ni Fanny Garcia
May isang batang babaeng lumaki sa kahirapan. Dahil salat sa maraming bagay, madalas siyang makaranas ng diskriminisayon sa kaniyang mga kalaro. May mga panahon na tinutukso siya ng kaniyang mga kaklase na mayayaman. Isa sa nagiging kapansin-pansing kakulangan ng batang babae ay ang kaniyang mga damit. Kupas na ang kulay nito at napakarami nang tahi. Dahil sa mga panunuksong nakuha, isang araw, ay umuwi siya na umiiyak. Sinabi niya sa ina ang naganap na panunukso. Wala namang magawa ang pobreng ina.Dahil din sa diskriminasyong natatanggap, nakaisip ng paraan ang bata upang labanan ang kaniyang mga kaklase na panay ang panunukso sa kaniya. Sinabi niya ang isang kasinungalingang mayroon daw siyang sandaang damit sa kanila at isinusuot depende sa okasyon katulad ng pang-eskwela, pang-piging, at may pang-simba. Matapos sabihin ng bata na mayroon siyang isang daang damit na itinatago sa kanila, bigla na lamang hindi nagparamdam ang bata. Hindi na ito pumapasok sa paaralan. Dahil sa labis na pagtataka, minarapat ng guro at mga kaklase na puntahan siya sa kanilang bahay. Nalaman nilang mayroong malubhang karamdaman ang kaklase nila. At doon nila nakita ang sinasabing isang daang damit. Ngunit hindi mga totoong damit ito bagkus mga damit na iginuhit lamang sa papel.
Batang babae
Mga Kaklase ng Batang Babae
Ina ng Batang Babae
Guro
-Sa bahay ng batang babae
-Sa paaralan
Bilang isang mag-aaral, nakita ko na napakaganda ng istoryang nais ipahatid ng "Sandaang Damit" ni Fanny Garcia dahil sa naglalaman ito ng isang kuwento na kumikilala sa iba't-ibang isyung panlipunan partikular na ang ilan sa mga problemang kinakaharap ng mga mag-aaral sa panahon ngayon. Isa ang kahirapan sa mga aspetong binigyang pokus sa kuwento at para sa akin, ito ay isa sa mga parte ng kuwento na hindi lamang ginamit upang pagandahin at bigyang kulay ang daloy ng istorya, kundi upang iparating din sa mga mambabasa na hindi biro ang mga pinagdadaanan ng mga estudyanteng nakararanas ng kahirapan. Pangalawa, ang isyu ng diskriminasyon ay isa rin sa mga problema na hindi naiiwasan ng maraming mga paaralan; maraming mga mag-aaral ang nakararanas nito at ito ay hindi magandang imahe na makita sa bawat paaralan. Kaya naman ipinararating din ng istoryang ito na ang diskriminasyon ay hindi magandang gawain dahil hindi natin alam kung anong buhay mayroon ang isang tao; at kung oobserbahan natin sa istorya, ito ay lubos na naipakita. Sa pangkalahatan, ang awtor ay naging matalino sa paggawa ng isang malikhaing akda na hindi lamang ang tanging layunin ay upang magbigay ng aliw sa mga mambabasa kundi nagawa din nyang pukawin ang ating mga damdamin sa iba't-ibang problema na nararanasan ng mga mag-aaral na sa murang edad ay hinahamon na ng mabagsik na lipunan.
Sino ang awtor na sumulat ng akdang "Sandaang Damit"?
Sino-sino ang mga tauhan na nabanggit sa kuwento?
Saan ginanap ang mga mahahalagang tagpo sa kuwento?
Ano ang tinutukoy na sandaang damit ng bidang batang babae sa kuwento?
Ano-anong mga isyung panlipunan ang binigyang pokus sa kwento? Magbigay ng dalawa.
Bilang mag-aaral, ano para sa iyo ang kahalagahan ng kuwentong "Sandaang Damit"?
Ano ang aral na napulot mo sa kwento?
F. MAIKLING BIDYO
Ang "Sandaang Damit" ni Fanny Garcia ay isang maikling kuwentong naglalaman ng istorya ng isang batang babae na nakararanas ng kahirapan at diskriminasyon sa kanyang buhay. Ang kuwento ay kumpleto rin ng iba't-ibang mga elementong pampanitikan katulad lamang ng pagkakaroon nito ng makabuluhang paksa, tauhan, tagpuan at iba pa. Ito din ay kinapapalooban ng iba't-ibang parte na kumukumpleto sa isang maikling kuwento at ito ay ang mga panimula, saglit na kakintalan, papataas na aksyon, kasukdulan, pababang aksyon at wakas. Ang mga ito ay napakaimportante dahil ang bawat isa ay may malaking ginagampanan sa bawat pangyayari sa isang kuwento. Naglalaman rin ito ng mga uri tunggalian tulad na lamang ng tunggalian na 'tao laban sa tao', dahil sa pangungutya na natatanggap ng bidang batang babae sa kanyang mga kaklase at ang isa pa ay ang tunggalian na 'tao laban sa lipunan' dahil sa kahirapan na kanyang nararanasan. At ang pinakaimportante sa lahat ay kinapapalooban din ito ng aral na maaaring maisabuhay ng mga mambabasa.
Ang aral na makikita o ipinahahayag sa kuwento ay hindi tuwiran o direktang sinabi ng awtor dahil nais nito na ang mga mambabasa ang matuto sa kuwento. Isa sa mga aral na aking nakita ay walang karapatan ang bawat isa na idiskrimina o kutyain ang isang tao ng dahil lamang sa antas ng kanyang pamumuhay o pisikal na kaanyuan dahil hindi natin alam kung anong buhay meron ang isang tao. Maaaring siya ay may malaking problemang kinakaharap na dinadagdagan pa ng mga taong umaapi at nangungutya sa kanila. Sa halip na idiskrimina ang isang tao, bakit hindi natin sila tanungin o tulungan sa mga problemang kinakaharap nila, bukod sa gumagawa na tayo ng mabuti ay nakatutulong pa tayo sa iba sa pamamagitan ng pagpapagaan sa kanilang kalooban. Sa isang banda, itinuro din sa atin ng kuwentong ito na hindi natin kailangang magsinungaling sa iba upang makahanap lamang ng simpatya galing sa kanila dahil hindi iyon makatutulong sa atin, sa halip ito ay magdudulot lamang ng mga hindi magagandang bagay.