ng Ambahan. Kung babasahin natin ito, maaaring sabihin natin na napakasimple naman ng pagkakabuo. Pero sa pagtula, hindi naman natin kailangangang magkaroon ng mga kakaibang karanasan para lumikha ng mga dakilang tula. Hindi rin naman dapat na naghihintay ang makata ng isang matitinding dagok ng kapalaran o napakagandang kababalaghan upang makalikha ng mga talata. Para sa mga Mangyan, ang kabundukan ng Halcon, ang kanilang bayan at ang kanilang kapwa at ang kanilang araw-araw na buhay ay napakalawak na daigdig na puno ng kayamanang maaari nilang paksain sa ambahan.

 

Kung babalikan natin ang naipong mga ambahan ni Antoon Postma, ang mga ito ay tumatalakay sa kanilang kapanganakan at kabataan, pagdadalaga at pagbibinata, panliligaw, ang kanilang tahanan, mga problema, sakit, pagkain, trabaho, paglalakbay, pakikipagkaibigan at iba pang panlipunang pakikipagrelasyon, pag-aasawa, katandaan, hanggang sa kanilang kamatayan at kabilang buhay.

 

Ang ambahan ay may sukat na pitong pantig sa bawat taludtod maliban sa unang taludtod na maaaring higit o kulang sa pitong pantig dahil may mga pagkakataong ang nagsasalita ay maaaring may mahaba o maigsing pangalan. Ang unang linya sa ambahan ang nagpapakilala sa kung sino ang nagsasalita. Binibigkas itong parang isang engkantasyon ngunit walang nakatakdang tono o kasabay na anumang instrumento.

 

Ang sukat na pitong pantig sa bawat taludtod ngn ambahan o sukat na gansal, ay karaniwang matatagpuan sa mga katutubong tulang Tagalog tulad ng tanaga, ullalim ng mga Kalinga sa norte, at sa epikong Ulahingan ng Mindanao (p. xiv). Isahang tugma ang kailanan ng tugmang Ambahan. Mahalagang katangian ng ambahan ang tugma na ang karaniwang ginagamit ay ang an dahil ito ang karaniwang panlapi para sa mga pandiwa sa wika ng Hanunuo. Ngunit meron din naman silang a, ak, ag, ang, as, aw, ay. Pag nagsimula ito sa tugmang an, an ang tugma hanggang sa dulo.

 

Halimbawa(akin ang salin ng mga ambahan mula sa Ingles na salin ni Antoon Postma):

 

Magkunkuno to karadwa:

Kang kis-ab mag-iginan

Ginan kang tipit lingban

Apwan mambon mabunan (#246)

 

Sabi ng kaluluwa:

Kanina lang sa bahay

Sa bahay na tahanan ko

Masama ang aking pakiramdam

Kang manok tangway-tangway

Pag suguon manguway

Magpasakiton labay

Magpalintog sa sulay (#11)

 

Sabi ni Tangway na malaking ibon

Singnan mo, nasaktan ang balikat ko

Tumama sa poste ng mataas na bahay.

Kang manok si kurkuro

Pag suguon mangayo

Magpasakiton ulo

Magpadugsak sa bato (#12)

 

Dagdag naman ni Kurkuro

Inutusan kasing mag-isang kumuha ng panggatong

Masakit na maskit ang aking tiyan

Tumama sa matutulis na bato.

 

Dahil kailangang sumunod sa tradisyon ng pitong pantig sa bawat linya, sinisikap ng mga Mangyan na pagkasyahin ang mga salitang gagamitin nila sa nakatakdang pitong pantig. Ito ang dahilan kung bakit napakaraming pinaigsing salita sa mga ambahan na nagiging dahilan kung bakit mahirap itong basahin at isalin. Halimbawa, ang salitang nirwasan ay galing sa orihinal na salitang niruwasan, nilkasan sa salitang nilukasan.

 

Sa ambahan, may lisensiya ang mga Mangyan na pahabain ang mga salita, maaari silang magdagdag ng pantig upang umabot sa kinakailangang pitong pantig. Ang ilan sa mga paraan upang makaabot sila sa pitong pantig ay:

  1. Paggamit ng mga panlapi na karaniwan naman talagang ginagamit sa mga wika sa Pilipinas. Karaniwang ginagamit ng mga Hanunuo ang panlaping an. Halimbawa, kung kulang sa pitong pantig ang salitang bulaklak, gagamitin ang salitang bulaklakan, ang manukan para sa salitang manok.
  2. Paggamit ng ekstensyon na nasa loob ng isang salita na hindi na karaniwang nangyayari sa mga bagong ambahan. Halimbawa, ang salitang dayap ay maaaring gawing dalayap, ang layaw ay lungayaw.

