Kasiguruhan ng Kaligtasan

May kasiguruhan sa katotohanang kung nasaan ang katawan ay naroon ang ulo; at kung paanong si Jesus ay umakyat sa langit, ang kanyang Simbahan ay siguradong makakasama niya. Hindi nangangapa sa kawalan ang mga alagad ni Jesus, sa halip ay “tumatakbo patungo sa isang tiyak na hangganan” (1 Co 9:26). Walang kabuluhan ang paniniwala kung ang pinaniniwalaan ay hindi pala maaasahan. Tapat ang nagsabing “Babalik ako at isasama kayo sa kinaroroonan ko” (Jn 14:3).
Pero sino ba ang may kasiguruhan? Ang mga taong naniniwalang pinatawad na sila ng Diyos? Ang mga tumanggap kay Jesus bilang Panginoon at personal na Tagapagligtas? Ang mga myembro ng Simbahan?

Totoo, ang nagsisi at humingi ng tawad sa Diyos sa pamamagitan ni Jesus ay pinatawad nga at naging malaya upang hindi na paalipin sa kasalanan; pero kung ang pinatawad ay muling bumalik sa pagpapaalipin sa kasalanan, muli nga siyang maaalipin (R 6:16) at hindi malaya ang isang alipin. Kaya bilang paghamon at pagbibigay-linaw sa kaisipan ng malalabo pang mangatwiran, sinabi ni Pablo, “Maaari ko ring sabihin, ‘ Malaya akong gumawa ng kahit ano,’ ngunit hindi ako paaalipin sa anumang bagay” (1 Co 6:13). Ibig bang sabihin ay hindi kayang ipagsanggalang ni Jesus ang mga pinalaya niya? Walang hindi kayang gawin si Jesus para sa kanyang mga tinawag dahil ang lahat ng bagay ay sama-samang gumagawa para sa ikabubuti ng mga nagmamahal sa Diyos (R 8:28). Pero ang kapatawarang tinanggap natin ay hindi nag-aalis ng ating kalayaang pumili kung mananatili tayo sa malayang buhay na ibinigay ng Diyos o muli tayong magpapaalipin sa kasalanan. Kaya ang sulat sa mga Hebreo ay nagbababala sa atin: “Kung matapos nating makilala at tanggapin ang katotohanan ay magpatuloy pa rin tayo sa pagkakasala, wala nang haing maihahandog sa ikapagpapatawad ng ating mga kasalanan. Wala nang natitira kundi ang nakapangingilabot na paghihintay: ang Paghuhukom at ang nangangalit na apoy na tutupok sa mga kalaban ng Diyos” (He 10:26-27).

May kasiguruhan din ba ang mga nagsasabing tinanggap nila si Jesus sa kanilang buhay bilang Panginoon at personal na Tagapagligtas? Sa talinghaga ng maghahasik, ang batuhan ay lumalarawan sa mga taong buong-galak na tumanggap sa Salita ngunit nanlamig nang dumating ang kahirapan  o pag-uusig. Tinanggap si Jesus at ang kanyang mga salita, ibig bang sabihi’y ligtas pa rin sila kahit tumalikod silang muli sa Diyos? Ang iba nama’y parang dawagan na tumanggap sa Salita, pero naging maibigin sa kayamanan at mapaghangad sa iba pang mga bagay. Mananatili ba silang ligtas kahit nawalan na ng puwang sa kanilang puso ang Salita? Sila ang tinutukoy ni Pablo na dahil sa paghahangad na magkamal ng salapi ay napalayo sa pananampalataya at nasadlak sa paghihirap ng kalooban (1 Tm 6:10). Pinaghaharian pa rin ba sila ng Diyos kahit tumalikod na sila sa pananampalataya sa pamamagitan ng pagwawalang-halaga dito? Isa lang ang maaaring paglingkuran, ang Lumikha o ang linikha; Diyos o kayaman (Mt 6:24) Ang pagsasabing si Jesus ang Panginoon ay hindi kasiguruhan ng kaligtasan: “Hindi lahat ng tumatawag sa akin, ‘Panginoon, Panginoon,’ ay papasok sa kaharian ng Langit, kundi yaon lamang sumusunod sa kalooban ng aking Amang nasa langit (Mt 7:21);

Ang pagiging myembro ba ng Simbahan ay kasiguruhan ng kaligtasan? Sina Ananias at Safira sa panahon ng pamamahala ni Pedro ay myembro ng Simbahan hanggang bago sila mamatay. Ang hatol bang kamatayan sa kanilang dalawa ay nangangahulugan ng pagpapabilis ng pagharap nila sa Diyos? Kung siguradong nanatili silang ligtas sa kabila ng kanilang pagkakasala sa Espiritu Santo, hindi na parusa ang bigla nilang kamatayan kundi gantimpala. Ganito rin ang kaso ng mga taong tinutukoy ni Pablo na nangamatay na dahil sa pagkain ng tinapay at pag-inom sa saro ng Panginoon nang hindi nagpapahalaga sa katawan ng Panginoon (1 Co 11:27-30). Sila ay mga taong tumanggap ng kapatawaran, tumanggap kay Jesus bilang Panginoon at Tagapagligtas, at mga myembro ng Simbahan; pero kung tatanungin, ayon sa pagkaunawa natin sa turo ng Biblia, naligtas ba ang mga taong ito? Kung sila ay hindi naligtas dahil nagkasala sila matapos tanggapin si Jesus, nangangahulugan na ang pagtanggap ng kapatawaran, paniniwalang si Jesus ang Panginoon at Tagapagligtas, at ang pagiging myembro ng Simbahan ay hindi kasiguruhan ng kaligtasan. Sa kabilang banda, kung sila naman ay naligtas, nangangahulugan na ang pagkakasala nila ay nagdulot sa kanila ng gantimpalang makasama ang Diyos nang mas maaga. Ligtas ba sila o hindi?

