Pilipino Literature

Link to Homepage

 


proud to feature award-winning Pilipino Literary artists and those aspiring ones from Mindoro 

 

SPONSOR SITES:  sponsor #1    sponsor #2     sponsor #3   sponsor #4    sponsor #5

 

ULAHING

By Rowena P. Festin

 

NAKALUTANG sa hangin ang umaalingasaw na amoy ng mga nabubulok na bagay. Tila ba bangkay na unti-unting naaagnas at ang paligid ay tila tanod ng pagkabulok. Ang bahay ay sapat na testimonya ng kahirapan: tagpi-tagping dingding at bubong, naghihingalong mga haligi at hagdan.

Tanging huni ng mga panggabing ibon at pabugso-bugsong hiyaw ng mga hayop ang nagsasabing may buhay sa ulilang bahayang iyon sa gitna ng karawagan.

Isang kubo sa gitna ng karawagan ang may aandap-andap pang liwanag. Gising pa si Dayao. Nakatalungko sa tabi ng abuhan na laging kinasasabitan ng isang yupi-yuping kaserola ng tubig. Matipuno ang katawan ni Dayao, sunog ang balat. Lipakin ang mga kamay at malapad ang mga paa. Sapat siyang larawan ng Katutubong hinasa ng linang at kaingin.

Nakaluksa pa rin si Dayao, ang lahat ng mga Katutubo. Pinaslang ng mga dayuhan ang kanilang datu, si Datu Ampatulid. Ang kanyang kamatayan ay tila ba bangungot na paulit-ulit kung dumalaw sa lahat. May hatid na nakabibinging alingawngaw, nakamamatay na pagsumbat.

Mahusay na pinuno si Datu Ampatulid. Sa buong panahon ng kanyang pamumuno, hindi nadamay sa anumang gyera ang mga Katutubo. Lahat ay payapang nakakapangaso sa mga karatig na kagubatan. Ang mga ilog at sapa ay lagi’t laging tumutupad sa mga pangakong sariwang isda at dalisay na tubig. Sagana ang kagubatan, ang kaingin. Maamo ang mga hayop at ibon.

"Mga hayop sila! Magnanakaw! Mamamatay-tao!" nakisabay sa sigaw ng mga panggabing hayop ang daing ni Dayao. Muling tumugon ang nag-aagaw-pahingang alaala ng kamatayan ng datu, mga alaala ng tunggalian at prinsipyo.

"Hindi! Hindi ninyo makukuha ang lupa! At kailanman, hindi ninyo magiging pag-aari ang Ulahing." Umaalingawngaw ang matandang tinig ng datu.

"Talaga naman palang matapang ang matandang ito. At ano naman ang katunayan na hindi nga naming maaaring maangkin ang lupang ito?" Sumabay sa bugso ng hangin ang malakas na boses ng dayuhan.

"Ang matatandang puno, mga ilog, malalaking tipak ng bato sa paligid, hindi pa tayo naisisilang ay nariyan na sila. Paano magiging inyo ang mga bagay na higit na mahaba ang buhay kesa sa inyo?|

Kinagabihan, tinipon ni Datu Ampatulid ang lahat ng mga Katutubo.

"Gusto ng mga dayuhan na kunin ang Ulahing. Tatamnan raw nila ng pinya. Malaki raw ang maitutulong nito sa ating kabuhayan. Ngunit tumanggi ako. Sinabi ko na hindi nila maaangkin ang lupa dahil ipinagkatiwala ito sa atin ng mga Bathala."

Umugong ang bulungan. Maliwanag sa kanilang mukha ang pag-sang-ayon sa kaniyang sinabi.

"At hindi nila makukuha ang lupa dahil iingatan natin ito. Tutulungan tayo ng mga Bathala at Diwata ng Ulahing."