  3. Pagpapahaba ng mga salita sa pamamagitan ng pag-uulit nito upang umabot sa kahingiang pitong pantig.

Ang ambahan ay inaawit bagamat hindi gaanong napapansin ang tono nito maliban na lang sa bandang katapusan dahil umiiba na ang tono upang ipaalam na matatapos na ang ambahan at ibinibigay na ang pagkakataon sa sinumang gustong sumagot.

 

Mahalaga ring bigyan ng pansin na ang ambahan ay "inaawit" na walang kasabay na anumang tugtog. Ito ang kanyang kaibahan sa urukay, isang uri din ng tulang Mangyan na binibigkas naman na sinasabayan ng kalutang.

 

Maganda ang ambahan kahit nag-iisa lang ngunit higit na tumitingkad ang gandang ito kung ginagawang sagutan ng mga Mangyan. Ang ambahan ay isang hamon na kailangang tapatan at sagutin at ang sagot ay kailangang tapatan ng isa pang mas magaling na sagot.

 

Gamit ng Ambahan

 

Ang ambahan ay isang tulang may panlipunang katangian, at nabubuhay lang ito at umiiral at mabisa sa loob ng lipunan at karanasan ng mga Mangyan.

 

Tulad ng iba pang anyo ng tula, ang ambahan ay isang ekspresyon ng kaisipan o damdaming ipinahahayag sa pamamagitan ng maayos at malambing na wika. Ngunit ito ay hindi nananatiling tula lamang na nagpapahayag ng kanilang mga pangarap at damdamin. Ito ay isang tulang may panlipunang katangian at nakukuha lang nito ang tunay niyang kahulugan at silbi sa loob ng pamayanan ng mga Mangyan (p. xxi).

 

Ginagamit ang ambahan upang pangaralan ang kanilang mga anak::

 

Si manok Lado-lado

Danga lakaw arayo

Dit-ag labang mayamo

Pinarumbay sa puro

Kang manok si Btuki

Daga malakyaw yabi

Makatata madugi

Makalpok bungol-tuli (#8,9)

Sabi ng ibong si Lado-lado

Wag kang pupunta sa malayo

May mga bitak ng demonyo

Na nagkalat sa kakahuyan

Sabi ng maliit na ibong si Batuki:

Wag kang maglalakad sa gabi

Baka matapakan mo ang tinik

O makamandag na ahas!

 

Sa panliligaw ng kabataang Mangyan:

 

Salod anong bugtungan

Kis-ab kang mag-iginan

Ginan kang tipit lingban

Bunggo madi uyunan

Kang di tinalisigan

Kang bay nga pagsumayan

Padi man ga bungguan

Una sa unay kagnan

Una babaw aghuman

Kang ka-abay sag lan-gan

Ka-ugbay sag ranukan (#68)

Aking sinta, aking mahal

Nang umalis ako papunta dito

Galing sa aking bahay at bakuran;

Lahat ng inipon kong bigas,

Iniwan ko lahat doon,

Dahil inaasahan kong matatagpuan dito

Ang isang mas mahalaga sa aking bigas!

Iyong makaksama ko

Sa ilog at sa bukid,

Kasama sa aking mga paglalakbay

At kasama sa aking pagtulog!

 

O sa pagbati sa isang bisita o kaibigan.

 

Anong aypod upadan

Sarin ka pagmanginan

Mamaybay aw hunasan

Mangunay aw sa kagnan

No mangunay sa kagnan

Pagpamatara duyan

Sa kan aypod upadan

Una yi si hintunan

Pasaluyon way aban (#181)

Tuloy ka, mahal na kaibigan!

Saan ka ba nanggaling?

Sa bumababaw na karagatan?

Sa umaagos na mga batis?

Kung galing ka sa tubig sa itaas,

Magkwentuhan muna tayo dito sandali,

Sa masayang paraan.

At kahit sino ka pa

Gusto naming makasama ka.

