Ika-26 ng Agosto, 2025
Ni Dalem Roswell C. Sipin
*Larawan ng mga Pambansang Siyentipiko mula sa National Academy of Science and Technology
Sa bawat barya, kumikislap ang mga mukha ng ating mga bayani at ng watawat na sagisag ng bayan. Subalit, nananatiling nakatago sa likod ng alaala ang mga Pambansang Siyentipiko, mga pantas ng iba’t ibang larangan tulad ng medisina, pisika, at kemika. Sila ay tahimik na gumanap sa kanilang tungkulin upang itaguyod at isulong ang pinakamataas na antas ng kaunlaran sa mga nasabing larangan.
Ang Pambansang Siyentipiko ay isang natatanging karangalang iginagawad ng pangulo ng bansa sa mga taong nagkaroon ng kontribusyon sa agham sa Pilipinas. Ilan sa mga tinaguriang Pambansang Siyentipiko ng Pilipinas ay sina: Dioscoro L. Umali na tinaguriang “Ama ng Plant Breeding” sa Asya; Geminiano T. de Ocampo na binansagang “Ama ng Philippine Ophthalmology” at nag-imbento ng corneal dissector para sa mga mata; Carmen Velasquez na dalubhasa sa parasitology at nakadiskubre ng 32 bagong species ng fish parasites; Fe del Mundo na tagapagtaguyod ng pediatrics at nagdisenyo ng incubator na gawa sa kawayan at nagtatag ng Children’s Medical Center; Benito Vergara na nagpaunlad ng rice science at flood-tolerant rice; Angel Alcala na tagapagtaguyod ng marine biodiversity at artificial reef teknolohiya; Ernesto Domingo na nagsulong ng liver disease research at hepatitis B vaccination; at Teodulo Topacio Jr. na nagsaliksik sa leptospirosis at animal health.
Sa haraya ng “Mga Bayani na Nararapat I-Ukit sa Barya,” makikita natin ang hayagang silbi ng agham sa bayan. Mula sa tanglaw ng ospital sa kanayunan, hanggang sa pangangalaga sa ating lupa, dagat, at kalusugan.
Ang bawat ambag ng mga siyentipikong ito, gawa man sa larangan ng medisina, agrikultura, kemika, o kapaligiran, ay patunay ng katalinuhan at pagmamahal sa bayan.
Dapat manatiling buhay sa bawat kaisipan ng ating kamalayan ang kani-kanilang pangalan. Sapagkat ito ang tunay na sukatan ng pag-unlad—ang agham na naglilingkod, hindi para sa sarili, kundi para sa sambayanan.
Ayon kay Senador Paolo Benigno “Bam” Aquino, “Mahalaga ang siyensya at teknolohiya upang mas mapalalim ang pag-unawa sa mga suliraning kinakaharap ng ating bayan, lalo na sa pang-kalusugan.”
Samakatuwid, panahon na upang kilalanin at itanghal ang agham at teknolohiya bilang haligi ng ating pambansang pagkakakilanlan. Sa pamahalaan, sa mga mambabatas, at sa bawat Pilipino, dapat nating bigyang-espasyo sa ating pera ang mukha ng siyensya, at gawing inspirasyon ang kanilang mga alaala para sa susunod na salinlahi.
Sanggunian:
Aquino, B. [@bamaquino]. (2021, November 10). Ipinagdiriwang natin ang World Science Day for Science Day for Peace & Development na
may layunin na ipaalala ang kahalagahan ng siyensya sa ating mga buhay. Mahalaga ang siyensya upang mas mapalalim ang pag-unawa
sa mga problemang kinakaharap ng ating bayan, lalo na sa pang-kalusugan [Tweet]. X.
National Academy of Science and Technology. (n.d.-a). National Scientist.
https://members.nast.ph/index.php/list-of-national-scientist
National Academy of Science and Technology. (n.d.-b). The National Scientists.