Isang kaso pa ang pagmumulan ng tanong: ang kapatid na taga-Corinto na iniutos ni Pablong ibigay kay Satanas—“Ibigay ninyo siya kay Satanas upang mapahamak ang katawan at nang maligtas ang kanyang espiritu sa Araw ng Panginoon” (1 Co 5:5). Aling araw ng Panginoon ang tinutukoy ni Pablo? Ang araw ng Linggo? Ang araw ng kamatayan ng kapatid? O ang Paghuhukom? Ito ay tumutukoy sa araw ng pagbabalik ni Jesus upang hatulan ang mga buhay at ang mga patay. Ang utos na ito tungkol sa isang kapatid na patuloy na nagkakasala ay nagbigay kasiguruhan sa kanyang kaligtasan pero hindi ito magaganap habang siya ay nasa buhay na ito, o kahit sa kanyang pagpanaw, kundi sa Araw ng Panginoon. Kung hindi pa ganap ang kanyang kaligtasan kahit sa araw ng kamatayan ng kanyang katawan, at hindi rin naman hinatulang mapahamak ang kanyang espiritu, ano ang kanyang kalagayan ngayon? Ang estado ring ito ang tinutukoy ni Jesus kung saan ang kaluluwa ay naliligtas pero hindi sa buhay na ito. Ibig bang sabihi’y mayroon pang pagkakataong magsisi ang mga nasa kabilang buhay na at makatanggap pa ng kapatawaran? Sinasabi ni Pablo na ligtas na ang mga mananampalataya ngunit hindi pa ganap ang kaligtasang ito (R 8:24-25). Ibig bang sabihin ay medyo ligtas pa lang tayo? Hindi, ibig sabihi’y tinanggap na natin ang pangako ng kaligtasan—at tapat ang nangako—pero hindi pa ito nagaganap dahil wala pa tayo sa harapan ng Diyos. Halimbawang ang sinakyang barko ng isang tao ay nagsimulang lumubog, masasabi niya nang may kasiguruhan na siya ay nasa panganib at nangangailangan ng tagapagligtas. Kung makalipas ang ilang sandali ay matanggap ng taong ito ang balita na parating na ang mga magliligtas sa kanila, buong pag-asa niyang masasabi niya sa sarili, “Ligtas na ako,” pero hanggat wala pa siya sa lupa, hindi pa ganap ang kanyang kaligtasan. Ganito rin ang ibig sabihin ni Pablo, at ito rin ang prinsipyo ng kaligtasang tinutukoy ni Jesus tungkol sa mga kaluluwang hindi pa humaharap sa Diyos kahit pumanaw na sa buhay na ito. Ang kapatawaran ay hindi nila tinanggap sa kabilang buhay kundi bago pa man sila umalis sa mundo, lamang ay nananatili pa ring hindi ganap ang kanilang kaligtasan dahil wala pa sila sa harap ng Diyos. Bagamat ganap ang pagpapatawad ng Diyos, ang kanilang kasalukuyang kalagayan ang dahilan kung bakit masasabing hindi pa sila napapatawad. Ang pagharap nila sa Diyos ang kapatawarang tinutukoy ni Jesus; ang kaganapan ng kanilang kaligtasan.

Sino, kung ganun, ang makasisiguro sa kanyang kaligtasan? Nagbababala si Pablo sa mga Cristianong nagiging kampante na para bang siguradong-sigurado na sa kanilang kaligtasan: “Kaya nga, mag-ingat ang sinumang nag-aakalang siya’y nakatayo, baka siya mabuwal” (1 Co 10:12). Hindi kailanman nagdudulot ng kaligtasan ang presumpsyon, gaano man kasigurado ang tao sa kanyang inaakala. Ang ganitong mga tao rin ang tinutukoy ni Jesus: “Pagdating ng huling araw, marami ang magsasabi sa akin, ‘Panginoon, nangaral po kami at nagpalayas ng mga demonyo, at gumawa ng mga kababalaghan sa inyong pangalan!’ At sasabihin ko sa kanila, “Kailanma’y hindi ko kayo nakikilala. Lumayo kayo sa akin mga mapaggawa ng masama!’ ” (Mt 7:22-23). Si Pablo mismo ang nagpakita ng halimbawa kung paano dapat magbantay laban sa pagiging kumportable at sigurado: “Pinahihirapan ko ang aking katawan at sinusupil ang sarili, baka pagkatapos kong mangaral sa iba ay ako naman ang itakwil” (1 Co 9:27). Kaya lagi niyang ipinaaalala na pagtrabahuhan ang sariling kaligtasan nang may takot at panginginig (Ph 2:12), at pagsumakitan ang mga bagay na nasa langit (Col 3:1). Makasisiguro lang tayo sa ating kaligtasan kung gagawin nating ang mga bagay na ito, sa gayo’y ang kalooban ng Amang nasa langit. Ang minsang pagtanggap kay Jesus ay hindi kasiguruhan dahil “ang manatiling tapat hanggang wakas ay siyang maliligtas” (Mt 24:13).

Comments