 

Ginagamit din ang ambahan sa mga pagkakataong ang isang bagay na nakakahiyang sabihin, hindi magandang sabihin o delikadong sabihin o napakahalagang sabihin, ay kailangang sabihin. Isang malaking kabastusan para sa mga Mangyan na diretsong humingi ng pagkain sa may-ari ng bahay na kanilang tinutuluyan ngunit maaari nila itong gawin sa pamamagitan ng pagbigkas ng ambahan (p. xxii). Sa halimbawa sa ibaba, ang gutom ay ihinahalintulad ng Mangyan sa tinik na nakabaon sa kanilang sikmura at paa sa loob nang matagal ding panahon.

 

Halimbawa:

Buhag buhag pagbunga

Bon di duwa kasimba

Ud wa dungon naasila (#190)

Bunga buhag buhagon

Bon di duwak magdanon

Ud wa dunggon na-ungon (#191)

Kawawa ako sa tagal na paghihirap

Dahil higit sa dalawang gabi nang

Pinagtitiisan ang nakatusok na tinik

Kawawa ako sa matinding sakit

Dahil higit na sa dalawang buwang

May nakabaong tinik sa aking paa

 

Katulad ng karaniwang kaugaliang Pilipino, hindi diretsong nagtatanong ang binatang Mangyan sa magulang ng dalagang nais niyang ligawan. Maaaring magtanong siya sa ibang tao, at sa ganitong pagkakataon, malaki ng naitutulong ng ambahan.

 

Halimbawa:

Ako nakan di sitay

Ako magpakisaysay

Atay kuno may banay

May banay bag-o kaway

May karangyan buanay

Natay katna anod ay

Banta sa lig-om di ay

Nos anod di anod ay

Tida mana may banay

Tida sa ulang baybay

Ud wag magkapanangbay

Dariit waya kaway. (#41)

Kaya ako dumaan dito

Dahil gusto kong malaman

Sabi nila may Banay

Na lumaking napakaganda

May Karangyan din

Totoo nga ba ito?

Sekreto kung malalaman ko

Tunay kaibigan, inaamin namin

Merong puno ng Banay

Doon sa tabi ng dagat

Ngunit hindi mo makukuha

Dahil napakabata pa niya

 

Sa madaling sabi, ang ambahan ay ginagamit hindi lang upang ipasa, panatilihin at palakasin ang mga pag-uugaling katanggap-tanggap sa lipunan ng mga Mangyan. Ginagamit din nila ang ambahan upang masabi ang mga bagay na gusto nilang sabihin bagamat bawal sabihin o hindi magandang sabihin.

 

Bukod sa mga araw-araw na pangangailangan sa pagsasabi at iba pang pakikipagrelasyon sa kapwa, ipinakikita rin ng ambahan na meron silang konsepto ng kabilang buhay:

 

Magkunkuno kan randag karadwa:

Kabag-o o mamarigsan

Kanta di way pagkagnan

Unay nangurabungan

Umuman mamarigsan

Payi kanta pagkagnan

Danom mi magka-uman

Balod yi ti daramgan

Ultang yi ti amawan

Manigin luyon kaba

Siyon bay araw ginan

Una way si suyungan

Paharaw ng tumim-an (#248)

Sabi ng kaluluwa ni Randag:

Nang una akong maligo

Sa ilog ditto sa lupa

Maingay ang agos

Nang muli akong maligo

Hindi na ito ang aking ilog

Kundi sa ilog ng mga kaluluwa

Doon sa Amawan

Kung saan nakasalansan ang mga bato

Eto ako ngayon, nag-iisa

Mula ngayon at habampanahon

At maging si Inang mahal

Ay hindi na ako makikita

 

 

 

 

ANG SIMBOLISMO NG AMBAHAN

SA LOOB NG LIPUNANG MANGYAN

 

May mga panloob at panlabas na mga pwersang pumapanday sa talinghaga. Ibig sabihin, sa pagpapahayag ng mga karanasan, kailangan ang isang pangyayari na nasa labas ng katauhan ng isang tao ngunit ito ay dapat na nakaugnay sa kanyang katauhan sa anumang distansya nito.

 

Nagbabago ang historikal na kalagayan ng tao, ang kaligirang tumutulong sa paglikha ng kanyang mga karanasan, at ang lipunang tumutulong sa pagbubuo ng kanyang pagkatao, at ang pagbasa at pag-unawa sa talinghaga ay nagbabagong kasabay ng panahon at mga karanasan.

