The Link, ika-18 ng Agosto, 2025
Ni Jose Joaquin M. Siwa
Iginuhit ni Kenneth Bradley D. Fariñas
Sa tatlong pulong yakap ng Timog-Silangan,
Mga kultura’y nakaduyan,
Tila samu’t saring buhanging bakal, munti at hilaw,
Ngunit ang taglay na halaga’y tunay na nakasisilaw.
Itong mga isla’y pandayang nag-aalab
Humahabi ng wika—hibla ng ating hinaharap;
Subalit ang espada, kung di kikinisin,
Ang kalawang na itatapon sa pusod ng dilim.
Sa Homonhon, dumating ang martilyo ng Kanluran,
Hawak nila ang apoy ng pananakop at kagitingan,
Na siyang nagpatunaw sa ating pagkakakilanlan,
Mga isla ng oro at plata, yero ang naging kapalaran.
Sa tatlong siglo, tayo’y sinunog at nilunod
Sa langis ng dayuhang ang turing sa’tin ay alipin.
Ating mga tradisyon, pinapakutitap, pinagpupukpok,
Hanggang sa tuluyang pumanaw ang kulturang kayumanggi.
Lahat ng sugat ay maaaring maghilom,
Ang bakal na makalawang ay muling magniningning,
Halina, mga anak ng bayan, mga pusong magiting,
Ang siyang kanlungan ng sariling atin.