By Leocas Samoel O. Encarnacion
Nakakaalarma ang panukalang Educational Pathways Act (House Bill 11213) ng Kamara, na inaprubahan na sa ikalawang pagbasa. Layunin nitong bigyang daan ang mas maraming mag-aaral na makapasok ng kolehiyo nang hindi na kinakailangan pang dumaan sa Senior High School sa ilalim ng University Preparatory Program ng Department of Education (DepEd).
Sa ilalim ng H.B. 11213, papayagan nang dumiretso sa kolehiyo ang mga makakapagtapos ng Technical-Vocational Program ng Technical Education and Development Authority (TESDA). Ang kondisyon, kailangang makapasa sila sa Philippine Educational Placement (PEPT) ng DepEd. Gayundin, hindi na sapilitan ang pag-aaral ng Grade 11-12 para sa mga magtatapos ng Junior High School bago makapasok ng kolehiyo, dahil maari na silang kumuha ng Technical-Vocational Programs ng TESDA.
Makakabuti ito sa mga mag-aaral na nais agad makapaghanap-buhay at maagang pumasok sa labor force ng bansa. Maganda rin ang magiging epekto nito sa ating ekonomiya sapagka’t dadami pa ang mga manggagawa.
Sa kabilang banda, tinutugunan nito ang matagal nang hinaing ng maraming magulang, lalo na ng mga pamilyang isang kahig, isang tuka na tanggalin na ang Senior High School dahil nakakadagdag lamang umano ito sa kanilang mga gastusin. ala rin halos silang napapala dahil hindi rin naman kaagad tinatanggap sa trabaho ang mga nakapagtapos ng Senior High, na siyang pangunahing layunin sana nito.
Napakaraming kwalipikasyon pa ang hinahanap ng mga employer sa trabahador, kabilang na ang pagiging tapos sa kursong kolehiyo. Minsan pa ay maging ang pagiging kahera o serbidor sa mga kainan ay hinahanapan pa ng diploma.
Kaya, kung didiretso lamang sa Technical-Vocational Programs ang mga mag-aaral pagkatapos ng Junior High School, hindi malayong mauwi lang din sa wala ang mga taong gugugulin dito. Dagdag pa nilang poproblemahin ang pagpasok sa kolehiyo kalaunan kahit pa maipasa nila ang PEPT, dahil tiyak na iilang unibersidad lamang ang tatanggap sa kanila.
Bago ito isulong, makakabuting repasuhin muna ang mga batas at regulasyong humahadlang sa paghahanapbuhay ng mga hindi tapos ng kolehiyo. Sa halip na pasulong ang pag-usad ng edukasyon at ng ekonomiya, tila paurong ang nagiging pagbabago. Hindi naman kailangan ang pagiging bihasa sa Agham, Matematika at iba pang konsepto upang makapagtrabaho nang marangal.
Ang karukhaan ay hindi dapat maging hadlang sa pagtatagumpay ng kabataang Pilipino, kaya’t higit na makakatulong kung uunahing isulong ang batas na pinapahintulutang maghanap-buhay ang mga hindi tapos ng kolehiyo, lalo na kung ang kinakailangan lamang dito ay kakayahang makapagtrabaho.