HINTO SA KASAYSAYAN,
HAKBANG SA KABAYANIHAN
HINTO SA KASAYSAYAN,
HAKBANG SA KABAYANIHAN
The Link, Agosto 31, 2026
Ni Jaren Railey T. Estopare
Naisipan mo na rin bang balikan at tingnan ang iba pang mukha ng kabayanihan ng ating bansa?
Hindi lamang iyong mga pangalang una nating naaalala. Hindi rin iyong mga bayaning paulit-ulit nating naririnig sa loob ng silid-aralan. At hindi rin iyong mga mukhang halos awtomatikong napipinta sa ating mga isipan kapag naririnig natin ang salitang bayani.
Rizal. Bonifacio. Mabini.
Kilala natin sila.
Ngunit paano naman iyong iba?
Bakit kakaunti ang nakaaalala sa babaeng nakipaglaban kasama ng mga Katipunero? Sino ang inhinyerong ginamit ang kaniyang talino upang ipagtanggol ang isang rebolusyon? Sino ang gurong iniwan ang silid-aralan upang humawak ng sandata? Sino ang heneral na nanatiling nakatayo noong panahon ng digmaan kahit ang marami ay sumuko na? At sino ang babaeng piniling maglingkod kahit sariling buhay ang nakataya?
Kung maaari lamang balikan ang nakaraan, marahil ay doon natin sila muling makikilala.
Kaya halika.
Ibalik natin ang orasan.
Unang Hinto: 1896
Maingay. Putok ng baril. Sigawan. Mga sugatang naghihintay ng tulong. Ngunit sa gitna ng kaguluhan, may isang babaeng hindi tumatakbo palayo.
Palapit siya nang palapit.
Si Trinidad Tecson.
Nang sumiklab ang Himagsikang Pilipino, hindi siya nanatiling tagamasid. Nakibahagi sa pakikibaka at tumulong sa mga sugatang Katipunero. Dahil sa kaniyang paglilingkod sa mga rebolusyonaryo, siya’y nakilala bilang Ina ng Biak-na-Bato.
Sa panahong maaari sana niyang piliing manatili sa kaligtasan, pinili niyang lumapit sa panganib.
Tapang.
Iyan ang iniwan ni Tecson.
Tapang na tumindig kapag mas madaling manahimik. Tapang na lumapit kapag mas madaling umiwas. Tapang na tumulong kahit sariling kaligtasan ang maaaring maging kapalit.
Ngunit hindi pa tapos ang ating biyahe.
Usad tayo nang kaunti.
Ikalawang Hinto: Zapote, 1897
Sa pagkakataong ito, papel naman ang nasa harapan ng isang lalaki. Mga guhit. Mga sukat. Mga planong kailangang buuin. Isang inhinyero.
Si Edilberto Evangelista.
May kaalaman siyang maari sanang gamitin upang buuin ang sarili niyang kinabukasan. Ngunit nang kailanganin siya ng bayan, hindi siya nag-atubili. Ibang bagay ang pinili niyang itayo.
Hindi bahay. Hindi gusali. Depensa.
Ginamit ni Evangelista ang kaniyang kaalaman sa inhenyeriya sa paggawa ng mga trintsera at depensa para sa mga rebolusyonaryo. Sa Labanan sa Zapote noong 1897, hindi lamang talino ang kaniyang ibinigay sa bayan.
Pati buhay. Talino.
Iyon ang naging sandata ni Evangelista.
Pinatunayan niyang hindi lahat ng sandata ay kailangang pumutok. Minsan, sapat na ang isip na handang gamitin hindi lamang para sa sariling tagumpay, kundi para sa kapakanan ng iba.
May isa pa tayong pupuntahan. I-usad muli natin ang orasan.
Ikatlong Hinto: Isla ng Panay, 1898
Tahimik ang silid-aralan. May pisara. May mga aklat. At may gurong nakatayo sa harapan.
Hanggang sa dumating ang panahong ibang aralin ang kailangan niyang ituro.
Si Teresa Magbanua.
Iniwan ang nakasanayang buhay bilang guro upang sumama sa pakikibaka para sa kalayaan. Kinilala siya bilang Joan of Arc ng Kabisayaan, dahil sa kaniyang katapangan at buong-pusong pamumuno sa pwersa ng himagsikan sa Panay.