 

Umaayon ang pagbasang ito sa pagbabagong nagaganap sa kapaligirang kanyang kinapapalooban at sa mga karanasang nakukuha niya habang patuloy na nagbabago ang kapaligiran at lipunang ito. Bilang mahahalagang bahagi ng pagpapahayag, nakikisabay ang kahulugan nito sa mga nangyayari sa kasaysayan. Tatak ng isang mabisang talinghaga ang kakayahan nitong makapagbigay ng kahulugan sa anumang bahagi ng kasaysayan ito dumaan. Ang pagtatalaban ng dalawang ito ay isang patunay na ang talinghaga ay may halaga, kahulugan, lakas at bisa patuloy mang umikot at magbago ang panahon o kung sino man ang nakarinig o nakabasa ng talinghaga.

Kung titingnan natin ang mga larawang nalilikha ng mga ambahan, ang mga ito ay mga karaniwang bagay ding madalas na tinutulaan ng mga makata: mga bulaklak, mga puno, pagkain, kaibigan, kalikasan, pag-ibig, at lahat ng bagay na nakapaloob sa kanilang kultura at malapit sa kanilang mga araw-araw na karanasan.

Dahil ang Ambahan ay nakapaloob sa kultura ng mga Mangyan, mahirap maunawaan ang simbolismo ng mga bagay o karanasang binabanggit nila dahil may mga pagkakataong ang mga simbolismong ito ay tumutukoy sa iba’t ibang mga kondisyon at pagkakataong ekslusibo sa kanilang karanasan at kultura. Tingnan nating halimbawa ang ambahang ito:

Putyukan sa binunga

Napatundog yi tida

Danga yi paghinam-a

Napamiyang yi tida

No hinam-on bay waya

Dag dara bunot usa

Pagdara bunot lima

Alaga sa ginhawa (#114)

May bahay ng putakte sa puno

Nakikita mo ba sa itaas?

Hayaan mo na yun doon sa itaas!

Mahirap iyon kunin.

Gusto mong subukan?

Kulang ang isang patong!

Para di ka makagat

dapat limang patong na damit.

 

Sa unang basa, ang tulang ito ay maaaring nagpapaalala sa kasamang Mangyan na mag-ingat sa pagkuha ng pulot. Pinaalalahanan siyang magsuot ng limang patong na damit upang makasiguradong hindi siya puputaktihin. Ngunit ang interpretasyon ng Ambahan ay nakadepende sa sitwasyon o pagkakataong ito ay tinutula. Maaaring ang ambahang ito ay tungkol sa pag-akyat sa bundok, pangangaso, pagpalaot sa dagat, pagbaba sa bayan, pagsali sa isang paligsahan, o pagkausap ng binata sa magulang upang hingin ang kamay ng dalagang napupusuan. Ngunit iisa ang gusting sabihin ng ambahang ito sa anumang pagkakataon ito bigkasin o basahin: pag-iingat sa anumang gawain (Postma, p. xvi).

 

Ang ambahan ay pagtatala rin ng kanilang tradisyon sa agrikultura. O maaari ring pagpapaalala sa mga susunod na henerasyon ng tungkol sa mga uri ng palay na itinatanim at inaani sa kanilang mga kaingin. Sa kasalukuyang konteksto, maaari itong tingnan sa unti-unting pagpasok ng mga tagapatag sa kanilang ninunong lupa, o ang pagtatangkang pumasok ng industriya ng mina sa kabundukan ng Halcon na nagiging dahilan ng pagkawala ng kanilang mga kinakaingin na siyang pinagtataniman nila ng kanilang mga palay.

 

Halimbawa

 

Kang kaparay kabasag

Kang kabag-o namatyag

Uhay pag manga-ayad

Nanguman ak namatyag

Uhay nanayagtayag (#136)

Ang Kabasag, isang uri ng bigas

Nang una ko itong Makita

Namumutok ang mga butyl

Nang tingnan ko pa ulit

Tuyot lahat ng butil.

 

Ang paray kasignayan

Ipampagas tawtawan

Aldaw kang pamuruman

Sa maribo igiwan (#141)

Ang palay na Kasignayan

Ihahasik ko sa bukid

Bukas papakainin nito

Ang maraming gutom na ibon.