Sa lagablab ng apoy sa kalagitnaan nila, lalong tumingkad ang edad ng datu. Nangingintab ang kanyang sunog na balat, namamalirong na mga labi, malapad na mga paa at puting buhok. Katawang pinatibay ng kaingin, linang, bagyo, init. Katauhang pinatatag ng prinsipyo at katapatan.

"Dito tayo isinilang. Dito tayo mamamatay. Dito lang maaaring umusbong ang salinlahi ng Katutubo. Dito nakaugat ang ating buhay. Tayo ang nagbukas at nagyaman ng mga bukid at kaingin. Kung papayag tayong makuha nila ang lupa, ano ang ipapamana natin sa ating mga anak? Kahihiyan? Karuwagan? At ano ang gagawin sa atin ng ating mga Bathala sa ating pagpapabaya?"

Tahimik ang lahat. Maging ang kagubatan ay nakikiisa sa kanilang karanasan. Pumagitna ang datu, hawak ang sibat at kalasag. Sinabayan ng agong ang bawat padyak ng kanyang mga paa at kamay. Sumunod ang kalalakihan. Nagbabadya ng unos ang bawat bagsak ng kanilang mga paa sa lupa. Ang bawat hiyaw ay nakikipagsabayan sa agong.

Inawit ng kababaihan at kabataan ang awit ng pagtatagumpay:

O Katutubo

Papangibabawan mo

Ang latay ng pag-aalipusta

Didiligin mo ng dugo ang Ulahing

Pagbabanalin ng iyong pagtatanggol

Ang magiging alaala ng digmaan

At mula sa iyong sinapupunan

Sisilang ang bagong lahi

Na dadakilain ng bagong panahon

Abo na lang ang natitirang abuhan. Gising pa si Dayao. Sapo ang ulo. Tumatangis.

"Datu! Ama ko! Patawarin mo ko, ang Katutubo, ang aming karuwagan. Gabayan ng iyong espiritu ang aming diwa. Patatagin ng iyong adhikain ang aming katawan."

Ang bakas ng kamatayan ng datu ay paulit-ulit na nagwawasak sa kanyang pamamahinga. May dalang kuing anong agunyas na unti-unting pumapaslang sa alaala ng kanyang pagtalikod sa sigaw ng Ulahing, sa sigaw ng lupa.

"Nasabi ko na ang nasabi ko na, dayuhan. Hindi nami ipagpapalit sa anumang halaga ang lupang ito. Sukdulang dumanak ang dugo. Handa kami sa anumang pagtutuos."

Ngunit hindi iyon sapat upang talikuran na ng mga dayuhan ang balak na pag-angkin sa lupa. Minsang nangaso ang datu ay hindi na muling nagbalik. Ilang maghapon at magdamag ang naghintay at naghanap bago nila natagpuan ang kanyang katawan sa isang malaking bato sa tabi ng ilog. Kinakain na ng lupa ang kanyang matandang katawan ngunit nabigong itago nito ang karahasang dinanas niya: mga paang itinali sa bato, durog na mga kamay at daliri, bibig na sinupalpalan ng lupa, pinutol na dila. Tatlong bala ang lumusot sa kanyang dibdib.

Rekiyem ang awit ng agos ng ilog. Maging ang ilang nakasaksing ibon ay tumangging awitin ang kanyang daing bago siya nalagutan ng hininga.

At ang kamatayan niya ay nasundan pa ng kamatayan ng ilan pang mga Ama, Inak, Anak.

Muli, panibagong alaala ng pagpaslang ang bumangon.

Tapos na ang maghapong pakikipagniig sa lupa, sa kaingin. Nagpapahinga na ang mga Katutubo nang pinukaw sila ng mababangis na sigaw, nangungutyang halakhak. Pinalabas silang lahat, pinaharap sa dingding, inumangan ng baril, pinalo, sinipa, sinampal. Ginahasa ang mga babae, nilapastangan ang matatanda. Tila bumaba ang isang kawan ng demonyo sa bangis ng kanilang halakhak. Tila apoy na nalaglag mula sa impyerno ang buga ng kanilang mga baril. Nakakapangilabot ang taghoy na inihatid ng kamatayan, pag-alipusta sa Katutubo, sa lupa.

