Wika
Wika
Ang Pilipinas ay kilala sa pagiging isang bansang arkipelago, kaya naman hiwa-hiwalay ang ating bansa sa mga pulo o isla. Dahil dito, ang mga Pilipino ay may iba’t-ibang wika na ginagamit na nakadepende sa kanilang lugar.
Ang ating pambansang wikang "Filipino" ay binubuo ng maraming lokal na lengguwahe at isa na roon ay ang wikang “Tagalog”. Ang wikang Tagalog ay itinuturing bilang pinakamatandang sariling wika ng Pilipinas. Bagama’t ito ang pambansang wika ng Pilipinas, mayroong mga Pilipino na hindi marunong magsalita sa wikang ito. Ang mga lugar sa Luzon (kung saan ito ay mas malawak na sinasalita), katulad ng Cavite at Manila, ay Tagalog ang pangunahing ginagamit na wika. Dahil nasakop tayo ng mga Kastila noon, maraming salitang Tagalog ang may pagkakatulad sa mga salitang Espanyol katulad ng “bintana” na “ventana” sa Espanyol, “biyahe” na “viaje” naman, at “kutsara” na “cuchara”. Ang wikang Tagalog ay hindi lamang pangunahing wika sa Luzon, kundi sa iba’t-ibang parte rin ng Pilipinas.
Ang Cebuano, tulad ng ipinahihiwatig ng pangalan nito, ay nagmula sa lalawigang tinatawag na Cebu. Ang Cebuano ay ang pangunahing wika ng mga taga-Cebu na parte ng Visayas. Ito rin ay ginagamit ng mga taga-Bohol, Siquijor, Negros Oriental, at mga lugar sa Negros Occidental, siyempre marami pang mga lugar sa Pilipinas na ginagamit ang wikang Cebuano. Kung ikaw ay hindi pamilyar sa ngalan ng wikang ito, marahil ay mas kilala mo ito bilang “Bisaya”. Marami ang nakakakilala sa “Cebuano” bilang “Bisaya” dahil ito ang pinakaginagamit na wika sa parte ng Visayas. Ilan sa mga karaniwang ginagamit na parirala sa wikang ito ay, “maayong adlaw” na ibig sabihin ay magandang araw, “kinsa ka?”, na nagtatanong kung taga-saan ka, at “amping” na nagsasabing ingat. Maraming nag-aakalang walang respeto ang nagsasalita ng Bisaya dahil ang “Oo” sa kanila ay “Oo” lang talaga, hindi rin sila gumagamit ng “po” at “opo”, ngunit kailangan maintindihan ng madla na iba-iba ang ating ginagamit na wika.
Ang wikang Hiligaynon ay ang pinakaginagamit sa Iloilo na parte rin ng Visayas. Ngunit maaaring mapapaisip ka, hindi ba Ilonggo ang ginagamit na wika sa Iloilo? Katulad rin ng Cebuano, ang Hiligaynon ay mas kilala bilang Ilonggo. Ang Ilonggo ay isang klase ng wika na Hiligaynon, kung kaya’t marami sa atin ang nalilito. Mahigit siyam na milyon ang marunong at nagsasalita nito sa kanlurang bahagi ng Visayas habang anim na milyong katao naman sa silangang parte ng Visayas. Ito ay ang pang-apat na pinakaginagamit na wika dito sa Pilipinas.
Ang Ilocano ay nakilala at nagagamit ngayon sa mga lugar na sakop ng Luzon katulad ng Ilocos Sur, Ilocos Norte, at La Union. Ito ay pinaniniwalaang nagmula sa isang pamilyang wika na nagmula pa sa Taiwan. Ang Ilocano ay una munang ginamit ng isang katutubong tribo, ang mga Igorot na matatagpuan sa hilagang bahagi ng Luzon. Ito rin ay ang pangatlong pinakaginagamit sa pagsasalita na katutubong wika. Dahil nagmula rin ito sa tribo ng mga Igorot, maririnig mo rin ito na ginagamit sa isa sa mga binibisitang lugar ngayon sa Pilipinas, ang Baguio.
Ang Kapampangan ay isa sa pinakanangingibabaw na wika sa ating bansa, dahil ito ay ginagamit talaga ng buong lalawigan ng Pampanga. Dahil katabi lang ng Pampanga ang Tarlac, makikita mo rin na ang mga karatig na bayan ng Pampanga sa Tarlac ay gumagamit rin ng Kapampangan. Ilan sa mga salita sa wikang ito ay: mapali, mainit; marimla, malamig na kabaliktaran naman ng mapali; kalagu, maganda (parang ikaw); kalambat na ibig sabihin ay mabagal. Kahit na ang wikang ito ay laganap sa lalawigan ng Pampanga, marami pa rin ang nababahala na ito ay unti-unting naglalaho. Sa panahon ngayon, ang mga batang henerasyon sa Pampanga ay mas sanay na magsalita ng Tagalog at Ingles, kaya naman hinihiling ng mga Pampangueño na maingatan at hindi maglaho ang kanilang wika.
Dahil tayo ay sinakop ng mga Kastila sa loob ng 333 na taon, hindi maiiwasan ang pagkakaroon ng mga bagay na konektado sa mga Espanyol. Katulad ng isang wika na namamayagpag sa lugar ng Zamboanga, ang Chabacano (o Chavacano). Mukha man itong wikang Espanyol sa una, ngunit ito ay isa sa mga wika ng Pilipinas. Ito ay isang creole na base sa wikang Espanyol, kaya naman halos lahat ng salita sa wikang ito ay may katulad sa wika ng mga Kastila. Hanggang ngayon ay ginagamit pa rin ito sa mga lugar sa Luzon, Visayas, at Mindanao, katulad ng Cavite, Zamboanga, Cotabato, Davao, at iba’t ibang lugar sa Pilipinas.