 

Kang paray kinagaykay

Insan kan maghuray

Kanmo pamgasan sitay

Kangko kang ipakanay

Sa baluto nagrumbay

Sa lumon makasinlay

Namayupot bagakay

Namurak sampuranay (#142)

Kinagaykay, maputing bigas

Paghatian natin ang trbaho kaibigan

Dito ka maghahasik

Papasanin ko naman

Doon sa bukid

Sa may mga puno ng Kasilay

Sa namumulaklak na puno ng kawayan

At bunga ng Sampunay

 

At dahil sa pagpasok ng industriya ng mina at pagpasok ng mga tagapatag, unti-unting nauubos ang kagubatan. Ang ambahan ang tagapagtala ng mga nawawalang ito sa kalikasan at tagapagpaalala na kung patuloy itong mangyayari, mawawala rin ang pinagdadaluyan ng kanilang kabuhayan at kultura.

 

 

ANG AMBAHAN AT ANG KONSEPTO NI LUMBERA NG DATING

 

Hindi dapat mawala ang identidad ng isang bansa sa pagsusuri ng kanyang panitikan o anupamang akda dahil ang panitikan ay buhay na katibayan ng maunlad na kultura ng isang bansa. Dito nakaimbak ang karanasan at kasaysayan ng kanilang lahi. At ang pagsusuri sa mga ito ay nag-aambag ng mga dagdag pang kaalaman at impormasyon sa iba pang larangan ng mga araling bayan tulad ng kasaysayan at sa pagbubuo ng mga teoryang nakaugat sa kasaysayang ito.

 

Ang paghahanap ng mga teoryang naglalarawan at tunay na kumakatawan sa ating pagka-Pilipino, sa palagay ko, ay isang bukas na larangang naghihintay na pasukin. Sa loob ng larangang ito, maaaring matagpuan ang mga teoryang magagamit natin upang suriin at pasukin ang kaluluwa ng mga akdang Pilipino ayon sa mga pamantayan at karanasan ng mga Pilipino.

 

Wala namang masama kung gumamit ng mga dayuhang panuri at sukatan sa pagsusuri ng panitikang Pilipino dahil may halaga din sa atin ang produksyong pang-intelektwal ng kanluran. Ngunit dahil ang mga ito ay dumaan sa magkaibang mga karanasan at kasaysayan, at kung gayon, magkaibang sukatan at istandard, mas malamang na hindi magiging patas ang kalalabasan ng pagsusuri.

 

Sa ganitong konteksto, mahalaga ang pagsusuri sa mga akdang Pilipino gamit ang mga pagpapahalaga at karanasang Pilipino bilang panukat upang mahanap ang estetika nito at makakapag-ambag sa pagbubuo ng teoryang magtatakda ng pagka-Pilipino ng isang akda ay mahalaga.

 

Ang salitang estetika ay naglalarawan sa ganda ng isang likhang sining. Inihanay ni Virgilio Almario sa kanyang librong Taludtod at Talinghaga ang mga sangkap ng estetika ng katutubong pagtula. At ang mga ito ay ang tugma at sukat, balangkas ng pagpapahayag, at paggamit ng mga talinghaga. Ang paghahanap ng estetika sa pamamagitan ng mga sangkap na ito ay nakasentro sa nilikha.

 

Samantalang nilinaw naman ni Lumbera na ang "estetikang kanyang pinanghahawakan ay naglalagay sa mambabasa sa sentro ng talakayan, sa halip na ang likhang sining ang nakasentro. Ngunit hindi ito nangangahulugan na pagsasantabi ng likhang sining (Lumbera, p. 212)." Sinabi niya na ang dating ay walang permanenteng anyo at tindi. Ang tatsulok na binubuo ng akda, awtor at mambabasa ay nagbabago kasama ang lipunang kanilang kinapapalooban at ang pagbabagong iyan ay sinasabayan ng pagbabago ng relasyon ng tatlong sulok (p. 20).

 

Bagamat hindi pagpipirmi ng dating ang paglalarawan sa estetika ng ambahan ayon sa mga katangiang inihanay ni Lumbera, ito ay maaaring makapag-ambag ng dagdag na diin sa dating ng akdang Pilipino.

 

Sa mga Mangyan, ang konsepto ng kagandahan ay ang paglalagay ng kultura sa sentro ng kanilang buhay. Ang ambahan ay nasa sentro ng kanilang buhay at kultura dahil ang kanilang pang-araw-araw na mga danas ay itinatala ng ambahan. Gayon din naman na ang kanilang buhay ang sentro ng ambahan dahil dito humuhugot ng mga imahen ang manlilikha upang makapagbigkas ng mga ambahang kaya nilang unawain dahil nanggagaling ito sa kanilang kultura. Laging magkasama ang dalawang ito.