Tumahimik na ang mga hayop-gubat. Nabibingi na ang mga gabing hinaharana ng putok at iniilawan ng mga nasusunog na bahay. Ang daing ng Ina ay lumulutang sa hangin, nanunuot sa bawat himaymay ng kalamnan ng bawat makakarinig.

Natutuyo na ang mga ilog. Umiilap na ang mga hayop. Ang mga ibon ay lumuluha sa tabi ng mga bangkay ng inakay na nahulog sa pugad. Ang mga dalisdis ay nagbabadya ng sumpa ng mga Bathala at Diwata.

Ang mga hayop ay napapalitan na ng mga makinang lumilikha ng pagguho sa mga bundok, natitiban ang matatandang puno at nadudurog ang malalaking tipak ng bato na maraming panahon ding nagsilbing tanod, muhon ng kanilanng matandang lupa.

May dulot na kirot sa lupa ang bawat sakyod ng greyder at buldoser. Unti-unti, dahan-dahan, naglalaho ang Ulahing. Unti-unti, dahan-dahan, ang dating makapal na gubat ay napapalitan ng matatalim na dahon ng pinya at kalbong bundok. At mabilis, ang dating amoy ng mga damo ay napapalitan ng amoy ng lason, usok, alikabok. Ang huni ng mga ibon ay natabunan ng atungal ng mga makina, dagundong ng mga gumuguhong bundok, hiyaw ng paggiba.

Para sa matatandang Katutubo, ang bawat bagsak ng matatandang puno at pagguho ng mga bundok at burol ay kabawasan sa kanilang buhay dahil nakaugat na ito sa lupa. Ngunit ano nga ba ang kanilang magagawa? Matanda na sila. Wala na ang Datung dapat ay mamumuno sa kanilang pagtanggi sa pagwasak ng Ulahing. Kailangan nila ang isang bagong pinuno ngunit kailan siya babasbasan ng mga Bathala? Kung tuluyan nang nawasak ang lupa? Ang Ulahing? Kung tuluyan nang naglaho sa lupa ang huling lahi ng Katutubo.

Lumipat sila ng lugar. Kailangan nilang iwasan ang galit ng mga Bathala. Nabigo silang ipagtanggol ang Ulahing. Wala silang nagawa kundi matakot, iwanan ang lupa, pabayaan ang mga dayuhan na wasakin ang lupang ipinagkatiwala sa kanila.

Ngayon, narito sila sa gitna ng kagubatan. Nagtatago sa sumpa, sa galit ng mga Bathala at Diwata. Pilit inililigaw ang alingawngaw ng tinig ni Datu Ampatulid. Ngunit ang tinig ay nasa bawat sulok ng kanilang isipan. Pilit gumagawa ng guwang, lumalaking guwang upang makalaya sa bilangguan ng kanilang karuwagan. Alingawngaw na may dala ring halakhak ng dayuhan, nangungutya, nanlalait na halakhak.

"Ama ko. Patawarin mo kami, gabayan kami ng iyong diwa, ng iyong espiritu. Ilayo kami sa sumpa, sa galit ng mga Bathala."

Kahapon lang, tatlong batang Katutubo ang namatay sa gutom. Wala kasing makunan ng sapat na pagkain sa lugar na iyon. Natutuyo na ang mga ilog at wala nang gaanong hayop na naliligaw. Kakaunti na ang mga punong maaaring pagkunan ng pagkain. Bunga ito ng pagkakalbo ng kagubatan. Muli, bumangon ang matandang tinig.

"Dito nakaugat ang ating buhay. Kung maaagaw nila ang lupa, unti-unti tayong mamamatay, maglalaho sa lupa. Maglalaho ang Ulahing, ang Katutubo."

