The Link, ika-14 ng Agosto, 2025
Ni Christian Jay G. Tagaro
Iginuhit ni Lorenzo Gian E. Racelis
O kay ganda ng wikang ating pinagyaman,
Na sa puso’t diwa’y sa atin lamang,
Ito’y pamanang bunga ng ating nakaraan.
Tayo ay nagkakaisa sa ating kinalakhan,
Ang milyong-milyong tao’y nagiging isang bilang,
O kay ganda ng wikang ating pinagyaman,
Ang hangarin—lipunang may kalayaan,
At ngayo’y dapat tupdin, ipagsanggalang
Ito’y pamanang bunga ng ating nakaraan.
Ang wika ay isang yamang dapat pahalagahan,
Sapagkat ito’y hindi para sa iisa lamang,
O kay ganda ng wikang ating pinagyaman,
Bilang mga Pilipino, ito’y dapat ipaglaban,
Sapagkat sa Perlas ng Silanganan tayo’y isinilang,
Ito’y pamanang bunga ng ating nakaraan.
Saan man tayo magtungo, ito’y tungkuling ingatan,
Yamang walang kapantay at katumbas na bilang,
O kay ganda ng wikang ating pinagyaman,
Ito’y pamanang bunga ng ating nakaraan.