 

Ayon kay Lumbera, ang salitang dating ay maaaring gawing susi sa pagbubukas ng talakayan tungkol sa mga sangkap ng estetika ng panitikang Pilipino. Ang dating ay salitang ugat na ang ibig sabihin ay kaganapan o katapusan ng paglalakbay mula sa pinanggalingan tungo sa pupuntahan. Ito rin ay ginagamit upang tukuyin ang impresyon na iniiwan sa isang tao ng mukha, pananamit, salita at kilos ng isang indibidwal. Sa likhang-sining naman, ang dating ay destinasyon ng isang paglalakbay na nagaganap sa kamalayan (p. 212).

 

Sa pamamagitan ng tatlong tulang sinuri ni Lumbera sa kanyang akdang "Dating: Panimulang Estetika ng Panitikang Filipino," inilista niya ang mga katangiang masasabing dating na Pilipino. Sa papel namang ito, titingnan ang ambahan bilang isa ring kontribyutor sa pagpapatatag ng dating bilang konsepto ng estetikang Pilipino.

  1. Pangunahin ang kultura bilang pwersang tumitiyak sa dating ng isang akda.

  2. Ang kultura ay kabuuan ng mga pagpapahalaga, kaugalian, pananaw, paniniwala sa buhay na tinatanggap ng isang lipunan sa lahat ng panahon at sa anumang anyo nito.

    Ayon kay Lumbera, "ang alinmang paksain ay hango sa pakikipag-ugnayan ng manlilikha sa mundo. Ito ang dahilan kung bakit maisasaad na walang pasubali na ang dating ng akdang Filipino ay ispesipiko sa ating lipunan at ang estetikang nagtatakda ng mga pamantayan ay laging nakaugat sa konteksto ng lipunang Pilipino"(p. 219).

    Dahil ang ambahan ay isang tulang may panlipunang katangian, ito ay nagkakaroon lang ng kahulugan sa loob ng lipunan at kultura ng Mangyan. Samakatwid, masasabi natin na ang dating ng ambahan ay ispesipiko sa lipunan ng mga Mangyan. At ang lipunan ng Mangyan ay bahagi ng mas malaking lipunang Pilipino.

    Ang ambahan ay naglalaman ng mga imaheng nakapaloob sa kultura at kalikasang kinapapalooban ng mga Mangyan. Ngunit ang mga elementong ito ng kalikasan ay hindi nananatiling elemento lang sa kanyang panlabas na anyo kundi pumapasok ito sa kalooban ng mga Mangyan gamit ang kanilang kultura at lalim ng pakikipag-ugnayan sa kalikasan bilang susi sa pag-unawa at pagbibigay ng kahulugan dito.

    Magkunkuno ti Ambon

    Ka ud aw magkabayong

    Ud yi may kayo kumon

    Ud may suro may puon

    Kay Eba halamanon

    Kay Adan karan-unon

    Tunda nakan di siyon

    Banta may pagdaw-ayon

    Sa Bukid, sa Ratagnon

    Sa Baribi, sa Bangon

    Sa Mangyan, sa Damuong

    Bukon yi haligaynon

    Palungpungan kamagong

    Rinaw yi ti magbaylong

    Tig pagmatadong talon (#135)

    Sabi ni Ambon sa lahat:

    Hindi ka ba nalulungkot na tulad ko?

    Nasaan na ang punong kahoy na iyon?

    Wala na kahit ang puno at sanga

    Sa paraiso ni Eba,

    Ang pinagkukunan ng pagkain ni Adan.

    Ang dahilan kung narito iyon:

    Maaaring upang bisitahin

    Ng mga Bukid, Ratagnon

    Ng mga Baribi. Bangon

    Ang Mangyan, at Damuong.

    Hindi ito alamat!

    Ang Palungpong at kamagong

    Ay ilan lang sa mga nabuhay

    Sa makapal na kakahuyan

  3. Dahil bigkis ng kasaysayan ang lahat ng Pilipino, ang tulang umuungkat sa mga tao at mga pangyayaring makasaysayan ay may mas mariing dating.