Pinutol ng sunod-sunod na katok ang gunita ni Dayao.

"Dayao! Dayao! Naghihintay na kami sa iyo. Mag-uumpisa na ang seremonya. Magliliwanag na."

Mag-uumaga na pala. Pumupula na ang silangan. Naglalaho na ang hamog. Nakita niya ang mga Katutubo. Ngayon nga pala siya ihahandog sa mga Bathala at Diwata. Siya ang papalit kay Datu Ampatulid.

Napangiti si dayao sa mga pangitain ng namumurok na mga bunga, saganang ilog, kagubatan, kaingin, at mas matatag na salinlahi ng Katutubo.

Masigla ang lahat. May bahid ng sigla dahil sa katuparan ng isang pangako sa kanilang mukha. Hahanapin nila ang Ulahing. Ibabalik sa Katutubo. Ibabalik nila ang buhay ng Katutubo. At unti-unti, maglalaho ang sumpa ng mga Bathala at Diwata.

Ang mga pagguhong nilikha ng kanilang karuwagan ay magsisilbing alaala ng kanilang pag-asa sa isang pinuno at paalaala na sila ay Katutubo, nabubuhay sa Ulahing, sa lupa, at may malaki silang responsibilidad na alagaan ito, ingatan, anuman ang mangyari, anuman ang panahon.

Sisimulan nila ang pagbabalik-loob sa lupa.

 

1989/Quezon City

 ********************

 

UMAGA NG TAG-ARAW SA SAN ROQUE

      By  Rowena Festin

 

humuhuni ang mga batu-bato at kilyaw

ginigising ang tinanghaling sikat ng araw

at pinatutulog ang puyat na bukaw

sadyang mainipin ang mga dahon ng akasya

kaya inuunahan nila sa pag-inat ang papaya

magugulatin ang tutubing karayom

kaya bumubulong lang ang bubuyog

at tumitingkayad ang tipaklong

samantalang nakakapit pa ang hamog

sa mga dahon ng niyog.

 

******************************************

 

Alamat

By Rowena Festin

Hanggang ngayon

Ayaw maniwala ng aking mga anak

Tuwing babanggitin ko

Ang tungkol sa San Roque

Habang nagbabasa kami

Ng mga kwento tungkol sa mga diwata, agimat

At iba pang kababalaghan.

Ayaw nilang maniwala

Na dati, nanghuhuli kami ng mga gagamba

At nag-uuga ng salagubang at salaginto

Sa gubat-gubatang malapit sa bahay

Tuwing katatapos ng ulan.

Na dati, inaakyat namin sa niyog ang kuray

At namimingwit ng puyo at hito

Sa ilug-ilugang nasa dulo ng gubat-gubatan.

Na dati, pampalipas-pagod namin

Ang pagkutkot ng kurukutok sa buhangin

Habang inuusal ang dasal:

"Kurukutok, asan si Nanay?

Wala dito, bili ng papay."

Ayaw nilang maniwala

Na dati, palay, mais at sorgum ang tumutubo

Sa malawak na lupang

Tinutubuan na ngayon ng mga subdibisyon,

Na dati, asul at berde ang engrandeng Halcon

Na ngayon ay uka-uka na at kulay kape.

Ayaw nilang maniwala

Na dati, hindi basura kundi makikinis na bato

Maliliit na alimango at kangkong-alat

Ang nasa pampang ng aming dagat,

Na dati, paminsan-minsang may naliligaw

Na pawikan at balyena

Sa abot ng aming tanaw

Bago ang mga barkong pangisda.

At dati, napakaraming alamat

Tungkol sa karbungko at santelmo

Bago ito pinatay

Kasama ng mga Mangyang inagawan ng bundok.

Naisip ko tuloy, sa susunod na magkukwento ako,

Papangalanan ko itong alamat

Maniniwala na sila marahil

Tulad sa mga kwento ng kababalaghan.