Mula sa pisara tungo sa larangan ng digmaan. Mula sa pagtuturo tungo sa pamumuno. Hindi naman talaga niya iniwan ang pagiging guro. Nagbago lamang ang kaniyang aralin.
Pamumuno.
Iyon ang itinuro ni Magbanua.
Pamumunong hindi naghihintay na may ibang maunang kumilos. Pamumunong handang tumayo sa harapan kapag kinakailangan. At pamumunong nagpapatunay na walang kasarian ang kakayahang ipaglaban ang bayan.
Usad pa tayo.
Ikaapat na Hinto: Batangas, 1902
Humihina na ang ingay ng digmaan. Marami nang sandatang ibinaba. Marami na ring tumigil sa pakikipaglaban. Ngunit may isang lalaking nananatiling nakatayo.
Si Miguel Malvar.
Sa gitna ng pakikibaka laban sa mga Amerikano, ipinagpatuloy niya ang laban kahit marami sa kaniyang mga kasamahan ang sumuko na. Isa siya sa mga huling pangunahing heneral na nagpatuloy ng paglaban bago sumuko noong 1902.
Alam niyang mabigat ang laban. Alam niyang maaaring hindi siya magtagumpay. Ngunit hindi siya nagpatinag, at nanatiling nakatayo.
Paninindigan.
Iyon ang iniwan ni Malvar.
Dahil may mga laban na hindi lamang nasusukat sa kung sino ang nanalo. Minsan, nasusukat ang isang tao sa kung gaano siya katagal handang manatili sa kaniyang pinaniniwalaan kahit ‘di hamak na mas madaling tumalikod na lamang.
At bago tayo umuwi, may isa pa tayong kailangang makilala.
Huling Hinto: Panahon ng Digmaan
Walang trintsera sa ating harapan. Walang hukbong pinamumunuan. Wala ring baril sa kaniyang kamay. Ngunit hindi nangangahulugang hindi siya lumaban.
Si Josefa Llanes Escoda.
Ipinaglaban ang kapakanan ng kababaihan at kabataan at tumulong sa pagtatatag ng Girl Scouts of the Philippines. Nang dumating ang pananakop ng mga Hapones, tumulong siya sa mga bilanggo at nangangailangan kahit inilalagay nito sa panganib ang sarili niyang buhay.
Maaari sana siyang tumalikod. Maaari sana siyang manahimik. Ngunit may mga taong nangangailangan. Dahil dito, pinili niyang tumulong.
Malasakit.
Iyon ang iniwan ni Escoda.
Pinatunayan niyang hindi lahat ng kabayanihan ay maingay. May kabayanihang walang putok ng baril. Walang sigaw. Walang espada. Minsan, nakikita lamang ito sa kamay na kusang umaalalay sa kapwa.
At ngayon, tayo’y bumalik sa kasalukuyan.
Limang hinto.
Limang pangalan.
Limang magkakaibang paraan ng pagmamahal sa iisang bayan.
Tapang. Talino. Pamumuno. Paninindigan. Malasakit.
Marahil, dito rin natin makikita ang sagot sa tanong na: Paano nga ba nagiging pambansang bayani ang isang tao?
Hindi lamang dahil may rebulto siya. Hindi dahil ipinangalan sa kaniya ang isang kalsada. At lalong hindi dahil kabisado ng lahat ang kaniyang pangalan.
Ang kabayanihan ay makikita sa makabuluhang ambag na iniaalay para sa bayan, sa sakripisyong ginagawa para sa kapwa, at sa bakas na naiiwan para sa mga susunod na henerasyon.
Matagal nang tapos ang mga laban nina Tecson, Evangelista, Magbanua, Malvar, at Escoda.
Ngunit hindi pa tapos ang atin.
Kaya ngayong Pambansang Araw ng mga Bayani, huwag lamang nating itanong kung sino ang ating mga bayani. Tanungin din natin ang sarili natin kung ano sa kanilang kabayanihan ang kaya nating ipagpatuloy. Sapagkat ang mga bayani ay hindi lamang mga taong dapat balikan sa kasaysayan.
Sila rin ang mga taong dapat nating dalhin sa kasalukuyan.