Ang mga ambahang tumutukoy sa iba’t ibang pangalan ng bigas ay nagtatala sa kasaysayan ng agrikultura sa pamayanan ng Mangyan. Ang mga pangalang kasignayan, kinagaykay, binagunhon, kabasag at kadato, ay mga uri ng mga bigas na hindi na ngayon makikita dahil kasabay ng pag-akyat ng mga tagapatag sa lupang ninuno ng mga Mangyan at pagpapapatitulo sa kanilang mga lupain, ay nawala rin ang kalakhan ng mga kainging pinagtataniman nila ng mga palay na ito.

 

Kung babasahin natin ang mga ambahan tungkol sa iba’t ibang mga uri ng palay at iuugnay sa danas ng mga Mangyan na inagawan ng lupa, ang pagtatala ng iba’t ibang uri ng palay ay maaaring pagtala sa isang bahagi ng kasaysayan nila na sagana sila sa pagkain dahil sila ang may-ari ng kanilang lupa at hawak nila ang kanilang mga binhi. Ang pagkawala ng mga varayti ng palay na itinatanim nila ay kasabay ng pagkaubos ng kanilang lupang ninuno dahil sa pagpasok ng tagapatag at iba’t ibang industryang lumapastangan sa kanilang katutubong tradisyong nakaugat sa lupa.

 

Mahalagang tandaan na hinahango sa kasaysayan ang mga pangyayari upang meron tayong ugnay sa nakaraan, ugnay na kung mumuniin ay nagbibigay ng identidad na nagdudugtong sa nakaraan at kasalukuyan.

 

Kang paray binagunhon

Mataypog na bayuhon

Malibog na pasiryon

Pasbali bay no kumon

Kang yi waydi isungon

Sanak nasayan-on (#143)

Ang Binagunhon ay may maliliit na butil

Kung babayuhin mo, madudurog

Mahirap tahipan

Pero kung ganyan ang mangyayari

Madali kong susukuan

Pero sa bata ito ay isa lang laro!

 

Ayon kay Rosario Torres-Yu (Torres-Yu, xiv), sa pagsusuri makikita kung ano ang bumubuo sa pagkatao ng Pilipino, kung ano ang mga pagpapahalaga niya. Dito rin makikilala ang mga sikap, suliranin at sigalot na pinagdaanan ng mga kasali sa pagbubuo at paggamit ng panitikan, gayundin ang mga kondisyong pang-kasaysayan at panlipunang nagluwal sa mga ito. Sa maikling sabi, sa pamamagitan ng panunuring pampanitikan, matutunghayan natin ang kabuuang proseso ng pagbubuo ng isang komunidad, at ang buhay ng isang lahing bumuo ng sarili nilang mga pamantayan at pagpapahalaga.

 

Isa itong hamon, samakatwid na kilalanin natin ang ating sarili: ang ating lahi, ang ating pagka-Pilipino at ang ating pagkabansa para makapagbuo tayo ng isang lipunang matatag at malaya sa anumang dikta ng mga dayuhang nagsasabi o sinasabing mas makapangyarihan.

 

 

PAGBABALIK SA KABUNDUKAN NG HALCON

 

Ang paggigiit na ang ambahan ay sa kanila sa kabuuan nitong anyo ay paggigiit na ang mga Mangyan man ay may kultura at panitikang hindi maaangkin o maililipat sa iba pang lugar maliban sa mga pamayanang iniikutan nila. Maaaring sa pagbaba ng mga Mangyan sa kabayanan ay makapagsulat sila ng mga ambahang may kinalaman sa kanilang mga kanasan sa kabayanan, ngunit hindi nito mababago ang panloob at panlabas na istruktura ng ambahan dahil ito ay naisulat na at naitakda ng kanilang mga karanasan.

 

Sa ganitong pananaw, sa palagay ko, ang magiging kontribusyon ng ambahan sa estetika ng dating ay ang kahalagahan ng matatag istrukturang panloob na nakaugat sa ispesipikong kultura, mga karanasan, paniniwala, at pagpapahalaga na hindi maihihiwalay sa kultura ng pinagmulan ng panitikan.

 

Mas madaling basahin at maintindihan ang ambahan kung lagi nating iisipin na ito ay binuo na ang sentrong imahen ay ang kultura ng mga Mangyan at ang sentrong buhay nito ay ang buhay ng mga Mangyan. Ang ambahan bilang kontribyutor sa estetika ng dating ay nakasalalay rin sa pagtanggap sa mga Mangyan bilang kontribyutor sa paglikha ng panitikang pambansa.

