Ika-25 ng Agosto, 2025
Ni Leocas Samoel O. Encarnacion
Iginuhit ni Nicolo J. Sonza
‘Isang Diwa, Isang Lahi, Isang Bayanihan’—iyan ang tema ngayong Araw ng mga Bayani, ika-25 ng Agosto, 2025. Inaalala ang mga dakilang nakibaka para sa ating kalayaan—yaong mga mas pinili ang bayan kaysa sa sariling kapakanan. Ngunit sa kasalukuyan, ibang anyo na ng pakikibaka ang ating nasasaksihan—ang mga araw-araw na karanasan ng kapwa nating Pilipino. Sa ating lipunan, higit na kinakailangan ang kabataan sa pagsulong ng tunay na diwa ng pagkabayani.
Araw-araw, maraming Pilipino ang kumakayod nang higit sa karaniwang walong oras. Ayon sa mga nakalap na datos ng Philippine Statistics Authority noong Hunyo 2025, 23.5% ng mga tumugon ang sumagot ng nangangailangan ng dagdag na kita kung kaya’t nararapat na magtrabaho ng higit sa 48 na oras bawat linggo. Ngayong araw, bukod sa mga bayani ng nakaraan ay ginugunita natin ang mga gurong kahit maghapon nang nagtuturo ay magtu-tutorial pa sa gabi, mga empleyadong nagtitinda online pagkatapos ng trabaho upang makadagdag sa napakaliit na sahod, at mga delivery rider at tsuper na namamasada sa lansangan hanggang madaling araw.
Tanyag man ang mga pangalan nina Jose Rizal, Marcelo Del Pilar, Andres Bonifacio, Manuel Quezon at iba pang bayani sa ating kasaysayan, ngunit, bakas mula pa noong simula: maituturing ding bayani ay ang masang Pilipino na nagpatuloy ng rebolusyon at naghangad ng tunay na pagbabago sa lipunan. Ang makabagong bayani natin ngayon ay ang mga guro, mga manggagamot at nurses, mga manggagawa o obrero, mga delivery rider, tsuper, mga mag-aaral at mananaliksik tungo sa kaunlaran, at higit sa lahat ay ang mga Pilipinong naghahangad na maglingkod sa bayan nating mahal.
Gayunpaman, kalunos-lunos ang kalagayan ng ating bayan dahil sa lantarang pang-aabuso ng mga dayukdok na naluluklok sa kapangyarihan. Pinagsasawalang-bahala ito ng karamihan ng mga Pilipino. Higit pa, tila pinapanginoon ang mga naghari-hariang ang pinanumpaan naman talagang tungkulin ay paglingkuran ang sambayanan. Noon, ang mga bayani ay gumamit ng makapangyarihang tinta’t panulat upang maglantad ng katotohanan, na buhay ang naging kapalit. Ngayon naman, tungkulin na ng bawat Pilipino, lalong-lalo na ng kabataang tagapagmana ng kanilang laban, ang gampaning ipagpatuloy at pag-alabin ang apoy sa puso’t isipan para sa kapakanan ng mga mamamayan at ng bayan.
Sa ating kasaysayan, pinatunayang ang tunay na pagbabago ay hindi maisasakatuparan kung iilan lamang ang kikilos. Bagkus, ito ay bunga ng pagkakapit-bisig at paggising ng natutulog na diwang makabayan ng nakararami. Mula sa mapapait na dagok ng tadhana, ang kamalayan at makapangyarihang pag-iisip ng mga kabataan ang nagsisilbing daan tungo sa pagkamit ng minimithing pagbabago at kalayaan.
‘Diwa ng Kasaysayan, Kabilin ng Kabataan’—ang tema ng Buwan ng Kasaysayan ay paanyaya sa kabataan ngayon na isabuhay ang nakaraan. Anang Gat Jose Rizal, “Ang kabataan ang pag-asa ng bayan.” Kabataan ang sisibol at magiging bagong bayani sa hinaharap na panahong hinahamon ng mga iba’t-ibang suliraning panlipunan, kagaya ng katiwalian, panlilinlang, at maling impormasyon.
Ang kabayanihan ngayon ay hindi na lamang nasusukat sa pagsulat ng mga matatalinhagang akda o pakikipaglaban at pagpupunyagi sa larangan ng digmaan. Ang higit na kailangan ngayon ay ang kamalayan at paninindigan ng kabataan na ialay ang sarili sa inang bayan.
Huwag na nating hayaan na ang ating kalayaang tinubos ng dugo at pawis ng ating mga bayani, ay hindi makabangon sa poot at pawang galit at paghuhusga sa kapwa ang umiiral. Datapwat maging mapagsiyasat bago maglahad ng mga mapanirang kataga sa kapwa at sa bayan. Ang pagkakabuklod-buklod ay hindi dapat mawasak ng pansariling kaisipan. Nawa’y sariwain natin ngayon ang mga alaala ng ating kasaysayan, na ang kabilin sa kabataan at sa bawat mamamayan, kaisipan ay palayain at gisingin ang diwang makabayan at magpakabayani sa panahong kasalukuyan.
Sanggunian:
National Historical Commission of the Philippines (NHCP). (2025, Hulyo 16). NHCP leads History Month celebration in August 2025.
https://nhcp.gov.ph/news_and_updates/nhcp-leads-history-month-celebration-in-august-2025/
Philippine Statistics Authority (PSA). (2025, Agosto 6). Table C - Reasons for working less than 40 hours, working more than 48 hours, and
with job but not at work, Philippines_June2025_1 [Table]. In Philippine Statistics Authority (PSA), Labor Force Survey.
https://psa.gov.ph/statistics/labor-force-survey