The Link, ika-11 ng Agosto, 2025
Ni Leocas Samoel O. Encarnacion
Pormal na inilunsad ng Paaralang Lourdes ng Mandaluyong noong Martes, ika-5 ng Agosto, 2025, sa Brother Juniper Square ang taunang pagdiriwang ng Maka-Ebanghelyong Kapatiran (Gospel Brotherhood) at ang Buwan ng Wikang Pambansa at Kasaysayan.
Nakiisa ang mataas at mababang paaralan sa taunang pagdiriwang ng Maka-Ebanghelyong Kapatiran.
Ang martsa ng simbolo ng Maka-Ebanghelyong Kapatiran ay pinamunuan ng mga kawani ng Student Government ng mataas na paaralan.
Sumayaw ng Tinikling ang mga piling mag-aaral mula sa mataas na paaralan.
Pinangunahan ni R. Pd. Jusfer John Albert, OFMCap., ang paglulunsad ng Maka-Ebanghelyong Kapatiran bilang matatag na pundasyon ng buhay-Lourdesiano. Pinasinayaan naman ng mga punong-guro ng mababang paaralan at mataas na paaralan, sina G. Lincoln Ariz at G. Peter Patrick Garcia, ang opisyal na pagbubukas ng buwan ng Agosto na may temang “Wika at Kasaysayan: Pamana at Gabay ng mga Lourdesiano sa Pagtataguyod ng Maka-Ebanghelyong Kapatiran”.
Nakilahok ang mga piling mag-aaral mula sa mababang paaralan sa pagsasayaw ng Tinikling.
Nagkaroon ng maikling pagtatanghal ang dalawang guro mula sa mababang paaralan.
Nagkaroon ng maginoong balagtasan ang mga guro mula sa mataas na paaralan.
Kasunod nito, nagpakitang-gilas ang mga guro at mag-aaral sa iba’t ibang pagtatanghal kabilang ang tradisyunal na sayaw na Tinikling, matalinhagang balagtasan, makabagong pagtula at deklamasyon.
Itinampok ng dalawang guro mula sa mataas na paaralan ang makabagong anyo ng tula.
Nagkaroon ng pagsasatao ang mga piling mag-aaral mula sa mataas na paaralan.
Katuwang ng paaralan ang Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) sa pagsusulong ng pambansang wika at mga wikang katutubo, at ang Pambansang Komisyong Pangkasaysayan ng Pilipinas o ang National Historical Commission of the Philippines (NHCP) sa pagpapalaganap ng kamalayan at pagpapahalaga sa kasaysayan ng bansa.
Layon ng pagdiriwang na pagtibayin ang diwa ng malasakit sa kapwa at bayan, at higit pang mapalalim ang pagpapahalaga sa wikang pambansa at kasaysayan bilang mahalagang bahagi ng ating pambansang pagkakakilanlan.