 

Sinabi ni Lumbera na ang mga larawan at gunitang laman ng ating isipan ang nagtatakda kung paano natin tutugunan ang mga likhang-sining. Sinabi rin niya na may tatlong kategorya ang laman ng ating isipan. Ang mga ito ay 1) ibinunga ng personal na pagdanas ng indibidwal sa mundo; 2) pagpapahalaga at kapakanang pinangangalagaan ng indibidwal batay sa panlipunang pormasyong kinapapalooban niya; at 3) ang mga mithiin at adhikaing tinanggap niya mula sa tradisyon at kasaysayan ng lipunang kanyang kinabibilangan (Lumbera, p. 213).

 

Ang ambahan ay bunga ng matagal na panahong dinanas ng mga Mangyan ang Halcon at ang kulturang nabuo sa kaligirang ito bunga ng matagal na panahong pakikipagniig nila sa iba’t ibang karanasang nakapaloob dito. Kasama na sa mga karanasang ito ang kanilang pakikipaglaban sa iba’t ibang pwersang nakapasok sa kanilang teritoryo.

 

Ngunit tulad ng iba pang karaniwang mamamayang Pilipino na inalisan ng kapangyarihang magpasya para sa sarili, itinatakdang kakaiba dahil nakakatawa, upang ituring na iba at hindi kasali sa mas malawak na lipunan, nasa laylayan ng lipunan, nasa gilid ng lipunan, nasa liblib ng lipunan, ang ambahan ay isang paggiit na ang kultura ng mga Mangyan na inilagay sa liblib ng Halcon, sa liblib na tinatanaw na ring larangang maaari pang pag-agawan ng kapangyarihan at lupa, ay isang balon ng kasaysayan at identidad ng mga Pilipino, na ito ay may kakayahang magbigay ng kontribusyon sa pagbubuo at pagpapalakas ng estetika ng dating bilang isang pagbasa at pagtingin sa panitikang Pilipino, sa pagbubuo ng panitikang pambansa.

 

At sa pagbabalik sa kabundukan ng Halcon, ibabalik ang karbungko sa haring ahas at ibabalik niya ito sa mga bantay ng lupa at kasaysayan. Muling lilitaw ang gintong baka at maglalaho sa kalagitnaan ng Halcon dahil naroon ang kayamanan ng Mindoro, ang mga Mangyan at ang kanilang ambahan. At babalik ang santelmo upang habulin at wasakin ang sinumang magtatangkang mag-alis ng kayamanang ito upang wasakin at kalimutan.

 

Ang mga kwento ng karbungko, santelmo at gintong baka ay muling mananahan sa dibdib ng Halcon upang bantayan ang tradisyong minana at ipinasa ng mga naunang Mangyan sa kasalukuyang mga Mangyan at sa mga Mindoreno upang maging bahagi ng panitikang pambansa, kontribyutor sa pagbubuo ng dating ng estetika sa panitikang Pilipino.

 

 

_____________________________________

Binasa sa:

 

Lumbera Lecture Series

Ortigas Room, Main Library

De La Salle-Manila

October 17, 2007

 

Asian Studies Conference

Bulwagang Sala’am

Romulo Hall, UP Diliman

November 25, 2007

 

BATIS

 

Mga Libro:

Almario, Virgilio S. Taludtod at Talinghaga: Mga Sangkap ng Katutubong Pagtula. Quezon City: Anvil Publishing, 1991.

Lopez, Violeta B. The Mangyans of Mindoro: An Ethnohistory. Quezon City: University of the Philippines Press, 1976.

Lumbera, Bienvenido L. Writing the Nation/Pag-aakda ng Bansa. Quezon City: University of the Philippines Press, 2000.

Postma, Antoon. Mangyan Treasures: The Ambahan. 3rd Revised Ed. Panaytayan, Oriental Mindoro: Mangyan Heritage Center, 2005.

Postma, Antoon. Mga Ambahan Mangyan: Mangyan Treasures. Monograph #2. Mansalay, Oriental Mindoro: Mangyan Assistance & Research Center, 1989.

Scott, William Henry. Barangay: Sixteenth-Century Phiilippine Culture and Society. Katipunan Ave., Quezon City: Ateneo de Manila University Press, 1997.

Torres-Yu, Rosario. Kilates: Panunuring Pampanitikan ng Pilipinas. Quezon City: University of the Philippines Press, 2006.

 

Internet:

http://www.mangyan.org/ambahan/index.html