 

 

Halcon ng Aking mga Pangarap

By Rowena Festin

Kung malalaman ng mga kakilala

Na ako’y taga-Mindoro

Una nilang tanong kung totoo

Na may buntot ang mga taga-Mindoro

O kung nakatira nga ba sa puno

At laging may kakabit na unggoy.

Kibit-balikat lang at ngiti

Ang sa kanila’y tugon ko lagi.

Kasama ko ang Mangyan

Mula pa noong kabataan

Mula sa bintana ng aming tahanan

Tinatanaw ko ang Bundok Halcon

Na dungawan ng araw sa umaga

At kasayaw ng ulap sa hapon.

Dala ko hanggang sa paglaki

Ang larawan ng Mangyan:

Ang inang Mangyan

Sukbit ang sanggol habang nagkakaingin

Iniisip ang huli ng patukba na iniwan sa ilog

At ang taro na nakabilad sa kainitan.

Ang amang Mangyan na abala sa paggagamas

Upang yumabong ang saging at palay

Habang iniisip ang ligaya sa tahanan

Na uuwian mamayang hapunan

Lalo’t may huli nang usa

Ang bitag na iniwan sa bukana.

Ang dalagang Mangyan

Na hinahanap sa gubat ang nito at kawayan

Na mahusay gawing basket at tapi sa katawan

Habang nangingiti sa inalay na ambahan

Ng binatang kagustuhan.

Ang batang Mangyan na sinasaliksik ang mga lagusan

Ng bawat ilog at kweba habang sinasanay ang katawan

Sa matatarik na talampas.

Ang pamilyang Mangyan

Sama-sama

Nakapilang umaahon

Sa Halcon ng kanilang mga pangarap

Sa pundasyon ng kanilang kasaysayan

Sa binhi ng kanilang kinabukasan

Habang ibinabaon sa lupa ang hugis ng mga paa

Sa Halcon na bantayog ng kanilang lahi

Sa Halcon na buong tikas na nakayakap sa mga ulap

At matatag na nakakakapit sa patag

Habang dinidiligan ng kanyang mga ilog

Ang mga taniman

At hinahalimhiman ang mga tahanan.

Kung malalaman ng mga kakilala

Na ako’y taga-Mindoro

Una nilang tanong kung totoo

Na may buntot ang mga taga-Mindoro

O kung nakatira nga ba sa puno

At laging may kakabit na unggo.

Kibit-balikat lang at ngiti

Ang sa kanila’y tugon ko lagi

Habang matikas na tinatalunton

Ang Halcon ng aking mga pangarap

At tinatatagan ang kapit ng mga paa sa lupa.

 

Wena Festin, as she is fondly called by friends, ay ang nakatayo sa pinakakaliwa at naka pony-tail. Kasama ang kanyang mga kaibigan na kasapi ng Mindoro Collegiate Society (MCS) sa PICC, Manila noong 1982. Nasa litrato sina Rose Janairo, Rolyn Delos Reyes, Fe Marigmen, Nemia Malapote, Jun Perez, Sonny Conti, Jun Ignacio, May Tayag, Lydia Delmo, Bowie Infantado, Claro Recto at iba pa.  Ang MCS ay organisasyon ng mga estudyanteng nag-aaral sa Maynila na mga taga-Mindoro, Oriental at Occidental.

Rowena

Festin

St. Joseph School        Batch 1982

-  winner of the 1989 Palanca Award for Literature:

 Filipino Short Story

- teaches in La Salle

- member, Mindoro Collegiate Society (MCS)

 

 

The Palanca Awards or Don Carlos Palanca Memorial Awards for Literature is the Philippines' most prestigious and most enduring literary awards and is dubbed as the "Pulitzer Prize" of the Philippines. Most, if not all, important or major Philippine authors have one or more Palancas in their belts. For some, especially to a young fictionist or poet, winning a Palanca is a sort of a "baptism of fire" denoting or announcing that one has arrived in Philippine literary circles.